Kasalukuyan
Anupa't kapuwa hindi makakibo 'di nangakalaban na damdam ng puso; parang walang malay hanggang sa magtago't humilig si Pebo[1] sa hihigang ginto.
May awang gerero ay sa maramdaman; malamlam na sinag sa gubat ay nanaw[2], tinunton ang landas na pinagdaanan, dinala ang kalong sa pinanggalingan.
Doon sa naunang hinintuang dako nang masok[3] sa gubat ang bayaning Moro, sa isang malapad, malinis na bato, kusang pinagyaman ang lugaming pangko.
Kumuha ng munting baong makakain[4], ang nagdaralita'y inamong tumikim, kait umaayaw ay nahikayat din ng sabing malambot na pawang pang-aliw.
Naluwag-luwagan ang panghihingapos, sapagkat naawas sa pagkadayukdok, hindi kinukusa'y tantong nakatulog, sa sinapupunan ng gererong bantog.
Ito'y 'di umidlip sa buong magdamag, sa pag-aalaga'y nagbata ng puyat; ipinanganganib ay baka makagat ng ganid na madlang naggala sa gubat.
Tuwing magigising sa magaang tulog, itong lipos-hirap ay naghihimutok, pawang tumitirik na anaki'y tunod sa dibdib ng Morong may habag at lunos.
Nang magmamadaling-araw ay nahimbing, munting napayapa sa dalang hilahil; hanggang sa Aurorang[5] itaboy ang dilim, walang binitiwang himutok at daing.
Ito ang dahilang ipinagkasundo, limang karamdamang parang hinahalo; ikinatwasay ng may dusang puso, lumakas na muli ang katawang hapo.
Kaya't nang isabog sa sansinukuban ang doradong buhok ng masayang araw,[6] nagbangong hinaho't pinasalamatan sa Langit[7] ang bagong lakas ng katawan.
Sabihin ang tuwa ng gererong hayag, ang abang kinalong ay biglang niyakap; kung nang una'y nunukal[8] ang luha sa habag, ngayo'y sa galak na ang inilagaslas.
Kapos ang dila kong magsaysay ng laki ng pasasalamat nitong kinandili; kundangan ang dusa'y sa nawalang kasi ay napawi disin sa tuwang umali.
Sapagka't ang dusang mula sa pag-ibig kung kahit mangyaring lumayo sa dibdib, kisapmata lamang ay agad babalik at magdaragdag pa sa una ng bangis.
Kaya hindi pa man halos dumarapo ang tuwa sa lamad ng may dusang puso itinakwil na ng dalitang lalo at ang tunod niya'y siyan itinimo.
Niyapos na muli ang dibdib ng dusa, hirap yatang bathin ang sakit sa sinta! Dangan inaaliw ng Moro sa Persya, natuluyang nanaw ang tangang hininga.
"Iyong natatanto ang aking paglingap," anitong Persyano sa nababagabag; "mula ng hirap mo'y ibig kong matatap at nang kung may daa'y malagyan ng lunas."
|
Orihinal
Ano pa,t, capoua hindi macaquibô dî nanga-calaban sa damdam ng púsò parang ualáng malay, hangang sa magtágo,t, humilig si Febo sa hihigáng guintô.
May áuang guerrero ay sa maramdaman malam-lám na sinag sa gúbat ay nanao, tinuntón ang landás na pinagda-anan dinalá ang calong sa pinangalingan.
Doon sa naunang hinintúang daco nang masoc sa gúbat ang bayaning moro sa isang malapad, malinis na bató cúsang pinag-yaman ang lugaming pangcó.
Cumuha ng munting báong macacain, ang angdaralitâ,i, inamong tumiquím cahit uma-ayao ay nahicayat din nang sabing malambót na pauang pag-aliu.
Nalouag-louagán ang pang-hihin͠gapus sapagca,t, na-auas sa pagcadayucdóc, hindî quinucusa,i, tantóng nacatulog, sa sinapupunan nang guerrerong bantóg.
Itó,i, dî umidlíp sa boong magdamág sa pag-aalaga,i, nagbatá n͠g puyat ipinan͠gan͠ganib, ay bacá macagát nang ganid na madláng nag-gala sa gúbat.
Touing maguiguising sa magaang túlog itóng lipós hirap, ay naghihimutóc, pauang tumitiric na anaqui túnod sa dibdib nang morong may habág at lúnos.
Nang magmamadaling arao, ay nahimbíng munting napayapa sa dalang hilahil hangáng sa Aurorang itabóy ang dilim ualáng binitiuang himutóc at daing.
Itó ang dahiláng ipinagcasundò limáng caramdamang parang hinahalò iquinatiuasáy nang may dúsang púsò lumacás na mulî ang catao-ang hapò.
Caya,t, nang isabog sa sangsinucuban ang doradong buhóc nang masayang arao nag-ban͠gong hinaho,t, pinasalamatan sa Lan͠git ang bagong lacás nang catao-an.
Sabihin ang touâ nang guerrerong hayág, ang abáng quinalong ay bigláng niyacap, cong nang una,i, nucál ang lúha sa habág n͠gayo,i, sa galac na ang ilinagaslás.
Capús ang dilà cong magsaysay nang laquí nang pasasalamat nitóng quinandili, cundan͠gan ang dusa,i, sa naualáng casi ay napauî disin sa touang umalí.
Sapagca,t, ang dusang mula sa pag-ibig cung cahit mangyaring lumayó sa dibdib, quisáp matá lamang ay agád babalic at magdadagdág pa sa una nang ban͠gís.
Cayâ hindî pa man halos dumadápò ang toua sa lámad nang may dúsang pusó ay itinac-uil na nang dálitang lálò at ang túnod niya,i, siyang itinimó.
Niyapús na mulî ang dibdib nang dúsa ¡hirap ayang bat-hín nang sáquit sa sintá! dan͠gan ina-aliu nang moro sa Persia natuluyang nánao ang tan͠gang hinin͠gá.
Iyong natatantô ang aquing paglin͠gap, (anitong Persiano sa nababagabag) mula nang hirap mo,i, ibig cong matatap at nang cong may daa,i, malagyan nang lúnas.
|