Kasalukuyan
"Katiwalà ako't ang iyòng kariktán, kapilas ng langit — anaki'y matibay; tapát ang púsò mo[1]'t 'dî nagunam-gunam na ang paglililo'y nasa kagandahan."
"Hindî ko akalang iyóng sasayangin maraming lúhà mong ginugol sa akin; taguring madalás na akó ang giliw, mukhâ ko ang lunas sa madláng hilahil."
"'di kung akó Poo'y utusang mang-gubat ng hari[2] mong ama sa alin mang s'yudad[3], kung ginagawá mo ang aking sagisag, dalawá mong matá'y nanalong nang perlas[4]?"
Ang aking plumahe kung itinatalî nang parang korales na iyóng dalirî, buntóng hihingá mo’y, nakiki-ugalî sa kilos nang gintóng ipina-nanahî."
"Makailan, Laurang sa aki'y iyabot, basâ pa nang lúhà bandáng isusuut; ibinibigay mo ay naghi-himutók, takot masugatan sa pakikihamok!"
"Baluti't koleto'y 'dî mo papayagan madampi't malapat sa aking katawan, kundî tingnan muna't bakâ may kalawang ay nanganganib kang damit ko'y marumhán."
"Sinisiyasat mo ang tibay at kintáb na kung sayaran man ng tagá'y dumulás; at kung malayò mang iyóng minamalas, sa gitnâ nang hukbo’y, makilaláng agád."
"Pahi-hiyasan mo ang aking turbante ng perlas, topasyo't maningning na rubí; bukód ang magalaw na batóng d'yamante, púnô ng ngalan mong isang letrang L[5]."
"Hanggang ako'y wala't nakikipag-hámok, nang-aapuhap ka ng pang-aliw-loob; manalo man ako'y kung bagong nanasok[6], nakikita mo na'y may dalá pang tákot."
"Buong panganib mo'y bakâ nagka-sugat, 'di maniniwalà kung 'di masiyasat; at kung magkagurlís ng muntî sa balát, hinuhugasan mo nang lúhang nanaták[7]."
"Kung ako'y mayroong kahapisang muntî, tatanungin muná kung anó ang sanhî, hanggang 'di malining ay idinarampî sa mga mukhâ ko, ang rubí mong lábî."
"Hindî ka tutugot kundî matalastás, kakapitan mo nang mabigyan nang lúnas, dadalhin sa hardi't duon ihahanap nang ika-a-aliw, sa mga bulaklák."
"Iyong pipitasín ang lalong marikít, dinî sa liig ko'y kúsang isasabit; tuhog na bulaklak sadyáng salit-salit, pag-uupandín mong lumbay ko'y mapaknít."
"At kung ang hapis ko’y, hindî masawatâ, sa pilik-matá mo’y, dadáloy ang lúhâ, napa-saán ngayón ang gayóng arugâ, sa dalá kong sákit ay 'di i-apulâ?"
"Halina, Laura't aking kailangan ngayon ang lingap mo nang naunang araw; ngayó’y hinihingî ang iyong pag-damay — ang abáng sintá mo’y, nasa kamatayan."
"At ngayóng malaki ang aking dálitâ ay dî humahanap nang maraming lúhâ; sukat ang kapaták na maka-apulâ, kung sa may pag sintang púsò mo’y, mag mulâ.."
"Katawan ko’y, ngayón siyasatin, ibig, tigní ang súgat kong dí gawâ nang kális; hugasan ang dugóng nanálong[8] sa gitgit nang kamay ko, paa’t, natataling liig."
"Halina, irog ko’t, ang damít ko’y, tingnán, ang hindî mo ibig dampiháng kalawang; kalagín ang lubid, at iyong bihisan,[9] matinding dusa ko’y, nang gumaán-gaán."
"Ang mga matá mo’y, kung iyóng ititig dini sa anyô kong sadlakan nang sákit, upang di mapigil ang takbóng mabilís niyaring abáng búhay sa ikapa-patíd[10]."
"Wala na Laura't ikaw na nga lamang ang makalulunas niring kahirapan; damhin ng kamay mo ang aking katawan at bangkay man ako'y muling mabubuhay!"
"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap! Wala na si Laura'y aking tinatawag! Napalayu-layo't 'di na lumiliyag ipinagkanulo ang sinta kong tapat."
"Sa ibang kandunga'y ipinagbiyaya ang pusong akin na at ako'y dinaya; buong pag-ibig ko'y ipinang-anyaya, nilimot ang sinta't sinayang ang luha."
"Alin pa ang hirap na 'di na sa akin? May kamatayan pang 'di ko daramdamin? Ulila sa ama't sa inang nag-angkin, walang kaibiga't nilimot ng giliw."
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo, palasong may lasong natirik sa puso; habag sa ama ko'y tunod na tumino, ako'y sinusunog niring panibugho."
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap, pagdaya ni Laura ang kumakamandag; dini sa buhay ko'y siyang nagsasadlak sa libingang laan ng masamang palad."
"O, Konde Adolfo, inilapat mo man sa akin ang hirap ng sansinukuban, ang kabangisan mo'y pinapasalamatan, ang puso ni Laura'y kung hindi inagaw."
Dito naghimutok nang kasindak-sindak na umalingawngaw sa loob ng gubat; tinangay ang diwa't karamdamang hawak ng buntung-hininga't luhang lumagaslas.
Sa puno ng kahoy ay napayukayok, ang liig ay supil ng lubid na gapos; bangkay na mistula't ang kulay na burok ng kaniyang mukha'y naging puting lubos.
|
Orihinal
Catiualà aco,t, ang iyòng carictán capilas nang Lan͠git anaqui matibay, tapát ang púsò mo,t, dî nagunamgunam na ang pag lililo,i, na sa cagandahan.
Hindî co acalang iyóng sa-sayan͠gin maraming lúhà mong guinugol sa aquin taguring madalás na acó ang guiliu, muc-hâ co ang lunas sa madláng hilahil.
Di cong acó Poo,i, utusang mang-gúbat nang Hari mong Amá sa alín man Ciudad cong guinagauá mo ang aquing saguisag dalauá mong matá,i, nanalong nang perlas?
Ang aquing plumage cung itinatalî nang parang corales na iyóng dalirî buntóng hihin͠gá mo,i, naquiqui-ugalî sa quilos nang guintóng ipinananahî.
Macailan Laurang sa aqui,i, iabot, basâ pa nang lúhà bandang isusuut, ibinibigay mo ay nag hihimutóc tacot masugatan sa paquiquihamoc.
Baluti,t, coleto,i, dî mo papayagan madampi,t, malapat sa aquing catao-an cundî tingnan muna,t, bacâ may calauang ay nan͠gan͠ganib cang damit co,i, marumhán.
Sinisiyasat mo ang tibay, at quintáb na cong sayaran man nang tagá,i, dumulás at cong malayò mang iyóng minamalas sa guitnâ nang hokbo,i, makilalang agád.
Pahihiasan mo ang aquing turbante nang perlas topasio,t, maningníng na rubé, bucód ang magalao na batóng diamante púnô nang n͠galan mong isang letrang L.
Hangang aco,i, uala,t, naquiquipag-hámoc nang aapuhap ca nang pang aliu loob; manalo man aco,i, cun bagong nanasoc naquiquita mo na,i, may dalá pang tácot.
Boong pan͠ganib mo,i, bacâ nagca sugat di maniniualà cundi masiasat at cung magcagurlís nang muntî sa balát hinuhugasan mo nang lúhang nanatác.
Cung aco,i, mayroong cahapisang muntî tatanun͠gin moná cun anó ang sanhî, hangang di malining ay idinarampî sa mga muc-ha co, ang rube mong lábî.
Hindî ca tutugot cundî matalastás, cacapitan monang mag bigla nang lúnas, dadalhin sa jardi,t, doon ihahanap, nang ica-aaliu, sa mga bulaclác.
Iyong pipitasín ang lalong mariquít dini sa li-ig co,i, cúsang isasabit tuhog na bulaclac sadyáng saglit-saglit, pag-uupandín mong lumbay co,i, mapacnít.
At cun ang hapis co,i, hindî masauatâ sa pilic-matá mo,i, dadáloy ang lúhâ na pasaán n͠gayón ang gayóng arugâ sa dalá cong sáquit ay di i-apulâ?
Halina Laura,t, aquing cailangan n͠gayon, ang lin͠gap mo nang naunang arao, n͠gayón hinihin͠gî ang iyong pag-damay; ang abáng sintá mo,i, na sa camatayan.
At n͠gayóng malaqui ang aquing dálitâ, ay dî humahanap nang maraming lúhâ, sucat ang capatác na maca-apulâ cun sa may pag sintang púsò mo,i, mag mulâ.
Catao-ang co,i, n͠gayón siyasatin, ibig, tigní ang súgat cong dí gauâ nang cáliz hugasan ang dugóng nanálong sa guitguít nang camay co, paa,t, natataling li-ig.
Halina, irog co,t, ang damít co,i, tingnán, ang hindî mo ibig dampioháng calauang calaguín ang lubid, at iyong bihisan, matinding disa co,i, nang gumaán-gaán.
Ang m͠ga matá mo,i, cun iyóng ititig dini sa anyô cong sadlacan nang sáquit upanding mapiguil ang tacóng mabilís niyaring abáng búhay sa icapapatíd.
Uala na Laura,t, icao nan͠ga lamang ang macalulunas niyaring cahirapan; damhín nang camay mo ang aquing catauan, at bangcay man aco,i, mulíng mabúbuhay!
N͠guní ¡sa abáco! ¡ay sa laquing hirap! ualâ na si Laura,i, laquing tinatauag! napalayo-layo,t, di na lumiliyag, ipinag cánolò ang sintá cong tapát.
Sa ibang candun͠ga,i, ipinagbiyayà ang púsong aquin na, at aco,i, dinayá boóng pag-ibig co,i, ipinan͠ganyaya linimot ang sintá,t, sinayang ang luhá.
Alin pa ang hirap na dî na sa aquin? may camatayan pang dîco dadamdamín? ulila sa Amá,t, sa Ináng nag-angquin, ualang kaibiga,t, linimot ng guiliu.
Dusa sa puri cong cúsang siniphayò, palasong may lasong natiric sa púsò; habág sa Amá co,i, túnod na tumimo; aco,i, sinusunog niyaring panibughò.
Ito,i, siyang una sa lahat n͠g hirap, pag dayà ni Laura ang cumacamandág dini sa búhay co,i, siyang magsa-sadlac sa lingin͠gang la-án ng masamáng palad.
O conde Adolfo,i, ilinapat mo man sa aquin ang hirap n͠g sangsinucuban, ang caban͠gisan mo,i, ipinasalamatan, ang púsò ni Laura,i, cong hindî inagao.
Dito nag-himutóc ng casindac-sindác na umaalin͠gao-n͠gao sa loob n͠g gúbat tinangay ang diua,t, caramdamang hauac n͠g buntóng hinin͠ga,t, lúhang lumagaslás.
Sa púno n͠g cahoy ay napa-yucayoc, ang li-ig ay supil n͠g lúbid na gapos, bangcay na mistula,t, ang culay na buroc n͠g caniyang muc-ha,i, naguing puting lubós.
|