Buksan ang pangunahing menu

Noli Me Tangere/Kabanata 02 : Si Crisostomo Ibarra

TekstoBaguhin

Napatigagal[talasalitaan 1] si Padre Damaso, hindi dahil sa magagandang dalaga. Hindi rin dahil sa Kapitan Heneral at sa mga alalay nito, kundi sa pagpasok ni Kapitan Tiago na hawak pa sa kamay ang isang nakaluksang binata.

Humalik ng kamay si Kapitan Tiago sa dalawang pari at magalang na bumati. "Magandang gabi po sa inyo, mga ginoo." Inalis ng paring Dominiko ang suot na salamin at sinipat[talasalitaan 2] ang binata. Namumutla naman at nanlalaki ang mga mata ni Padre Damaso.

"Siya po si Don Crisostomo Ibarra, anak ng namatay kong kaibigan," pagpapakilala ni Kapitan Tiago. "Kararating lamang niya mula sa Europa at sinalubong ko siya."

Hindi naikaila[talasalitaan 3] ang paghanga ng mga panauhin nang marinig ang pangalan ng binata. Nakalimutan tuloy ni Tenyente Guevarra ng guardia civil na batiin si Kapitan Tiago. Nilapitan niya ang nakaluksang binata at sinipat mula ulo hanggang paa. Si Ibarra'y mataas kaysa karaniwan, malusog, mukhang edukado. Magiliw ang kanyang mukha at kasiya-siyang kumilos. Kababakasan iyon ng lahing-Kastila. Kayumanggi ang kanyang kulay ngunit mamula-mula ang pisngi.

"A!" may pagtataka ngunit masayang bati ni Ibarra. "Sila ang kura sa aking bayan. Matalik na kaibigan ng aking ama si Padre Damaso!"

Nalipat ang tingin ng lahat kay Padre Damaso

"Hindi ka nagkakamali! agaw ng prayle. "Pero, kailanman ay hindi ko naging kaibigang matalik ang iyong ama."

Inurong ni Ibarra ang iniabot niyang kamay sa pari. Nagtatakang tinitigan ang kausap. Tumalikod upang harapin ang pormal na anyo ng tenyenteng nakatingin sa kanya.

"Kayo nga ba ang anak ni Don Rafael Ibarra?"

Yumukod si Ibarra. Biglang napatayo si Padre Damaso at walang kurap na tumitig sa tenyente.

"Maligayang pagdating" ang tenyente na nangangatal ang tinig. "Sana'y higit kayong maging mapalad kaysa sa inyong ama. Nakausap ko na ang inyong ama at masasabi kong napakarangal niya."

"Ginoo," ani Ibarra. "Dahil sa papuri ninyo sa aking ama ay nawala ang alintangan ko tungkol sa mga bagay bagay na hindi ko naliliwanagan."

Napaluha ang militar. Tumalikod at naglakad na papalayo.

Naiwang nag-iisa si Ibarra. Wala ang may-ari ng bahay. Wala siyang malapitan upang magpakilala sa kanya sa mga dalagang panauhin. Gayunman ay napansin niyang maraming nakatingin sa kanya. Ipinasiya niyang lapitan ang mga iyon.

"Ipagpaumanhin ninyong malabag ko ang tuntunin sa pakikipagkapuwa." aniya. "Pitong taon ako sa ibang bansa at sa pagbabalik ko ay hindi ko matiis na hindi batiin ang pinakamahalagang hiyas[talasalitaan 4] ng aking bayan, ang mga babae."

Napilitang lumayo ang binata nang wala ni isa mang kumibo sa mga dalaga. Nilapitan niya ang nagkukuwentuhang mga lalaki.

"Mga ginoo," bati niya. "May kaugalian sa Alemanya na kung walang magpakilala sa isang panauhin ay siya na mismo ang nagpapakilala sa kanyang sarili. Itulot[talasalitaan 5] ninyong gayahin ko ang kaugaliang iyon, hindi dahil sa kagustuhan ko lamang magpasok ng ugaling dayuhan, kundi dahil lamang sa hinihingi ng pagkakataon. Nakabati na ako sa kababaihan at ngayon nama'y kayo ang gusto kong batin. Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin po ang aking pangalan."

Sinabi rin ng mga dinatnan ang kani-kanilang pangalan.

Nakangiting lumapit kay ibarra ang isang lalaki, naka barong tagalog brilyante ang mga butones.

"Ginoong Ibarra," aniya. Nais ko po kayong makita. Kaibigan ko si Kapitan Tiago at nakilala ko ang inyong ama. Ako po si Kapitan Tinong, taga Tondo. Maaari po bang makasalo namin kayo sa tanghalian bukas?"

Magiliw na tumugon ang binata. "Salamat po, ngunit pupunta po ako sa San Diego bukas."

"Sayang! Kung gayon ay hihintayin namin ang inyong pagbabalik."

Isang utusan ng Café la Campaña[talasalitaan 6], isang tanyag na restawran, ang nagpahayag na nakahanda na ang hapunan.

Sunod-sunod na lumapit sa mesa ang mga bisita, ngunit ang mga babae, lalo na ang mga Pilipina ay kinailangan pang pilitin.

BuodBaguhin

Dumating si Kapitan Tiyago kasabay ang isang binata na halatang nagluluksa ayon sa kasuotan. Binati ng Kapitan ang kanyang mga panauhin, at tulad ng kaugalian, humalik siya sa kamay ng mga pari. Ang mga pari naman ay nabigla, lalo na si Padre Damaso ng makilala nito ang binata. Ipinakilala ni Kapitan Tiyago ang kagalang galang na binata bilang anak ng kanyang nasirang kaibigan na si Don Rafael Ibarra. Kadarating lamang ng binata mula pitong taong pag-aaral nito sa Europa. Kusang nagpakilala si Ibarra bilang Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin kasabay ng pakikipagkamay nito, isang kaugaliang natutunan niya sa bansang Alemanya. Tumanggi naman na makipagkamay si Padre Damaso at bagkus ay tinalikuran nito ang binata. Lumapit ang Tinyente kay Ibarra at nagpasalamat ito sa ligtas niyang pagdating. Pinuri rin nito ang kabaitan ng kanyang ama, na siyang nagpanatag sa kalooban ng binata. Palihim naman ang pagsulyap ni Padre Damaso sa Tinyente natila nagbabanta. Dahilan upang tapusin ng Tinyente ang pakikipag-usap nito kay Ibarra. Nang malapit na ang hapunan, inanyayahan ni Kapitan Tinong, sa pananghalian kinabukasan si Ibarra. Si Kapitan Tinong ay malapit na kaibigan ni Kapitan Tiyago at kaibigan din ng kanyang ama. Magalang natumanggi ang binata sapagkat patungo siya sa San Diego sa araw na iyon.

TalasalitaanBaguhin

  1. napatigagal - natigilan; natulala
  2. sinipat - tiningnan mula ulo hanggang paa; sinuring mabuti sa pamamagitan ng pagtingin
  3. naikaila - naitanggi
  4. hiyas - ipinagmamalaking yaman o dangal
  5. itulot - pahintulutan; payagan
  6. Café La Campaña - isang malaki at tanyag na tindahan ng mga pagkain at pampalamig na makikita noon sa panulukan ng Escolta at San Jacinto na ngayo'y lugar ng Pinpin