Kasalukuyan
"Ang pagkabuhay mo[1]'y yamang natalastas, tantuin mo naman ngayon ang kausap; ako[2] ang Aladin sa Persyang Siyudad[3], anak ng balitang Sultang Ali-Adab."
"Sa pagbatis niring mapait na luha, ang pagkabuhay ko'y sukat mahalata ... (Ay, ama ko! Bakit? Ay Fleridang tuwa!)[4] katoto'y bayaang ako'y mapayapa."
"Magsama na kitang sa luha'y maagna, yamang pinag-isa ng masamang palad; sa gubat na ito'y hintayin ang wakas ng pagkabuhay tang[5] nalipos ng hirap."[6]
Hindi na inulit ni Florante naman, luha ni Aladi'y pinaibayuhan; tumahan sa gubat na may limang buwan, nang isang umaga'y naganyak maglibang.
Kanilang nilibot ang loob ng gubat, kahit bahagya na makakitang-landas; dito sinalita ni Alading hayag ang kanyang buhay na kahabag-habag.
Aniya'y "Sa madlang gerang dinaanan, 'di ako naghirap ng pakikilaban para nang bakahin ang pusong matibay ni Fleridang irog na tinatangisan."[7]
"Kung nakiumpok sa madlang prinsesa'y si Diana'y sa gitna ng maraming nimpa, kaya at kung tawagin sa Reynong Persya, isa si Huri ng mga propeta."
"Anupa't pinalad na aking dinaig sa katiyagaan ang pusong matipid; at pagkakaisa ng dalawang dibdib, pagsinta ni ama'y nabuyong gumiit."
"Dito na minulan ang pagpapahirap sa aki't ninasang buhay ko'y mautas; at nang magbiktorya sa Albanyang S'yudad, pagdating sa Persya ay binilanggo agad."
"At ang ibinuhat na kasalanan ko, 'di pa utos niya'y iniwan ang hukbo; at nang mabalitang reyno'y nabawi mo, noo'y hinatulang pugutan ng ulo."
"Nang gabing malungkot na kinabukasan, wakas na tadhanang ako'y pupugutan, sa karsel ay nasok[8] ang isang heneral, dala ang patawad na lalong pamatay."
"Tadhanang mahigpit ay nalis[9] pagdaka, huwag mabukasan sa Reyno ng Persiya; sa munting pagsuway — buhay ko ang dusa ... sinunod ko't utos ng hari ko't ama."
"Ngunit sa puso ko'y matamis pang lubha na tuloy nakitil ang hiningang aba, huwag ang may buhay na nagugunita — iba ang may kandong sa langit ko't tuwa."
"May anim na ngayong taong walang likat nang nilibut-libot na kasama'y hirap ..." napatigil dito't sila'y may namatyag, nagsasalitaan sa loo ng gubat.
|
Orihinal
"Ang pagcabúhay mo,i, yamang natalastás, tantoín mo namán n͠gayon ang caúsap, acó ang Aladin sa Perciang Ciudad anác n͠g balitang sultáng Alí-Adab.
Sa pagbátis niyaring mapait na lúhà ang pagcabúhay co,i, súcat mahalatâ.... ¡ay Amá co! baguit...? ¡ay Fleridang toua! catoto,i, bayaan aco,i, mapayapa.
Magsama na quitáng sa lúha,i, ma-agnás, yamang pinag-isá n͠g masamáng pálad sa gúbat na ito,i, antain ang uacás ng pagcabúhay tang nalipós n͠g hirap.
Hindî na inulit ni Florante namán luha ni Aladi,i, pina-ibayuhan; tumahán sa gúbat na may limáng bouan, ng isang umaga,i, nagan-yác nag-libáng.
Canilang linibot ang loób n͠g gúbat cahit bahag-ya na macaquitang landás, dito sinalità ni Alading hayág, ang caniyáng búhay na cahabag-habag.
"Aniya,i, sa madláng guerrang pinagda-anan dî acó naghirap ng paquiquilaban, para n͠g bacahin ang púsong matibay ni Fleridang irog na tinatan͠gisan.
Cong naquiqui-umpóc sa madláng princesa,i, si Diana,i, sa guitnâ ng maraming Ninfa, caya,t, cun tauaguin sa Reino n͠g Percia isá sa Houris n͠g m͠ga Profeta.
Ano pa,t, pinalad na aquing dinaig sa catiyaga-an ang púsong matipíd at pagcaca-ísa ng dalauang dibdib, pagsintá ni ama,i, nabuyong gumi-it.
Dito na minulán ang pagpapahirap sa aqui,t, ninasang búhay co,i, mautás at n͠g mag victoria sa Albaniang Ciudad pag dating sa Percia,i, binilangóng agád.
At ang ibinuhat na casalanang co dipa útos niya,i, iniuan ang hocbó at n͠g mabalitang Reino,i, naibauí mo, aco,i, hinatulang pugutan ng úlo.
Nang gabíng malungcót na quinabucasan uacás na tadhanang aco,i, pupugutan, sa carcel ay nasoc ang isang general dalá ang patauad na laong pamatáy.
Tadhanang mahigpit, ay malís pagdaca houag mabucasan sa Reino n͠g Percia, sa munting pag souáy búhay co ang dusa; sinonód co,t, útos n͠g Hari co,t, amá.
N͠guni,t, sa púso co,i, matamis pang lubha natulóy naquitíl ang hiningáng aba houag ang may búhay na nagugunita ibá ang may candóng sa Lan͠git co,t, toua.
May anim na n͠gayóng taóng ualang licat nang linibot libot na casama,i, hirap...." nápatiguil dito,t, sila,i, may nabat-yág nagsa-salitaan sa loób nang gúbat.
|