Kasalukuyan
"Tatlong araw noong piniging ng hari sa palasyo real na sa yama'y bunyi ay 'di nakausap ang punong pighati at inaasahang iluluwalhati."[1]
"Dito ko natikman ang lalong hinagpis, higit sa dalitang naunang tiniis; at hinulaan ko ang lahat ng sakit kung sa kahirapan mula sa pag-ibig."
"Salamat at noong sa kinabukasan, hukbo ko'y lalakad sa Krotonang Bayan, sandaling pinalad na nakapanayam ang prinsesang nihag[2] niring katauhan."
"Ipinahahayag ko nang wikang mairog, nang buntung-hininga, luha at himutok, ang matinding sintang ikinalulunod magpahangga ngayon ng buhay kong kapos."
"Ang pusong matibay ng himalang dikit[3][4], nahambal sa aking malumbay na hibik; dangan ang kanyang katutubong bait ay humadlang, disin sinta koy' nabihis."
"Nguni'y kung ang oo'y 'di man binitiwan, naliwanagan din sintang nadirimlan; at sa pagpanaw ko ay pinabaunan ng may hiyang perlas na sa mata'y nukal[5]."
"Dumating ang araw ng aking pag-alis, sino ang sasayod ng bumugsong sakit? Dini sa puso ko'y alin ang hinagpis na hindi nagtimo ng kanyang kalis?"
"May sakit pa kayang lalalo ng tindi sa ang sumisinta'y mawalay sa kasi? Guni-guni lamang 'di na ang magyari, sukat ikalugmok ng pusong bayani."
"(O nangag-aalay ng mabangong suob sa dahilang altar ni Kupidong diyos, sa dusa ko'y kayo ang nakatatarok noong maulila sa Laura kong irog!)[6]"
"At kung 'di sa luhang pabaon sa akin, namatay na muna ako bago ko naatim; dusang 'di lumikat hanggang sa dumating sa Bayang Krotonang kubkob ng hilahil."
"Kuta'y lulugso na sa bayong madalas ng mga makinang talagang pangwalat, siyang paglusob ko't ng hukbong akibat, ginipit ang digmaang kumubkob sa s'yudad[7]."
"Dito'y ang masidhing lubhang kamatayan at Parkas Atropos ay nagdamdam-pagal sa paggapas nila't pagkitil ng buhay ng naghihingalong sa dugo'y naglutang."
"Makita ng piling Heneral Osmalic ang aking marahas na pamimiyapis, pitong susong[8] hanay na dulo ng kalis[9], winahi ng tabak nang ako'y masapit."
"Sa kaliwa't kanan niya'y nangalaglag mga soldados kong pawang mararahas; lumapit sa aking mata'y nagniningas, "Halika," aniya't "kita ang maglamas."[10]."
"Limang oras kaming hindi naghiwalay hanggang sa nahapo ang bato ng tapang; nagliksa ang langit nang aking mapatay[11] ... habag sa gererong mundo'y tinakhan."
"Siya nang pagsilid ng pangingilabot sa kalabang hukbong parang sinasalot ng pamuksang tabak ni Menandrong bantog. Ang kampo't biktorya'y napaaming lubos."
|
Orihinal
Tatlóng arao noong piniguing nang Harì sa Palacio Real na sa yama,i, bunyî, ay dî nacausap ang púnong pighatî na ina asahang ilulualhati.
Dito co naticmán ang lalong hinagpís, higuít sa dálitang na unang tini-ís, at binula-ang co ang lahat nang sáquit, cong sa cahirapan mulâ sa pag ibig.
Salamat at niyaóng sa quinabucasan hucbó co,i, lalacad sa Crotonang bayan, sandalíng pinalad, na nacapanayam ang Princesang nihag niyaring catauhan.
Ipinahayag co nang uicang ma-irog, nang buntóng-hinin͠gá, lúhà at himutóc, ang matinding sintang iquina-lulunod mag-pahangán n͠gayon nang búhay cong capús.
Ang púsong matibay nang himaláng diquít nahambál sa aquing malumbáy na hibíc dangan ang caniyáng catutubong bait ay humadláng, disin sintá co,i, nabihis.
N͠guni,i, cun ang ó-o,i, dî man binitiuan naliuanagan din sintang nadidimlán at sa pag-panao co ay pinabauanan nang may hiyang perlas na sa matá,i, nucál.
Dumatíng ang bucas nang aquing pag-alís ¿sino ang sasayod nang bumugsóng sáquit?
¿dini sa púso co,i, alíu ang hinag-pís na hindî nagtimo nang caniyang cáliz?
¿May sáquit pa cayang lalalo nang tindí sa ang sumisinta,i, maualay sa casi? guni-guní lamang dî na ang mang-yari, súcat icalugmóc nang púsong bayani.
¡O nangag-aalay nang maban͠gong suób sa daquilang altar ni Cupidong Dios sa dusa co,i, cayó ang nacatataróc, niyaóng man͠gulila sa Laura cong irog!
At cundi sa lúhang pabaon sa aquin namatáy na muna bago co na-atím dúsang dî lumicat hangang sa dumatíng sa bayang Crotonang cubcób nang hilahil.
Cuta,i, lulugsó na sa bayóng madalás nang man͠ga maquinang talagáng pang-ualat siyang paglusob co,t, nang hucbong aquibat guinipít ang digmáng cumubcób sa Ciudad.
Dito,i, ang masid-híng lubháng camatayan at Parcas Aropos ay nagdamdám pagál sa pag-gapas nila,t, pagquitíl nang búhay nang nag-hihin͠galóng sa dugo,i, nag-lutang.
Naquita nang píling general Osmalíc ang aquing marahás na pamimiyapis pitóng susóng hanay na dúlo nang cáliz uinahi nang tabác nang aco,i, masapit.
Sa caliua,t, cánan niya,i, nalagalág man͠ga soldados cong pauang mararahás lumapit sa aquin matá,i, nagninin͠gas halica aniya,t, quita ang maglamas.
Limang oras caming hindî nag-hiualay hangang sa nahapó ang bató nang tapang nag-lucsâ ang lan͠git nang aquing mapatáy habág sa guerrerong sa mundo,i, tinac-hán.
Siya nang pagsilid nang pan͠gin͠gilabot sa calabang hucbóng parang sinasalot nang pamuc-sáng tabác ni Minandrong bantóg; ang campo,t, victoria,i, napa-aming lubós.
|