Kasalukuyan
"Nakapanggaling na sa palasyo real at ipinagsabi sa hari ang pakay; dala'y isang sulat sa ama[1] kong[2] hirang, titik ng monarkang kaniyang biyanan."
"Humihinging tulong at nasa pangamba, ang Krotonang Reyno'y kubkob ng kabaka; ang puno ng hukbo'y balita ng sigla — Heneral Osmalic na bayani ng Persya."
"Ayon sa balita'y pangalawa ito ng prinsipe niyang bantog sa sangmundo — Alading kilabot ng mga gerero, iyong kababayang hinahangaan ko."
Dito napangiti ang Morong kausap, sa nagsasalita'y tumugong banayad; aniya'y "Bihirang balita'y magtapat, kung magtotoo ma'y marami ang dagdag."[3]
"At saka madalas ilala ng tapang ay ang guniguning takot ng kalaban; ang isang gererong palaring magdiwang, mababalita na at pangingilagan."
"Kung sa katapanga'y bantog si Aladin, may buhay rin namang sukat na makitil; iyong matatantong kasimpantay mo rin sa kasam-ang palad at dalang hilahil."
Sagot ni Florante: "Huwag ding maparis ang gererong bantog sa palad kong amis; at sa kaaway ma'y 'di ko ninanais ang laki ng dusang aking napagsapit."[4]
"Matanto ni ama ang gayong sakuna — sa Krotonang Baya'y may balang sumira, ako'y isinama't humarap na bigla sa Haring Linceong may gayak ng digma."
"Kami ay bago pang nanakyat[5] sa hagdan ng palasyong batbat ng hiyas at yaman ay sumalubong na ang haring marangal, niyakap si ama't ako'y kinamayan."
"Ang wika'y "O Duke, ang kiyas na ito ang siyang kamukha ng bunying gerero; aking napangarap na sabi sa iyo, magiging haligi ng setro ko't reyno."[6]."
""Sino ito'y saan nanggaling na siyudad[7]?"[8] Ang sagot ni ama ay "Bugtong kong anak na inihahandog sa mahal mong yapak, ibilang sa isang basalyo't alagad."[9]."
"Namangha ang hari at niyakap ako. "Mabuting panahon itong pagdating mo; ikaw ang heneral ng hukbong dadalo sa Bayang Krotonang kinubkob ng Moro."[10]"
"Patotohanan mong hindi iba't ikaw ang napangarap kong gererong matapang na maglalathala sa sansinukuban ng kapurihan ko at kapangyarihan."
"Iyong kautangan paroong mag-adya, nuno[11] mo ang hari sa Bayang Krotona; dugo kang mataas at dapat kumita ng sariling dangal at bunyi sa giyera."
"Sapagkat matuwid ang sa haring saysay, umayon si ama, kahit mapait man, na agad masubo sa pagpapatayan ang kabataan ko't 'di kabihasaan."[12]
"Ako'y walang sagot na naipahayag kundi haring poo't nagdapa sa yakap; nang aking hahagkan ang mahal na baks, kusang itinindig at muling niyakap."
|
Orihinal
Nacapangaling na sa Palacio Real, at ipinagsábi sa Harì ang pacay dalá,i, isang súlat sa Amá cong hirang titic ng Monarcang caniyang bianan.
Humihin͠ging túlong, at na sa pan͠gambá ang Crotonang Reino,i, cubcób n͠g cabaca, ang púnò n͠g hocbo,i, balita n͠g siglá General Osmalic na bayani ng Persa.
Ayon sa balita,i, pan͠galauá itó ng Principe niyang bantóg sa sangmundó Aladíng quilabot n͠g m͠ga guerrero iyóng cababayang hinahan͠ga-ang co.
Dito napangití ang morong ca-usap sa nagsasalita,i, tumugóng banayad aniya,i, bihirang balita,i, magtapát cong magcatotoó ma,i, marami ang dagdág.
At sacá madalás ilalâ n͠g tapang, ay ang guniguning tacot n͠g calaban, ang isang guerrerong palaring magdiuang mababalita na at pan͠gin͠gila͠gan.
Cong sa catapan͠ga,i, bantóg si Aladín may búhay rin namáng súcat na maquitíl; iyóng matatantóng casimpantáy morin sa casamáng pálad at daláng hilahil.
Sagót ni Florante, houag ding maparis ang guerrerong bantóg sa pálad cong amis at sa ca-auay ma,i, di co ninanais ang lahí ng dúsang aquing napagsapit.
Matantô ni Amá ang gayóng sacunà sa Crotonang baya,i, may balang sumirà acó,i, isinama,t, humaráp na biglá sa haring Linceong may gayac n͠g digmá.
Camí ay bago pang nanaquiát sa hagdán n͠g Palaciong batbát n͠g hiyas at yaman, ay sumalúbong na ang Haring marangál, niyacap si Amá,t, acó,i, quinamayán.
Ang uica,i, ó Duque, ang quiás na itó ang siyang camuc-há n͠g bunying guerrero, aquing napan͠garap na sabi sa iyó, maguiguing haligui n͠g Cetro co,t, Reino.
¿Sino ito,t, saán nangaling na Ciudad? ang sagót ni Amá "ay bugtóng cong anác na inihahandóg sa mahal mong yápac ibilang sa isang vasallo,t, alagád."
Namanghâ ang harî at niyacap acó, "mabuting panahón itóng pagdatíng mo, icao ang general nang hocbóng dadaló sa bayang Crotonang quinubcób nang moro.
Patotohanan mong hindî ibá,t, icao, ang napan͠garap cong guerrerong matapang, na naglalathalá sa sangsinucuban nang capurihán co at capangyarihan.
Iyóng cautan͠gan paroong mag-adia, nunò mo ang Hari sa bayang Crotona; dugò cang mataás, ay dapat cumita nang sariling dan͠gál, at bunyí sa guerra."
Sa pagca,t, matouid ang sa Haring saysáy, umayon si amá cahi,t, mapaít man, nang agád masubò sa pagpapatayan ang ca battan co,t, di cabihasahan.
Acó,i, ualang sagót, na na-ipahayag cundî "Haring poo,t," nagdapâ sa yapac, nang aquing hahagcán ang mahal na bacás, cúsang itinindíg at mulíng niyacap.
|