Kasalukuyan
Napakinggan nila'y ganitong saysay: "Nang aking[1]matatap na pupugutan ang abang sinta[2] kong nasa bilangguan, nagdapa sa yapak ng haring[3] sukaban.".
"Inihinging-tawad ng luha at daing ang kaniyang anak na mutya ko't giliw; ang sagot ay kundi kusa kong tanggapin ang pagsinta niya'y 'di patatawarin."
"Ano'ng gagawin ko sa ganitong bagay? Ang sinta ko kaya'y hayaang mamatay? Napahinuhod na ako't nang mabuhay ang prinsipeng irog na kahambal-hambal!"
"Ang 'di nabalinong matibay kong dibdib ng suyo ng hari, bala at paghibik, naglambot na kusa't kumain sa sakit at nang mailigtas ang buhay ng ibig.
"Sa tuwa ng hari, pinawalan agad dahil ng aking luhang pumapatak; dpuwa't tadhanang umalis sa s'yudad[4][5] at sa ibang lupa'y kusang mawakawak."
"Pumanaw sa Persya ang irog ko't buhay na hindi man kami nagkasalitaan; tingni kung may luha akong ibubukal na maitutumbas sa dusa kong taglay!"
"Nang iginaganya sa loob ng reyno yaong pagkakasal na kamatayan ko, aking naakalang magdamit-gerero at kusang magtanan sa real palasyo."
"Isang hatinggabing kadilimang lubha, lihim na naghugos ako sa bintana; walang kinasama kung hindi ang nasa — matunton ang sinta kung nasaang lupa."
"May ilan nang taon akong naglagalag na pinapalasyo ang bundok at gubat; dumating nga rito't kita[6]'y nailigtas sa masamang nasa niyong taong sukab[7]
Salita'y nahinto sa biglang pagdating ng Duke Florante't Prinsipe Aladin; na pagkakilala sa boses ng giliw, ang gawi ng puso'y 'di mapigil-pigil.
Aling dila kaya ang makasasayod ng tuwang kinamtan ng magkasing-irog? Sa hiya ng sakit sa lupa'y lumubog, dala ang kanyang napulpol na tunod.
Saang kalangitan napaakyat kaya ang ating Florante sa tinamong tuwa ngayong tumititig sa ligayang mukha ng kanyang Laurang ninanasa-nasa?
|
Orihinal
Napaquingán nila,i, ang ganitóng saysay "nang aquíng matatap na papupugutan ang abáng sintá cong nasa bilanguan nag dapa sa yapac nang Haring sucaban.
Inihin͠gíng tauad nang luha at daing ang caniyang anác na mutya co,t, guiliu ang sagót ay cundi cusa cong tangapin ang pagsintá niya,i, di patatauarin.
¿Anóng gagauín co sa ganitóng bagay? ¡ang sintá co caya,i, baya-an mamatáy! napahinuhod na acó,t, nang mabúhay ang Principeng írog na cahambal-hambál.
Ang dî nabalinong matibay cong dibdib nang súyo nang hari, bála at pag hibic, naglambót na cúsa,t, humain sa sáquit at nang ma-iligtás ang búhay nang ibig.
Sa toua nang Hari, pinaualáng agád ang dahil nang aquing lúhang pumapatác, dapoua,t, tadhanang umalís sa Ciudad, at sa ibáng lúpa,i, cúsang mauac-auac.
Pumanao sa Percia ang írog co,t, búhay na hindî mang camí nagcasalita-an ¡tingní cong may lúha acóng ibubucál na maitutumbás sa dusa cong tagláy!
Nang iguinagayác sa loob nang Reino yaóng pagcacasál na camatayan co, aquing na-acalang magdamit guerrero cúsang magta-anang sa Real Palacio.
Isáng hatingabíng cadilima,i, lubhâ lihim na naghunos acó sa bintana ualáng quinasama cun hindî ang nása matuntón ang sintá cong nasaang lúpa.
May ilán n͠g taón acóng nag lagalág na pina-Palacio ang bundóc at gúbat dumating n͠ga rito,t, quita,i, na iligtas sa masamang nasa niyaong taong sucáb....
Salita,i, nahinto na big-láng pagdatíng n͠g duque Florante,t, principe Aladín, na pagca-quilala sa voces n͠g guiliu ang gaui n͠g puso,i, dî napiguil-piguil.
¡Aling dila caya ang macasasayod n͠g touang quinamtán ng magcasing irog sa hiya n͠g sáquit sa lupa,i, lumubóg, dalá ang caniang napulpól na túnod.
¡Saang calan͠gitan na pa-aquiat cayâ ang ating Florante sa tinamóng touá n͠gayóng tumititig sa ligayang muchá n͠g caniyang Laurang ninanása nasa.
|