Noli Me Tangere/Kabanata 60
←Kabanata 59: Pambayan at mga Pansariling Kapakanan ←Paliwanag |
Kabanata 60: Ikakasal si Maria Clara Paliwanag |
Kabanata 61: Pagtakas Hanggang Lawa→ Paliwanag→ |
Teksto
Ikakasal si Maria Clara |
Mag-aasawa si Maria Clara Natútuwâ ng̃ mainam si capitán Tiago. Sa boong panahóng itóng catacot-tacot ay walâ sino mang nakialam sa canyá: hindi siyá ibinilanggô, hindi pinahirapan siyá sa pagcáculong na sino ma'y hindi macausap, mg̃a pagtanóng, mg̃a máquina eléctrica, mg̃a waláng licat na pagbasâ ng̃ tubig mulâ sa talampacan hanggáng tuhod sa mg̃a tahanang na sa ilalim ng̃ lupà, at ibá pang mg̃a catampalasanang totoong kilalá ng̃ mg̃a tang̃ing guinoong tumatawag sa caniláng sarili ng̃ «civilizado». Ang canyáng mg̃a caibigan, sa macatuwíd bagá'y ang canyáng naguíng mg̃a caibigan (sa pagcá't tinalicdán na ng̃a ng̃ lalaki ang canyáng mg̃a caibigang filipino, mulâ sa sandaling silá'y maguíng mg̃a hinalain sa gobierno), nang̃agbalíc na namán sa canícaniláng bahay, pagcatapos ng̃ iláng araw ng̃ caniláng pagliliwalíw sa mg̃a bahay ng̃ gobierno. Ang capitán general din ang siyáng sa canilá'y nagpalayas sa mg̃a tahanang canyáng pinamamahalaan, palibhasa'y ipinalagáy niyáng hindi silá carapatdapat na manatili roon, bagay na lubháng ipinagdamdám ng̃ pingcaw, na ibig sanang ipagsayá ang malapit ng̃ dumating na pascó sa casamahan ng̃ gayóng mayayaman at masagana. Umuwi sa canyáng bahay si capitáng Tinong na may sakít, putlain at namámagâ,—hindi nacagalíng sa canyá ang pagliliwalíw,—at lubháng nagbago, na anó pa't hindi nagsásalitâ ng̃ catagâ man lamang, hindi bumabatì sa canyáng mg̃a casambaháy, na tumatang̃is, nagtátawa, nagsásalitâ at nang̃ahahalíng sa galác ng̃ loob. Hindi na umaalis sa canyáng bahay ang cahabaghabag na tao, at ng̃ huwág lumagáy sa pang̃anib na macabatì sa isáng filibustero. Cahi't ang pinsán mang si Primitivo, bagá man tagláy niyá ang boong carunung̃an ng̃ mg̃a tao sa una, ay hindi macuhang siyá'y mapaimíc. —Crede, prime,—ang sabi sa canyá;—pinisíl sana nilá ang liig mo cung hindi co sinunog ang lahát mong mg̃a papel; datapuwa't cung nasunog co sana ang boong bahay, hindi man lamang sana hinipo cahi't ang buhóc mo. Pero quod eventum, eventum; Gracias agamus Domino Deo quia non in Marianis Insulis es, camoles seminando[o 1]. Hindi cailâ cay capitán Tiago ang mg̃a nangyaring catulad ng̃ pinagdanasan ni capitán Tinong. Nagcacanlalabis sa lalaki ang pagkilalang utang na loob, bagá man hindi niyá maturól cung sino caya ang pinagcacautang̃an niyá ng̃ gayóng tang̃ing mg̃a pagtatangkilic. Ipinalálagay ni tía Isabel na ang bagay na iyó'y himalâ ng̃ Virgen sa Antipolo, ng̃ Virgen del Rosario, ó cung hindi ma'y ng̃ Virgen del Cármen, at ang lalong cáliitang canyáng mahihinala'y himalâ ng̃ Nuestra Señora de la Correa: ayon sa canyá'y hindi sasala sa alin man sa canilá ang gumawâ ng̃ himalâ. Hindi itinátanggui ni capitán Tiago ang cababalaghán, ng̃uni't idinúrugtong: —Pinaniniwalaan co, Isabel, datapuwa't marahil ay hindi guinawáng mag-isa ng̃ Virgen sa Antipolo; marahil siyá'y tinulung̃an ng̃ aking mg̃a caibigan, ng̃ aking mamanugang̃in, ni guinoong Linares, na nalalaman mo nang binibirò pati ni guinoong Antonio Cánovas, iyón bagáng nacalagáy ang larawan sa «Ilustración», iyóng aayaw papaguingdapating ipakita sa mg̃a tao cung di ang cabiyác lamang ng̃ canyáng mukhâ. At hindi mapiguil ng̃ mabait na tao ang isáng ng̃itî ng̃ canyáng pagcatuwâ, cailán ma't canyáng máring̃ig ang isáng mahalagáng balità tungcól sa mg̃a nangyari. At tunay ng̃a namáng dapat icatuwâ. Pinagbubulungbulung̃anang mabibitay si Ibarra; sa pagcá't bagá man maraming totoo ang mg̃a caculang̃ang pangpatibay upáng siyá'y maparusahan, nitóng huli'y may sumipót na nagpapatotoo sa sumbóng na laban sa canyá; na may mg̃a pahám na nagsaysáy na maáari ng̃ang cutà ang escuélahan, ayon sa anyó ng̃ pagcacágawâ, bagá man may cauntíng caculang̃án, bagay na siyá na ng̃a lamang maáasahan sa hang̃ál na mg̃a indio. Ang mg̃a aling̃awng̃áw na itó ang siyáng sa canyá'y nacapapanatag at nacapagpapang̃itî sa canyá. Cung paano ang pagcacaiba ng̃ mg̃a bálac ni capitáng Tiago at ng̃ canyáng pinsáng babae, nang̃agcacahatì namán ang mg̃a caibigan ng̃ familia sa dalawáng bahagui; nananalig ang isáng bahaguing yaó'y gawâ ng̃ himalâ, at ang isáng bahagui namá'y inaacalang gawâ yaón ng̃ pámahalaan, bagá man ang naniniwalà ng̃ ganito'y siyáng lalong cácauntî. Nagcacabahabahagui namán ang mg̃a nagpapalagay na yaó'y himalâ: nakikita ng̃ sacristan mayor sa Binundóc, ng̃ babaeng maglalacò ng̃ candilà at ng̃ puno ng̃ isáng cofradía, ang camáy ng̃ Dios na pinagagalaw ng̃ Virgen del Rosario; sinasabi namán ng̃ insíc na magcacandilà na siyáng nagbibili ng̃ candilà cay capitán Tiago cung siyá'y napasasa Antipolo, casabay ang pagpapaypáy at pag-ugóy ng̃ mg̃a hità: —¡No siya osti gongóng; Miligen li Antipolo esi! Esi pueli mas con tolo; no siya osti gongóng.[o 2] Pinacámamahal ni capitang Tiago ang insíc na iyón, na nagpapánggap na manghuhulà, manggagamot, at ibá pa. Minsa'y sa pagting̃in sa palad ng̃ camáy ng̃ canyáng nasirang asawang na sa icaanim na buwan ang cabuntisán ay humulà ng̃ ganitó: —¡Si eso no hómele y no pactaylo, mujé juete-juete![o 3] At sumilang sa maliwanag si María Clara upáng maganap ang hulà ng̃ hindi binyagan. Si capitan Tiago'y maing̃at at matatacutin, caya't hindi agad-agad macapagpasiyá na gaya ng̃ guinawa ni Paris na taga Troya, hindi niyá matang̃i ng̃ gayón gayón lamang ang isá sa dalawáng Virgen, sa tacot niyáng bacá magalit ang isá sa canilá, bagay na macapágbibigay ng̃ malaking capahamacán.—«¡Mag ingat!»—ang sabi niyá sa canyáng sarili;—«¡baca pa ipahamac natin!» Na sa ganitóng pag aalinlang̃an siyá, ng̃ dumating ang pangcát na cacampi ng̃ gobierno; si doña Victorina, si Don Tiburcio at si Linares. Nagsalitâ si doña Victorina sa ng̃alán ng̃ tatlong lalaki, bucód sa nauucol sa canyáng sarili; binangguit niyá ang mg̃a pagdalaw ni Linares sa capitan general, at inulit-ulit ang cabutihang magcaroon ng̃ isang camag anac na mataás na tao. —¡Ná!—ang iwinacas,—como izimos: el que a buena zombra ze acobija buen palo ze le arrima.[o 4] —¡Tum ... tum ... tumbalic, babae!—ang isinala ng̃ doctor. May tatlóng araw ng̃ guinágagad ni doña Victorina ang mg̃a andaluz, sa pamamag-itan ng̃ pag-aalis n-g "d" at sa paghahalili ng̃ "z", at ang hang̃ad niyáng ito'y waláng macapag-alis sa canyáng ulo; mamagaling̃in pa niyang canyáng ipabugnós ang canyáng postizong buhóc na kinulót. —¡Zi!—ang idinugtóng, na ang tinutucoy ay si Ibarra:—eze lo tenfa muy merezio; yo ya lo ije cuando le vi la primera vez; ezte un filibuztero ¿ique te ijo a ti, primo, el general? ¿Que le haz icho, que noticias le izte é Ibarra?[o 5] At ng̃ makita niyáng nalalaon ng̃ pagsagót ang pinsan, nagpatuloy ng̃ pananalita na si capitang Tiago ang kinacausap: —Créame uzté, zi le conenan a muelte, como ez e ezperar, zera por mi primo.[o 6] —¡Guinoong babae! ¡guinoong babae!—ang itinutol ni Linares. Datapuwa't hindi niyá itó binigyang panahón. —¡Ay, qué iplomático te haz güerto! Zabemoz qwe ere;i el conzejero del General, que no puede vivir zin ti ... ¡Ah, Clarita! ¡qué placer é verte![o 7] Humaráp si Maria Clarang namúmutlâ pa, bagá man nananag-uli na ang dating cagaling̃an ng̃ catawang pinapanghina ng̃ sakit. Napupuluputan ang mahabang buhóc ng̃ sutlang cintas na may culay bughaw. Kiming bumati, ng̃umitî ng̃ mapanglaw, at lumapit cay doña Victorina upang gawin ang paghahalicang caugalîan sa mg̃a babae. Pagcatapos ng̃ caugalîang cumustahan, nagpatuloy ng̃ pananalitâ ang nagpápanggap na andaluza: —Venimoz á visitaroz; ¡oz haveiz zalbao graciaz á vuestraz relacionez![o 8] na canyáng tiníting̃nan ng̃ macabulugan si Linares. —¡Tinangkilic ng̃ Dios ang aking amá!—ang marahang isinagót ng̃ dalaga. —Zi, Clarita, pero el tiempo é los milagroz ya ha pazeo: rozotroz loz ezpañolez ecimoz: ezconfía é la Virgen y échate á corré.[o 9] —¡Tum ... tum ... tumbalíc! Si capitán Tiago na hanggang sa sandalíng yaó'y hindi nacacaguiit sa pananalitá'y nang̃ahás tumanóng, at bago pinakinggáng magalíng ang sagót: —Cung gayó'y inaacalà po ba ninyó, doña Victorina, na ang Virgen ...? —Venimoz precizamente á hablar con uzté é la Virgen,[o 10]—ang matilinghagang sagót ni doña Victorina, na itinuturo si María Clara;—tenemoz que hablar é negocioz.[o 11] Napagkilala ng̃ dalagang dapat niyáng lisanin ang nang̃agsasalitaan, caya't humanap siyá ng̃ dahilán at lumayo roon, na nang̃ang̃abay sa mg̃a casangcapan. Napacaimbî at napacalisyà ang salitaan at usapan sa pagpupulong na itó caya't minamagaling pa namin ang huwág ng̃ saysayin. Sucat ng̃ sabihing ng̃ silá'y magpaalaman ay pawang nang̃atutuwang lahát, at sinabi pagcatapos ni capitan Tiago ang ganitó cay tía Isabel: —Ipasabi mo sa fonda, na bucas ay mag-aalay tayo ng̃ piguing. Untiunting ihandà mo si María Clara na ating ipacacasal na hindi malalaon. Tiningnan siya ni tía Isabel na nagugulat. —¡Makikita mo rin! ¡Pagca naguíng manugang na natin si guinoong Linares, magmamanhic-manaog tayo sa lahat ng̃ mg̃a palacio; pananaghilîan tayo, mang̃amamatay ang lahat sa capanahilian! At sa gayón ng̃a'y kinabucasan ng̃ gabi'y mulî na namáng punô ng̃ tao ang bahay ni capitan Tiago, at ang caibhán lamang ng̃ayo'y pawang mg̃a castila't insíc lamang ang canyáng mg̃a inanyayahan; tungcól sa magandáng cabiyác ng̃ cataoha'y ipinakikiharap doon ng̃ mg̃a babaeng castilàng tubò sa España at sa Filipinas. Náririyan ang pinacamarami sa ating mg̃a cakilala; si parì Sibyla, si parì Salvi, na casama ng̃ iláng mg̃a franciscano't mg̃a dominico; ang matandáng teniente ng̃ guardia civil na si guinoong Guevara, na lalo ng̃ mapangláw ang mukhâ cay sa dati; ang alférez na sinásaysay na macalibo na ang canyáng dinanas na pakikibaca, na minámasdan ang lahát ng̃ boong pagpapalalò, palibhasa'y sa acalà niyá'y siyá'y isáng don Juan de Austria sa catapang̃an; ng̃ayó'y teniente siyá't may gradong comandante; si De Espadaña, na canyáng minámasdan itó ng̃ boong gálang at tacot at iniiwasan ang canyáng titig, at si doña Victorina na nagng̃ing̃itng̃it. Hindi pa dumarating si Linares, sa pagcá't palibhasa'y mahalagáng guinoo, dapat na siyá'y magpáhuli sa pagdating cay sa mg̃a ibá: may mg̃a taong nápacatung̃ag, na ang acala'y cung magpáhuli ng̃ isáng oras sa lahát ng̃ bagay, naguiguing malalaking tao na. Si María Clara ang siyáng tinútudlà ng̃ mg̃a upasalà: sinalubong silá ng̃ dalaga ng̃ alinsunod sa ugaling pakikipagmahalan, na hindi nalilisan ang canyáng anyóng malungcót. —¡Psh!—anáng isáng dalaga;—may cauntíng capalaluan.... —Magandagandá rin namán,—ang sagót namán ng̃ isáng dalaga rin;—datapuwa't ang lalaking iyá'y pumili sana ng̃ ibáng dalaga na hindi totoong mukháng tang̃á. —Ang salapî, caibigan; ipinagbíbili ng̃ makisig na binatà ang canyáng sariling catawán. Sa cabiláng dáco'y itó namán ang salitaan: —¡Pacacasal ng̃ayóng ang unang nang̃ibig sa canyá'y malapit ng̃ bitayin! —Tinatawag cong maing̃at ang ganyán; pagdaca'y handâ na ang cahalili. —¡Abá, cung mabao!... Náriring̃ig marahil ang gayóng mg̃a salitaan ng̃ dalagang si María Clara, na nacaupô sa isáng silla at naghuhusay ng̃ isáng bandejang mg̃a bulaclác, sa pagcá't námamasid na nang̃áng̃atal ang canyáng mg̃a camáy, minsang mamutlá't mang̃atlabing macáilan. Malacás ang salitaan sa pulutóng ng̃ mg̃a lalaki, at, ayon sa caraniwa'y pinag uusapan nilá ang ucol sa hulíng mg̃a nangyari. Nang̃ag salitaang lahát patí ni don Tiburcio, liban na lamang cay parì Sibyla, na nananatili sa pagpapawaláng halagáng hindi pag-imíc. —¿Náring̃ig cong lilisanin daw po ninyó, pari Salví, ang bayan?—ang tanóng ng̃ bagong teniente, na dahil sa canyáng pagcataas sa catungcula'y ng̃ayó'y naguíng mairuguín. —Walâ na acóng sucat gawín sa bayang iyán; sa Maynilà na títira acó magpacailan man ... ¿at cayó pô? —Lilisanin co rin ang bayan,—ang isinagót na casabay ang pagtindíg;—kinacailang̃an acó ng̃ gobierno, upáng aking linisin ang mg̃a lalawigan sa mg̃a filibustero, na ang casama co'y isáng pulutóng ng̃ mg̃a sundalo. Dagling tiningnán siyá ni pari Salví mulâ sa mg̃a paá hanggáng sa ulo, at sacâ siyá tinalicuráng lubós. —¿Tunay na bang nalalaman cung anó ang cahihinatnan ng̃ pang̃ulo ng̃ mg̃a tulisan, ng̃ filibusterillo?—ang tanóng ng̃ isáng cawaní ng̃ pámahalaan. —¿Si Crisóstomo Ibarra ba ang sinasabi ninyó?—ang tanóng ng̃ isá.—Ang lalong mahihintay at siyá namáng sumasacatuwiran ay siyá'y bitaying gaya ng̃ mg̃a binitay niyóng 72. —¡Siyá'y itatapon!—ang sinabing mapangláw ng̃ matandáng teniente. —¡Itatapon! ¡Itatapon lamang siyá! ¡Ng̃uni't marahil ay mananatili sa tapunán magpacailán man!—ang bigláng sinabing sabaysabáy ng̃ ilán. —Cung ang binatàng iyán,—ang patuloy na sinabi ng̃ teniente Guevara, ng̃ malacás at anyóng may galit;—ay natutong mag-íng̃at; cung siyá'y natutong huwag tumiwalang totoo sa mg̃a tang̃ing taong canyáng casulatán; cung hindi sana napacadunong ang ating mg̃a fiscal na magbigáy kahulugán ng̃ napacalabis namán sa nasusulat, pinasiyahán sanang waláng anó mang casalanan ang binatàng iyán. Ang pagpapatibay na itó ng̃ matandáng teniente at ang anyô ng̃ canyáng tínig ay nagbigáy ng̃ malakíng pangguiguilalás sa mg̃a nakíkinig, na waláng nasabing anó man. Tuming̃ín sa ibáng daco si parì Salví, marahil ng̃ huwag niyáng makita ang titig na mapangláw ng̃ matandâ. Nalaglág sa mg̃a camáy ni María Clara ang mg̃a bulaclác at hindi nacakilos. Si pari Sibylang marunong sa hindi pag-imic, tila mandín siyáng tang̃ing marunong namáng tumanóng. —¿May sinasabi pô ba cayóng mg̃a sulat, guinoong Guevara? —Sinasabi co ang sinalitâ sa akin ng̃ defensor (tagapagtanggól), na gumanáp ng̃ canyáng catungculan ng̃ boong casipaga't pagmamalasakit. Liban na lamang sa iláng mg̃a talatang may culabóng pananalitâ, na isinulat ng̃ binatàng itó sa isáng babae, bago siyá yumaong ang tung̃o'y sa Europa, mg̃a talatang kinakitaan ng̃ fiscal ng̃ isáng balac at isáng balà laban sa Gobierno, na canyáng kinilalang siyá ng̃â ang may sulat, waláng násumpung̃ang anó mang bagay na mapanghawacan upáng siyá'y mabigyáng casalanan. —¿At ang declaración (sinaysáy) ng̃ tulisán bago siyá mamatáy? —Nasunduan ng̃ defensor na mawal-ang halagá, sa pagcá't ayon din sa tulisáng iyón, silá'y hindi nakipag-usap cailán man sa binatà, cung di sa isáng nagng̃ang̃alang Lucas lamang, na canyáng caaway, ayon sa napatotohanan, at nagpacamatáy, marahil sa sigáw ng̃ sariling budhî. Napatotohanang pawang taksíl na gagád lamang ang mg̃a letra ng̃ casulatang nacuha sa bangcay niyá, sa pagcá't ang letra'y catulad ng̃ dating letra ni guinoong Ibarra ng̃ panahóng may pitóng taón na ng̃ayón ang nacararaan, datapuwa't hindi catulad ng̃ letra niyá ng̃ayón, bagay na nagpapasapantahang ang gumamit na huwaran ay itóng sulat na guinamit upáng siyá'y isumbóng. Hindi lamang itó, sinasabi ng̃ defensor, na cung di raw kinilalang siyá ang may titic ng̃ sulat na iyón, malaki sanang cagaling̃an ang sa canyá'y nagawa, datapuwa't pagcakita niya sa sulat na iyó'y namutlâ siyá, nasirà ang loob at pinagtibay ang lahat ng̃ doo'y natititic. —Ang sabi pô ninyó,—ang tanóng ng̃ isáng franciscano;—ay nauucol ang sulat na iyón sa isáng babaeng canyáng pinagpadalhan, ¿anó at dumating sa camáy ng̃ fiscal? Hindi sumagót ang teniente; tinitigang sandalî si pari Salvi, at sacâ lumayô, na pinipilipit na nang̃áng̃atal ang matulis na dulo ng̃ canyáng balbás na úbanin, samantalang pinag-uusapan ng̃ mg̃a ibá ang mg̃a bagay na iyón. —¡Diyá'y nakikita ang camáy ng̃ Dios!—anáng isá;—kinasusutan siyá patí ng̃ mg̃a babae. —Ipinasunog ang canyáng bahay, sa acalà niyáng sa gayó'y macalíligtas siyá, datapuwa't hindi niyá naisip ang nacaling̃id, sa macatuwíd baga'y ang canyáng caagulo, ang canyáng babae,—ang idinugtóng ng̃ isáng tumatawa.—¡Talagá ng̃ Dios! ¡Santiago, ipagtanggól mo ang España! Samantala'y humintô ang matandáng militar, sa isá sa canyáng pagpaparoo't parito, at lumapit cay María Clara, na nakikinig ng̃ salitaan, hindi cumikilos sa canyáng kinauupuan; sa mg̃a paanan niyá'y naroroon ang mg̃a bulaclác. —Cayó po'y isáng dalagang totoong matalinò,—ang marahang sinabi sa canyá ng̃ teniente,—magalíng pô ang inyóng guinawâ ng̃ inyóng pagcacábigay ng̃ sulat ... sa ganyáng paraa'y macaaasa cayóng dalawá sa isáng mapanatag na hinaharap. Nakíta ng̃ dalagang lumálayô ang teniente na ang mg̃a matá'y anyóng na hahalíng at kinacagat ang mg̃a labì. Sa cagaling̃ang palad ay nagdaan si tía Isabel. Nagcaroon si María Clara ng̃ casucatang lacás upáng siyá'y tangnán sa damít. —¡Tia!—ang ibinulóng. —¿Anó ang nangyayari sa iyó?—ang itinanóng ni tía Isabel, na gulát, ng̃ canyáng mámasdan ang mukhà ng̃ dalaga. —¡Ihatid pô ninyó acó sa aking cuarto!—ang ipinakiusap, at sacà bumitin sa camáy ng̃ matandà upáng macatindig. —¿May sakít ca, anác co? ¿Tila nawalán icaw ng̃ mg̃a butó? ¿anó ang nangyayari sa iyó? —Isáng hilo ... ang dami ng̃ tao sa salas ... ang dami ng̃ ilaw ... kinacailang̃an cong magpahing̃a. Sabihin pô ninyó sa tatay na matutulog acó. —¡Nanglálamig ca! ¿ibig mo ba ang chá? Umilíng si María Clara, sinarhán ng̃ susi ang pintô ng̃ canyáng tulugán, at salàt na sa lacás ay nagpatihulóg sa sahíg, sa paanán ng̃ isáng larawan at sacâ humagulhól: —¡Iná! ¡iná! ¡aking iná! Pumapasoc ang liwanag ng̃ buwán sa bintanà at sa pintuang canugnóg ng̃ bataláng bató. Nagpapatuloy ang música ng̃ pagtugtóg ng̃ masasayang vals; dumarating hanggáng sa tulugán ang mg̃a tawanan at ang aling̃awng̃áw ng̃ mg̃a salitaan; macailang tumugtóg sa canyáng pintuan ang canyáng amá, si tía Isabel, si doña Victorina at patí si Linares, datapuwa't hindi cumilos si María Clara: malacás na hing̃al ang tumatacas sa canyáng dibdib. Nagdaan ang mg̃a horas: natapos ang mg̃a catuwaan sa mesa, náriring̃ig ang sayáw, naupós ang candilà at namatáy, datapuwa't nanatili ang dalaga sa hindi pagkilos sa tablang sahig, na liniliwanagan ng̃ buwán, sa paanán ng̃ larawan ng̃ Iná ni Jesús. Untiunting nanag-uli ang báhay sa catahimican, nang̃amatáy ang mg̃a ílaw, mulíng tumawag si tía Isabel sa pintuan. —¡Abá, nacatulog!—anáng tía ng̃ sabing malacás; palibhasa'y bata't waláng anó mang pinanínimdim, tumutulog na parang patáy. Nang lubhâ ng̃ tahimic ang lahát; nagtindig si María Clara ng̃ marahan at luming̃ap sa canyáng paligid: námasid ang bataláng bató, ang maliliit na mg̃a bálag, na napapaliguan ng̃ mapangláw na liwanag ng̃ buwán. —¡Isáng mapanatag na hináharap! ¡Tumutulog na parang patáy!—ang sinabi ng̃ marahan at sacâ tinung̃o ang bataláng bató. Nagugupiling ang ciudad, waláng nariring̃ig na manacanacâ cung dî ang ugong ng̃ isang cocheng nagdaraan sa tuláy na cahoy sa ibabaw ng̃ ilog, na ilinarawan ng̃ payapang tubig nitó ang sinag ng̃ buwan. Tuming̃ala ang dalaga sa lang̃it na ang calinisa'y wang̃is sa zafir; marahang hinubád ang canyáng mg̃a sinsing, mg̃a hicáw, mg̃a aguja at peineta, inilagáy niyá ang lahat ng̃ itó sa palababahan ng̃ batalán at tiningnan ang ílog. Humintô ang isáng bancáng tiguíb ng̃ damó sa paanán ng̃ ahunáng nalalagay sa bawa't bahay na na sa pampang̃in ng̃ ilog. Isá sa dalawáng lalaking nacasacáy sa bangcáng iyón ay pumanhic sa hagdanang bató, linundág ang pader, at ng̃ macaraan ang sandali'y náring̃ig ang canyáng mg̃a paglacad na pumápanhic sa hagdanan ng̃ batalán. Nakita siyá ni María Clarang tumiguil pagcakita sa canyá, ng̃uni't sumandal lamang, sa pagcá't untiunting lumapit at tumiguil ng̃ tatlong hacbáng na lámang ang layó sa dalaga. Umudlót si María Clara. —¡Crisóstomo!—ang sinabing marahang puspós ng̃ tácot. —¡Oo, acó'y si Crisóstomo!—ang isinagót ng̃ binatà ng̃ boong capanglawan.—Kinuha acó sa bilangguang pinag absang̃án sa akin ng̃ aking mg̃a caibigan, ni Elias, isáng caaway, isáng táong may catuwirang acó'y pagtamnan ng̃ galit. Sumunod sa mg̃a salitáng itó ang isáng mapangláw na hindi pag-imic; tumung̃ó si María Clara at inilawít ang dalawáng camáy. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ si Ibarra: —¡Isinumpà co sa piling ng̃ bangcáy ng̃ aking ináng icaw ay aking paliligayahin, cahi't anó man ang aking cáratnan! Mangyayaring magcúlang icaw sa iyóng isinumpâ, siyá'y hindi mo iná; ng̃uni't acó, palibhasa'y acó ay anác niyá, pinacadadakilà co ang pag-aalaala sa canyá, at cahi't nagdaan acó sa libolibong pang̃anib, naparito acó't upáng tuparín ang aking isinumpâ, at itinulot ng̃ pagca-cátaong icaw rin ang aking macausap. María, hindi na tayo magkikitang mulî; batà ca at bacâ sacali'y sisihin ca ng̃ iyóng sariling budhî ... naparito acó upáng sa iyó'y sabihin, bago acó pumanaw, na pinatatawad catá. ¡Ng̃ayon, cahimana-wari'y lumigaya ca, at paalam! Binantâ ni Ibarrang lumayô, datapuwa't piniguil siyá ng̃ dalaga. —Crisóstomo!—anya;—sinugò ca ng̃ Dios at ng̃ acó'y iligtas sa waláng cahulilip na capighatian ... ¡pakinggán mo acó at sacâ mo acó hatulan! Matimyás na bumitíw sa canyá si Ibarra. —Hindi acó naparito't ng̃ hing̃an catang sulit ng̃ guinawâ mo ...; naparito acó't ng̃ bigyan catang capayapaan. —¡Aayaw acó ng̃ capayapaang iniháhandog mo sa akin; acó ang magbibigay sa akin din ng̃ capayapaan! Pinawáwal-an mo acóng halagá, at ang pagpapawaláng halagá mo'y siyáng sampong sa camatayan co'y magbibigay capaitan! Namalas ni Ibarra ang masilacbóng samà ng̃ loob at pagpipighati ng̃ abáng babae, at tinanóng niyá itó cung anó ang hináhang̃ad. —¡Na icaw ay maniwalang sinintá co icaw cailán man! Ng̃umiti ng̃ boong saclap si Crisóstomo. —¡Ah! ¡nagcuculang tiwalà ca sa akin, nagcuculang tiwalà, ca sa iyong catoto sa camusmusán, na cailán ma'y hindi ikinaila sa iyó ang isa man lamang na caisipán!—ang bigláng sinabi ng̃ dalaga na nagpipighati.—¡Aking natátaroc ang iniisip mo! Pagcâ napagtanto mo ang aking buhay, ang malungcot na buhay na ipinatanto sa akin ng̃ panahóng acó'y may sakit, maháhabag ca sa akin at hindi mo ng̃ing̃itian ng̃ ganyán ang aking dalamhatì. ¿Bakit bagá't hindi mo pa binayaang acó'y mamatáy sa mg̃a camáy ng̃ hangál na gumágamot sa akin? ¡Icaw sana't acó'y liligaya! Nagpahing̃ang sumandali si María Clara't sacâ nagpatuloy ng̃ pananalitâ: —¡Inibig mo, nagculang tiwalà ca sa akin, patawarin nawâ acó ng̃ aking Iná! Sa isá sa mg̃a calaguimlaguim na gabì ng̃ aking masacláp na pagcacasakit, ipinahayag sa akin ng̃ isáng táo ang pang̃alan ng̃ aking tunay na amá, at ipinagbawal sa aking icáw ay aking sintahin ... liban na lámang cung ang akin ding amá ang magpatawad sa iyó sa paglabág na sa canyá'y iyóng guinawâ! Umudlót si Ibarra at nagugulumihanang tinitigan ang dalaga. —Oo,—ang ipinagpatuloy ni María Clara; sinabi sa akin ng̃ táong iyóng hindî maitutulot ang ating pag-iisang catawán, sa pagcá't ibabawal sa canyá ng̃ canyang sariling budhî, at mapipilitang canyang ihayág, cahi't magcaroon ng̃ malakíng casiráan ng̃ puri, sa pagca't ang aking amá'y si.... At saca ibinulóng sa taing̃a ng̃ binata ang isáng pang̃alang sa cahinaan ng̃ pagsasasalita'y si Ibarra lámang ang nacáring̃ig. —¿Anó ang aking magagawâ? ¿Dapat co bang yurakin dahil sa aking pagsinta ang pag-aalaala co sa aking iná, ang capurihán ng̃ aking amáamahan at ang dang̃al ng̃ aking tunay na amá? ¿Magagawâ co bá itó na hindî icáw ang unaunang magpapawaláng halagá sa akin? —¿Ng̃uni't ang catibayan, nagcaroon ca ba ng̃ catibayan? ¡Nang̃ang̃ailang̃an icáw ng̃ catibayan!—ang bigláng sinabi ni Crisóstomo, na parang sinásacal. Dinucot ng̃ dalaga sa canyáng dibdíb ang dalawáng papel. —Nárito ang dalawáng súlat nang aking ina, dalawáng súlat na itinitic sa guitnà ng̃ mataós na sigáw ng̃ sariling budhî ng̃ panahóng tagláy pa niyá acó sa canyáng tiyán. Tanggapín mo't iyong basahin, at iyong makikita cung paano ang canyáng pagsumpa sa akin at paghahang̃ád na acó'y mamatay ..., ang aking camatayang hindi nasunduan, bagá man pinagpilitan ng̃ aking amá, sa pamamag-itan ng̃ mg̃a gamót! Nalimutan ang mg̃a súlat na itó nang aking amá, sa bahay na canyáng tinahanan, nacuha ng̃ táong iyón at ining̃atan, at caya lamang ibinigay sa akin ay nang palitan co ng̃ iyóng súlat ..., dî umano'y ng̃ siya raw ay macaasang hindî acó pacácasal sa iyó cung waláng capahintulutan ang aking amá. Búhat ng̃ daladalahin co sa aking catawán ang dalawáng súlat na iyáng naguíng capalít ng̃ súlat mo, nacacáramdam acó ng̃ lamíg sa aking pusò. Aking ipinahamac icáw ipinahamac co ang aking sinta.... ¿anó ang hindî gágawin ng̃ isáng anác na babae sa icagagaling ng̃ isáng ináng patay na at ng̃ dalawáng amáng capuwa buháy? ¿Akin bang masasapantahà man lámang cung saan gagamitin ang iyong súlat? Nanglúlumo si Ibarra. Nagpatuloy si María Clara: —¿Anó pa ang nálalabi sa akin? ¿masasabi co ba sa iyo cung sino ang aking amá, masasabi co ba sa iyong huming̃i ca sa canyá ng̃ tawad, sa iyó pa namáng anác ng̃ pinapaghirap niyá ng̃ hindi cawasa? ¿masasabi co ba sa aking amá na icaw ay patawarin, masasabi co ba canyáng acó'y canyáng anác, acó pa namáng pinacahang̃adhang̃ád niyá ang aking camatayan? ¡Walâ na ng̃ang nálalabi sa akin cung hindi ang pagtitiis, ing̃atan co sa sarili ang lihim at mamatáy sa pagpipighati!... Ng̃ayón, caibigan co, ng̃ayóng nalalaman mo na ang buhay ng̃ iyong abang si María, ¿mangyayari pa bang maidulot mo pa sa canya iyáng pagpapawaláng halagáng ng̃iti? —¡María, icaw ay isáng santa! —Lumiligaya acó, sa pagca't, acó'y iyong pinaniniwalaan.... —Gayón man,—ang idinugtóng ng̃ binatà, na nagbago ng̃ anyô ng̃ tinig,—nabalitaan cong mag-aasawa ca raw.... —Oo,—at humagulhól ang dalaga;—hinihing̃i sa akin ng̃ aking amá ang pagpapacahirap na itó ... bagá man hindi niyá catungcula'y sininta niyá acó't canyáng pinacain, tinutumbasan co ang utang na loob na itó, sa pagbibigay capanatagan sa canyá, sa pamamag-itan nitóng bagong pakikimag-anac na itó, ng̃unit.... —¿Ng̃uni't.... —Hindi co lilimutin ang pagtatapat na aking isinumpâ sa iyó. —¿Anó ang inaacala mong gawín?—ang idinugtóng ni Ibarra, at pinagsisicapang basahin sa canyáng mg̃a matá ang canyáng balac. —¡Madilím ang hináharap na panahón at na sa cadiliman ang Palad! Hindi co nalalaman ang aking gagawin; ng̃uni't talastasin mong minsan lamang cung acó'y umibig, at cung walang pag-ibig ay hindi acó cacamtan nino man. At icaw, ¿anó ang casasapitan mo? —Ang calagayan co'y isáng bilanggong tanan ... tumatacas acó. Hindî malalao't malalaman ang aking pagcatacas, María.... Tinangnán ni María Clara ng̃ dalawáng camáy ang ulo ng̃ binatà, hinagcáng muli't muli ang mg̃a labì, niyacap niyá siyá, at sacâ biglang linayuan pagcatapos. —¡Tumacas ca! ¡tumacas ca!—anya;—¡tumacas ca, paalam! Tinitigan siyá ni Ibarra ng̃ mg̃a matáng nagníningning; ng̃uni't sa isáng hudyát ng̃ dalaga'y lumayo ang binatang tila lang̃ó, hahapayhapay.... Mulíng linucsó ang pader at sumacay sa bangca. Tinatanaw siyá sa paglayô ni María Clarang nacadung̃aw sa palababahan ng̃ batalán. Nagpugay si Elías at niyucuran siyá ng̃ boong galang. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Ikakasal na si Maria Clara
- Ang Pagpapakasal ni Maria Clara
Baybayin
Talababaan
|
|