Kasalukuyan
"Naging limang buwan ako[1] sa Krotona, nagpilit bumalik sa Reynong Alabanya; 'di sinong susumang sa akay ng sinta, kundi ang tinutungo'y lalo't isang Laura.
"Sa gayong katulin ng amin paglakad, naiinip ako't ang nasa'y lumipad; aba't nang matanaw ang muog ng s'yudad, kumutob sa aking puso'y lalong hirap!"
"Kaya pala gayo'y ang nawawagayway sa kuta'y hindi na bandilang binyagan, kundi Medialuna't reyno'y nasalakay ni Alading salot ng pasuking bayan."
"Ang akay kong hukbo'y kusang pinahimpil sa paa ng isang bundok na mabangin, 'di kaginsa-ginsa'y natanawan namin, pulutong ng Morong lakad ay mahinhin."
"Isang binibini ang gapos na taglay na sa damdam nami'y tangkang pupugutan; ang puso ko'y lalong naipit ng lumbay sa gunitang baka si Laura kung buhay."
"Kaya 'di napigil ang akay ng loob at ang mga Moro'y bigla kong nilusob; palad nang tumakbo at hindi natapos sa aking pamuksang kalis na may poot!"
"Nang wala na akong pagbuntuhang galit, sa 'di makakibong gapos ay lumapit; ang takip sa mukha'y nang aking ialis, aba ko't si Laura! May lalo pa[2]ng sakit?"
"Pupugutan dahil sa hindi pagtanggap sa sintang mahalay ng emir sa s'yudad[3]; nang mag-asal-hayop ang Morong pangahas, tinampal sa mukha ang himalang dilag."
"Aking dali-daling binalag sa kamay ang lubid na walang awa at pitagan; ang daliri ko'y naaalang-alang marampi sa balat na kagalang-galang."
"Dito nakatanggap ng luna na titig ang nagdaralitang puso sa pag-ibig; araw ng ligayang una kong paginig ng "sintang Florante" sa kay Laurang bibig."
"Nang aking matantong nasa bilangguan ang bunying monarka't ang ama kong hirang; nag-utos sa hukbo't aming sinalakay hanggang 'di nabawi ang Albanyang Bayan."
"Pagpasok na namin sa loob ng reyno, bilanggua'y siyang una kong tinungo; hinango ang hari't ang dukeng ama ko sa kaginooha'y isa si Adolfo."
"Labis ang ligayang kinamtan ng hari at ng natimawang kamahalang pili; si Adolfo lamang ang nagdalamhati, sa kapurihan kong tinamo ang sanhi."
"Pangimbulo niya'y lalo nang nag-alab nang ako'y tawaging Tanggulan ng S'yudad, at ipinagdiwang ng haring mataas sa palasyo real nang lubos na galak."
"Saka nahalatang ako'y minamahal ng pinag-uusig niyang kariktan; ang Konde Adolfo'y nagpapakamatay — dahil sa korona — kay Laura'y makasal."
"Lumago ang binhing nagmula sa Atenas ipinunlang nasang ako[4]'y ipahamak; kay Adolfo'y walang bagay na masaklap, para ng buhay kong hindi nauutas."
|
Orihinal
Maguíng limáng bouán acó sa Crotona nag-pilit bumalíc sa Reinong Albania ¿di sinong susumáng sa acay nang sintá cun ang tinutun͠go,i, lalo,t, isang Laura?
Sa gayóng catulin nang aming paglacad nai-inip aco,t, ang nása,i, lumipád, ¡abá,t,! nang matanao ang muóg nang Ciudad, cumutóg sa aquing púso,i, lalong hírap!
Cayâ palá gayo,i, ang nauauagay-uay sa cúta,i, hindî na bandilang binyagan cundî Medialuna,t, Reino,i nasalacay ni Aladíng sálot nang pasuquing bayan.
Ang aca,i, cong hocbo,i, cúsang pinahimpil sa paá nang isang bundóc na mabangín, dî caguinsa-guinsa,i, natanauán namin pulutong nang morong lacad ay mahinhín.
Isang bini-bini ang gapós na tagláy na sa damdám nami,i, tangcáng pupugútan ang púsò co,i, lálong na-ipit nang lumbáy sa gunitáng bacá si Laura cong búhay.
Cayâ dî napiguil ang ácay nang loób at ang man͠ga moro,i, bigla cong linusob, ¡palad nang tumacbó at hindî natapus, sa aquing pamuc-sáng cáliz na may poót!
Nang ualâ na acóng pagbuntuháng gálit sa di macaquibóng gapós ay lumapit, ang taquip sa muc-ha,i, nang aquing i-alis ¡abá co,t, si Laura! ¿may laló pang sáquit?
Pupugutan dahil sa hindî pagtangáp sa sintang mahalay nang Emir sa Ciudad, nang mag-ásal hayop ang morong pan͠gahás tinampál sa muc-hâ ang himalang dilág.
Aquing dali-daling quinalág sa camay ang lúbid na ualáng auà at pitagan man͠ga daliri co,i, na aalang-alang marampî sa balát na cagalang-galang.
Dito naca-tangáp nang lúnas na titig ang nagdaralitáng púsò sa pag-ibig, arao nang ligayang una cong pag-din͠gig nang sintang Florante sa cay Laurang bibíg.
Nang aquing matantóng na sa bilangúan ang bunying Monarca,t, ang Amá cong hirang nag-utos sa hocbo,t, aming sinalacay hangang dî nabauì ang Albaniang bayan.
Pagpasoc na namin sa loob nang Reino, bilangua,i, siyang una cong tinun͠go hinán͠go ang Hari,t, ang Duqueng Amá co, sa caguino-cha,i, isá si Adolfo.
Labis ang ligayang quinamtán ng Harì at nang natimauang camahalang pilì si Adolfo lamang ang nagdalamhatî sa capurihán cong tinamó ang sanhî.
Pan͠gimbuló niya,i, lalò nang nag-álab nang aco,i, tauagin tangúlan nang Ciudad, at ipinagdiuang nang Haring mataás sa Palacio Real nang lubós na galác.
Sacá nahalatáng aco,i minamahál nang pinag-uusig niyáng cariquitan ang Conde Adolfo,i, nag-papacamatáy dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal.
Lumagò ang binhíng mulâ sa Atenas ipinunlang násang aco,i, ipahamac cay Adolfo,i, ualáng bagay na masac-láp para nang búhay cong hindi ma-úutas.
|