Kasalukuyan
Nagkataong siyang pagdating sa gubat ng isang gererong bayani ang tikas; putong na turbante ay kalingas-lingas, pananamit-Moro sa Persiyang S'yudad[1].
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw, anaki'y ninita ng pagpapahingahan; 'di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan ang pika't adarga't nagdaop ng kamay.
Saka tumingala't mata'y itinirik sa bubong na kahoy na takip sa langit[2]; estatuwa manding nakatayo't umid, ang buntung-hininga niya'y walang patid.
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo, sa puno ng isang kahoy ay umupo; nagwikang, "O palad[3]!", sabay ang pagtulo sa mata ng luhang anaki'y palaso.
Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay at saka tinutop ang noo sa kanan; anaki'y mayroong gunamgunam — isang mahalagang nalimutang bagay.
Malao'y humilig, nagwalang-bahala, 'di rin kumakati ang batis ng luha; sa madlang himutok ay kasalamuha ang wikang: "Flerida'y tapos na ang tuwa!"
Sa balang sandali ay sinasabugan yaong buong gubat ng maraming "Ay! Ay!" na nakikitono sa huning mapanglaw ng panggabing ibong doo'y nagtahanan.
Mapamaya-maya'y nagbaong nagulat, tinangnan ang pika't sampu ng kalasag; nalimbag sa mukha ang bangis ng Furias — "'di ko itutulot!" ang ipinahayag.
"At kung kay Flerida'y iba ang umagaw at 'di ang ama[4] kong dapat igalang, hindi ko masasabi kung ang pikang tangan — bubuga ng libo't laksang kamatayan!"
"Bababa si Marte mula sa itaas, at sa kailalima'y aahon ang Parkas; buong galit nila ay ibubulalas, yayakagin niring kamay kong marahas!"
"Sa kukong lilo'y aking aagawin ang kabiyak niyaring kaluluwang angkin[5]; liban kay ama, ang sino ma't alin ay 'di igagalang ng tangang patalim."
"O pagsintang labis ng kapangyarihan, sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw; 'pag ikaw ang nasok[6] sa puso ninuman, hahamaki'ng lahat masunod ka lamang!"
"At yuyurakan na ang lalong dakila — bait, katuwira'y ipanganganyaya; buong katungkula'y wawal-ing-bahala, sampu ng hininga'y ipauubaya."
"Itong kinaratnan ng palad kong linsil, salaming malinaw na sukat mahalin ng makatatap, nang hindi sapitin ang kahirapan kong 'di makayang bathin."
Sa mawika ito luha'y pinaagos, pika'y isinaksak[7] saka naghimutok; nagkataon namang parang isinagot ang buntung-hininga niyong nagagapos.
|
Orihinal
Nagcataón siyáng pagdatíng sa gúbat n͠g isang guerrerong bayani ang ticas, putong na turbante, ay calin͠gas-lin͠gas, pananamit moro sa Persiang Ciudad.
Piniguil ang lacad, at nagtanao-tano, anaqui ninita ng pag-pahingahán di caquinsa-guinsa,i, ipinagtapunan ang pica,t, adarga,t, nagdaóp ng camay.
Sacá tumin͠galá,t, mata,i, itiniric sa bubóng ng cahoy na taquip sa Lan͠git, estátua manding nacatayo,t, umíd, ang buntóng hinin͠gá niya,i, ualang patid.
Nang magdamdam n͠gauit sa pagayóng anyò, sa punó n͠g isang cahoy ay umupô nag-uicang "ó palad" sabay ang pagtulò, sa matá, ng lúhang anaqui,i, palasò.
Olo,i, ipinatong sa caliuang camay at sacá tinutop, ang noó, ng canan, anaqui mayroong guinugunam-gunam isang mahalagang nalimutang bagay.
Malao,i, humilig nag ualang bahalâ dirin cumacati ang batis ng lúha, sa madláng himutoc, ay casalamuhá ang uicang "Flerida,i, tapus na ang touá".
Sa balang sandalî ay sinasabugan yaóng boóng gúbat n͠g maraming ¡ay! naquiquituno sa huning mapanglao n͠g pang-gabing ibon doó,i, nagtatahán.
Mapamaya-maya,i, nag ban͠gong nagulat, tinangnán ang pica,t, sampo n͠g calasag nalimbag sa muc-hâ ang ban͠gís n͠g Furias "dî co itutulot" ang ipinahayág.
"At cung cay Flerida,i, ibá ang umagao at dî ang amá cong dapat na igalang, hindî co masabi cun ang picang tan͠gan bubugá n͠g libo,t, lacsáng camatayan.
Bababa si Marte mulâ sa itaás sa ca-ilalima,i, áahon nang Parcas, boong galit nila, ay ibubulalàs yayacaguin niyaring camáy cong marahàs.
Sa cucó nang lilo,i aquing àagauin ang cabiyác niyaring calolouang angquín, liban na cay Amá, ang sino ma,t, alin ay dî igagalang nang tangang patalím.
¡O pag sintang labis nang capangyarihan sampong mag aamá,i, iyong nasasaclao! pag icao ang nasoc sa púsò ninoman hahamaquing lahat masunód ca lamang!
At yuyuracan na ang lalong daquilá bait, catouira,i, ipan͠gan͠ganyaya boong catungcula,i, uaualing bahalà sampo nang hinin͠ga,i, ipauubayà.
Itong quinaratnán nang palad cong linsil salamíng malinao na sucat mahalín nang macatatatáp, nang hindî sapitin ang cahirapan cong di macayang bathín.
Sa mauica itó lúhà,i, pina-agos, pica,i, isinacsac, sacá nag himutóc, nagcataón naimáng parang isinagót, ang buntóng hinin͠gá, niyaóng nagagapus.
|