Kasalukuyan
Di pa napapatid itong pangungusap, si Menandro'y siyang pagdating sa gubat; dala'y ehersito't si Adolfo'y hanap, nakita[1]'y katoto ... laking tuwa't galak!
Yaong ehersitong mula sa Etolya, ang unang nawika sa gayong ligaya: "Biba si Floranteng Hari sa Albanya! Mabuhay, mabuhay ang Prinsesa Laura!"[2]
Dinala sa reynong ipinagdiriwang sampu ni Aladi't ni Fleridang hirang, kapuwa tumanggap na mangabinyagan; magkakasing sinta'y naraos na kasal.
Namatay ang bunying Sultan Ali-Adab, nuwi[3] si Aladin sa Persiyang Siyudad[4]; ang Duke Florante sa trono'y naakyat, sa piling ni Laurang minumutyang liyag.
Sa pamamahala nitong bagong hari, sa kapayapaan ang reyno'y nauwi; rito nakabangon ang nalulugami at napasatuwa ang nagpipighati.
Kaya nga't nagtaas ang kamay sa langit, sa pasasalamat ng bayang tangkilik; ang hari't ang reyna'y walang iniisip kundi ang magsabog ng awa sa kabig.
Nagsasama silang lubhang mahinusay hanggang sa nasapit ang payapang bayan[5]; tigil aking Musa't kusa kung lumagay sa yapak ni Selya't dalhin yaring ay, ay!
|
Orihinal
Dî pa napapatid itóng pan͠gun͠gusap si Minandro,i, siyang pagdating sa gúbat dala,i, Ejército,t, si Adolfo,i, hanap naquita,i, catoto ¡laquíng toua,t, galác!
Yaong Ejércitong mula sa Etolia ang unang nauica sa gayóng ligaya Viva si Floranteng hari sa Albania Mabuhay mabuhay ang Princesa Laura!"
Dinalá sa Reinong ipinag diriuang sampu ni Aladi,t, ni Fleridang hírang capouà tumangáp na man͠gag-binyágan: magca-casing-sinta,i, naraos nacasál.
Namatáy ang bun-yíng Sultan Ali Adab noui si Aladin sa Perciang ciudad: ang Duque Florante sa Trono,i, naac-yát sa siping ni Laurang minumut-yáng liyág.
Sa pamamahala nitóng bagong Hari sa capayapaan ang Reino,i, na-uli dito nacaban͠gon ang nalulugámi at napasa-toua ang nag-pipighatî.
Cayâ n͠ga,t, nagta-ás ang camáy sa Lan͠git sa pasasalamat n͠g bayang tangquilic ang Hari,t, ang Reina,i, ualáng naiisip cundî ang magsabog ng aua sa cabig.
Nagsasama silang lubháng mahinusay hangang sa nasapit ang payápang bayan, Tiguil aquing Musa,t, cúsa cang lumagáy sa yápac ni CELIA,T, dalhín yaring ¡Ay! ... ¡Ay!
|