Teksto

KasalukuyanOrihinal
Kuwento ng Isang Ina
Casaysayan Nang Buhay Nang Isang Ina

Waláng tinutung̃o sa canyang paglacad,
walang linalayon sa linipadlipad,
susumandali ma'y di napapanatag.
(Alaejos)

Tumatácbo si Sisang patung̃ó sa canyáng báhay, tagláy iyóng caguluhan ng̃ baít na nangyayari sa ating cataohan, pagcâ sa guitnâ ng̃ isáng casacunaán ay walâ sino mang nagmamalasakit sa atin at sa ati'y tumatacas ang mg̃a pag-asa. Cung nagcacagayo'y anaki'y dumidilim na lahát sa ating paliguid, at sacali't macakita tayo ng̃ isáng máliit na ilaw sa maláyò, tinátacbo natin ang ilaw na iyón, pinag-uusig natin, at hindî natin alumana cáhi't makitang sa calaguitnâan ng̃ landás ay may isang malalim na bang̃ín.

Ibig ng̃ ináng iligtás ang canyáng mg̃a anác, ng̃uni't ¿paano? Hindî itinátanong ng̃ mg̃a iná ang gágawing mg̃a paraan, pagca nanucól sa canilang mg̃a anác.

Tumátacbong nagsísikip ang dib-dib, palibhasa'y pinag-uusig ng̃ mg̃a guniguníng calaguímlaguim. ¿Nárakip na cayâ ang anác niyang si Basilio? ¿Saán tumácas ang canyáng anác na si Crispin?

Nang malápit na siyá sa canyáng báhay ay canyáng natanawan ang mg̃a capacete ng̃ dalawáng sundalong na sa ibábaw ng̃ bacuran ng̃ canyáng halamanan. Hindî mangyayaring maisaysay cung anó ang dinamdám ng̃ canyáng pusó: nalimutan niyá ang lahát. Hindî cailâ sa canyá ang canpang̃ahasan ng̃ mg̃a táong iyóng hindî nang̃agpipitagan cahi't sa lálong mayayaman sa bayan, ¿anó cayâ ang mangyayari sa canyá at sa canyáng mg̃a anác na pinagbibintang̃an nang̃anácaw? Hindî mg̃a táo ang mg̃a guardia civil, sila'y mg̃a guardia civil lamang: hindî nilá diníring̃ig ang mg̃a panghihimanhic at sila'y bihasang macapanood ng̃ mg̃a lúhà.

Hindî sinásadya'y itinaás ni Sisa ang canyáng mg̃a matá sa lang̃it, at ang lang̃it ay ng̃umíng̃itî ng̃ caayaayang caliwanagan; lumalang̃o'y ang ilang maliliit at mapuputing alapaap sa nang̃ang̃aninag na azúl. Humintò siyá upang piguilin ang pang̃ang̃atal na lumalaganap sa canyáng boong katawán.

Iniiwan na ng̃ mg̃a sundalo ang canyáng báhay at silá'y waláng casama; walâ siláng hinuli cung dî ang inahíng manóc na pinatátabâ ni Sisa. Nacahing̃á siyá at lumacás ang canyáng loób.

—¡Pagcábabait nilá at pagcágaganda ng̃ caniláng mg̃a calooban!-ang ibinulóng na hálos umíiyac sa catowáan.

Cahi't sunuguin ng̃ mg̃a sundalo ang canyáng báhay, huwag lámang piitín nilá ang canyáng mg̃a anác, ay silá'y pacapupuspusin dín niyá ng̃ pagpupuri.

Muling tinitigan niyá, sa pagpapasalamat, ang lang̃it na pinagdaraanan ng̃ isang cawan ng̃ mg̃a tagác, iyáng matutûling mg̃a alapaap ng̃ mg̃a láng̃it ng̃ Filipinas, at sa pagca't nanag-úli sa canyáng púsó ang pananálig ay ipinagpatúloy niyá ang paglácad.

Nang malapit na si Sisa sa mg̃a catacot-tacot na mg̃a táong yao'y nagpaling̃apling̃ap sa magcabicabíla at nagcóconowáng hindî niyá nakikita ang canyáng inahing manóc na pumípiyac at humihing̃ing sáclolo. Bahagya pa lamang nang̃acacaraan sa canyáng tabí ay nag-acála siyang tumacbó, ng̃uni't piniguil ang tulin ng̃ canyáng paglacad ng̃ pagiing̃at na bacâ siyá'y máino.

Hindî pa siyá nacalálayô ng̃ malaki ng̃ márinig niyáng siyá'y caniláng tinatawag ng̃ boong cabang̃isán.

Hindî kinukusa'y lumapit si Sisa, at náramdaman niyáng hindî niyá maigaláw ang canyáng dilà sa tácot at natútuyô ang canyáng lalamunan.

—¡Sabìhin mo sa amin ang catótohanan ó cung hindî itatáli ca namin sa cáhoy na iyon at papuputucán ca namin ng̃ dalawa!—anang isá sa caniláng may pagbabálà ang tunóg ng̃ voces.

Tuming̃in ang babae sa dacong kinalalagyan ng̃ cáhoy.

—¿Icaw bâ ang iná ng̃ mg̃a magnanacaw, icáw?—ang tanóng naman ng̃ isá.

—¡Iná ng̃ mg̃a magnanacaw!—ang di sinásadya'y inúlit ni Sisa.

—¿Saán nároon ang salapíng iniuwî sa iyo cagabí ng̃ iyóng mg̃a anác?

—¡Ah, ang salapi!...

—¡Howag mong itangguí ang salapíng iyán, sa pagca't lálong mápapasamá icaw!—ang idinugtóng ng̃ isá. Naparíto cami't ng̃ dacpín ang iyóng mg̃á anác; ang pinacamatanda'y nacatanan sa amin, ¿saan mo itinágò ang bunsô?

Huming̃á si Sisa ng̃ máring̃ig ang gayong sabi.

—¡Guinoó!—ang isinagot—¡malaon na pong araw na hindî co nakikita ang aking anác na si Crispín: ang boóng acálà co'y masusumpung̃an co siyá caninang umaga sa convento, doo'y ang sinábi lamang sa aki'y....

—Nagsuliapan ang dalawang sundálo ng̃ macahulugán.

—¡Magaling!—ang bigláng sinabi ng̃ isá sa canilá; ibigay mo sa amin ang salapi, at hindî ca na namin babagabaguin.

—¡Guinoo!—ang isinamò ng̃ cúlang palad na babae!—ang aking mg̃a anac ay hindî nagnanacaw cahi't madayucdóc; bihasa caming magútom. Hindî nag-uuwî sa akin si Basilio cahi't isang cuarta; halughuguín ninyó ang boong bahay, at cung cayo'y macasumpong cahi't sisicapat man lamang, gawín ninyó sa amin ang bawa't maibigan. ¡Caming mg̃a dukhâ ay hindî magnanacaw!

—Cung gayón—ang ipinagpatuloy ng̃ sundálo ng̃ madálang na pananalitâ, at canyáng tinititigan ang mg̃a matá ni Sisa,—icáw ay sumáma sa amin; pagsisicapan na ng̃ iyóng mg̃a anác na humarap at isísipót ang salaping ninacaw: ¡Sumama ca sa amin!

—¿Acó? ¿sumama acó sa inyó?—ang ibinulóng ng̃ babae na umudlót at minamasdan ng̃ boong pagcagulat ang mg̃a pananamít ng̃ sundalo.

—¿At bakit hindî?

—¡Ah! ¡mahabág cayó sa akin!—ang ipinamanhíc na halos lumúluhod.—Totoong acó'y mahírap; walâ acóng guintô ó hiyas man lamang na súcat maialay sa inyó: nacúha na ninyó ang aking tang̃ing pag-aarì, ang inahíng manóc na inacala co sanang ipagbili ... dalhín na ninyó ang lahat ng̃ inyóng masumpong sa aking dampâ; ng̃uni't ¡pabayaân na ninyó rito acóng pumayapâ; pabayaan na ninyóng mamatay acó rito!

—¡Súlong na! kinacailang̃ang sumama ca sa amin; at cung aayaw cang sumama ng̃ sa magaling̃an, icaw ay gagapusin namin.

Tumang̃is si Sisa ng̃ capaitpaitan. Hindî nababagbag ang loob ng̃ mg̃a taong iyón.

—¡Ipaubayà man lamang ninyóng acó'y mauna ng̃ malayô-layô!—ang ipinakiusap ng̃ maramdaman niyang siya'y tinatangnan ng̃ boong calupitan at siya'y itinutulac.

Naawà ang dalawang sundalo at nag-usap sila ng̃ marahan.

—¡Hala!—ang wíca ng̃ isá—sa pagca't buhat dito hanggang sa pumasoc tayo sa bayan ay macatátacbo ca, icaw ay lalagay sa pag-itan naming dalawâ. Cung naroroon na tayo, macapagpapauna ca sa amin ng̃ may mg̃a dalawampong hakbang; ng̃uni't ¡mag-ing̃at ca! ¡huwag cang papasoc sa alín mang tindahan at huwag cang hihintô. ¡Hala, lacad na at magmadalî ca!

Nawal-ang cabuluhan ang mg̃a pagsamò, nawal-ang cabuluhan ang mg̃a pang̃ang̃atuwiran, hindî pinansin ang mg̃a pang̃acò. Sinasabi ng̃ mg̃a sundalong lumalagay na silá sa pang̃anib at malabis ng̃ totoo ang canilang ipinagcacaloob.

Nang malagay na siya sa guitna ng̃ dalawa'y naramdaman niyang siya'y namámatay ng̃ hiyâ. Tunay ng̃a't walâ sino mang lumalacad sa daan, ng̃uni't ¿ang háng̃in at ang liwánag ng̃ áraw? Ang tunay na cahihiya'y nacacakita ng̃ tumiting̃in sa alin mang dáco. Tinacpán ng̃ panyô ang mukhâ, at sa paglácad niyáng waláng nakikitang anó man ay tinang̃isan ng̃ waláng imic ang canyáng pagcaamís. Napagtatalastas niyá ang canyáng cahirapan, nalalaman niyáng sa canyá'y walá sino mang tumiting̃in at sampò ng̃ canyáng asawa'y hindî siyá ipinagmamalasakit; ng̃uni't tunay na alám niyáng siya'y ma'y capurihan at kinalulúgdan ng̃ madlá hanggáng sa horas na iyón; hanggang sa horas na iyó'y canyáng kinaháhabagan yaóng mg̃a babaeng nang̃agdáramit ng̃ catawatawá na pinamámagatan ng̃ bayang caagulo ng̃ mg̃a sundalo. Ng̃ayó'y tila mandin sa ganáng canyá'y napababâ siyá ng̃ isáng baytang sa kinálalagyan ng̃ mg̃a babaeng iyón sa hagdanan ng̃ búhay.

Narinig niya ang yabág ng̃ lácad ng̃ mg̃a cabayo: yaó'y ang mg̃a nagdádala ng̃ mg̃a isdâ sa mg̃a báyang dáco roon. Guinágawa nilá ang gayóng mg̃a paglalacbáy na nagpupulupulutong ng̃ maliliit ang mg̃a lalaki't babae, na nang̃acasacay sa masasamáng cabayo, sa guitnâ ng̃ dalawáng bákid na nang̃acabítin sa magcábilang taguiliran ng̃ háyop. Ang ilán sa canilá'y ng̃ magdaan isáng áraw sa harapán ng̃ canyáng dampâ ay nang̃agsihing̃î ng̃ tubig na inumin, at siyá'y hinandugán ng̃ iláng isdâ. Ng̃ayó'y ng̃ mang̃agdaan silá sa canyáng tabi, sa acálà niyá'y siyá'y tinatahac at guiniguiic, at ang caniláng mg̃a ting̃íng may calakip na habág ó pagpapawaláng halagá ay lumálampas sa panyó at tinutudlâ ang canyáng mukhâ.

Sa cawacasa'y lumayô ang mg̃a maglalacbay at nagbuntóng hining̃á si Sisa. Inihiwalá niyáng sandalî ang panyô sa canyang mukhâ upang canyáng matingnán cung silá'y maláyò pa sa báyan. May nátitira pang iláng mg̃a halígui ng̃ telégrafo bago dumating sa "bantayan". Cailan ma'y hindî niyá náramdaman ang caunatan ng̃ gayong láyò, cung dî niyón lamang.

Sa tabi ng̃ daa'y may isáng malagóng cawayanang sa lilim niyó'y nagpapahing̃a siyá ng̃ unang panahón. Diya'y pinakikiusapan siyá ng̃ catamistamisan ng̃ sa canyá'y nang̃ing̃ibig; tinutulung̃an nito siyá ng̃ pagdadalá ng̃ cáhoy at mg̃a gúlay; ¡ay! nagdaan ang mg̃a áraw na iyóng túlad sa panag-inip; ang nang̃ing̃ibig ay canyáng naguing asawa, at ang asawa'y inatang̃an ng̃ catungculang "cabeza de barangay" at ng̃ magcagayó'y nagpasimula ang casaliwaang pálad ng̃ pagtawag sa caniláng pintuan.

Sa, pagca't nagpapasimulâ ang áraw ng̃ pag init na totoo, siya'y tinanóng ng̃ mg̃a sundalo cung ibig niyang magpahing̃a.

—¡Salamat!—ang canyáng isinagót na nang̃ing̃ilabot.

Datapuwa't ng̃ totoong siya'y mapuspos ng̃ malaking pangguiguipuspos ay ng̃ malapit na siyang dumating sa bayan. Sa malakíng samâ ng̃ canyáng loob ay siya'y lumíng̃ap sa magcabicabilâ; malalawac na mg̃a paláyan, isáng maliit na sangháng inaagusan ng̃ tubig na pangdilíg, salupanít na mg̃a cáhoy; ¡walâ siyáng makitang isáng bang̃íng pagpatibulirán ó isáng malakí't matigás na batóng paghampasán ng̃ sariling catawán! Canyáng pinagsisihan ang canyáng pagcasama sa mg̃a sundalo hanggáng doon; ¡ng̃ayó'y pinanghihinayang̃an niyá ang malalim na ilog na tumátacbo sa malapit sa canyáng dampâ, sapagca't ang matataas na mg̃a pampang̃in niyao'y nasasabugan ng̃ mg̃a matutulis na buháy na batóng nang̃agháhandog ng̃ catamistamisang camatayan. Ng̃uni't ang pagcaalaala niyá sa canyáng mg̃a anác, sa anác niyáng si Crisping hindî pa niya natatalos ng̃ sandalíng iyón ang kinasapitan, ang siyáng tumangláw sa canyá ng̃ gabíng iyón ng̃ canyáng búhay cayá't canyáng naibulong sa pag-sang-ayon sa marawal na palad:

—¡Pagcatapos ... pagcatapos ay mananáhan camí sa guitnâ ng̃ cagubatan!

Pinahíran ng̃ lúha ang canyáng mg̃a matá, pagpílit na tumiwasáy at nagsabi sa mg̃a guardia ng̃ marahang tínig:

—¡Na sa bayan na tayo!

Hindî mapaglírip ang anyô ng̃ canyáng pagcápanalitâ; yao'y daing, sisi, hibic, yaó'y daláng̃in, yaón ang pighatíng binuò sa tínig.

Sinagót siyá ng̃ isáng tang̃ô ng̃ mg̃a sundalong sa canyá'y naháhabag. Nagmadaling nagpauna si Sisa at pagpílit na mag-anyóng tiwasáy ang loob.

Nang sandalíng iyó'y pagpasimulâ ang pagrepique ng̃ mg̃a campana't ipina-aalam ang pagcatapos ng̃ mísa mayor. Tinulinan ni Sisa ang paglacad, at ng̃ cung mangyayari'y huwag niyáng macasalubong ang mg̃a táong lalabas sa simbahan. Datapuwa't ¡hindî nangyari! waláng nakitang paraan upang maiwasan ang gayóng pagcasalubong.

Bumatì ng̃ masacláp na ng̃iti sa dalawáng cakilala niyá, na sa canyá'y nag-uusísa sa pamamag-itan ng̃ ting̃ín, at mulâ niyó'y ng̃ canyáng mailágan ang gayóng mg̃a cahirápan ng̃ loob, tumung̃ó siyá at ang lúpang tinutuntung̃an niyá ang canyáng minasdán, at ¡bagay na caguilaguilalas! natitisod siyá sa mg̃a bató ng̃ lansáng̃an.

Tumiguil ng̃ sandalî ang mg̃ táo pagcakita sa canyá, silá-silá'y nang̃ag-uusap at sinusundan siyá ng̃ caniláng títig: nakikita niya ang lahát ng̃ itó, náraramdaman niya, bagaman siyá'y laguing nacating̃ín sa lúpà.

Naring̃ig niyá ang voces ng̃ isáng waláng cahihiyang babae, na nasalicuran niyá at nagtátanong ng̃ hálos pasigáw:

—¿Saan ninyó nahuli ang babaeng itó? ¿At ang salápi?

Yaó'y isáng babaeng waláng tápis, dilaw at verde ang sáya at ang báro'y gasang azul; napagkikilala sa canyang pananamít na siyá'y isáng caagulo ng̃ sundalo.

Nacaramdam si Sisa ng̃ isáng parang tampál: wari'y hinubdán siyá ng̃ babaeng iyón sa haráp ng̃ caramíhan. Sandalíng tumungháy upang siyá'y magsáwa sa libác at pag-amís: nakita niyang ang mg̃a táo'y maláyò, totoong maláyò sa canyá; gayôn ma'y náramdaman niyá ang calamigán ng̃ caniláng ting̃in at canyang náriring̃ig ang caniláng mg̃a bulungbulung̃an. Lumalacad ang abáng babaeng hindî nararamdaman ang pagtungtóng sa lúpa.

—¡Uy, dito ca tumúng̃o!—ang isininigáw sa canya ng̃ isáng guardia.

Tulad sa waláng pag-íisip na nawasac ang nacapagpapagalaw, biglangbiglang ipinihit niyá ang canyáng mg̃a paa. At hindî siyá nacakikita ng̃ anó man, waláng anó mang iniisip, siya'y tumacbo at nagtágò; nakita niyá ang isáng pintuang may isáng sundalong bantáy, nag-acála siyang pumasoc doon; ng̃uni't siya'y inilihís sa canyang paglacad ng̃ isá pang voces na lalò pa manding mabalasíc. Tinunutón niya ang pinanggaling̃an ng̃ voces, na humáhacbang siyáng halos masung̃abà sa panglulupaypáy; naramdaman niyang siya'y itinutulac sa licuran, siya'y pumikit, humacbáng ng̃ dalawá at sa pagca't kinúlang siya ng̃ lacás, nagpacálugmóc na siyá sa lúpà, paluhód muna at paupô pagcatápos. Isang pagtáng̃is na waláng lúha, walang sigáw, walang hibíc, ang siyang sa canya'y nagpapacatal.

Yáón ang cuartel: doo'y may mg̃a sundalo, mg̃a babae, mg̃a baboy at mg̃a inahíng manóc. Nang̃agsisipanahî ng̃ canicanilang mg̃a damít ang ibáng mg̃a sundálo, samantalang nacahiga sa bangcô ang canilang mg̃a caagulong babae, na ang híta ng̃ lalaki ang inuunan, nang̃aghihithiitan ng̃ tabaco ó cigarrillo at minámasdang ang bubung̃ang nang̃ayáyamot sa búhay: Tumutulong namán ang mg̃a ibáng babae sa paglilinis ng̃ damit ng̃ mg̃a sandata at iba pa, at inaaguing-íng ang mg̃a mahahalay na awit.

—¡Tila mandin nacatacas ang mg̃a sisiw! ¿Ang inahíng manóc lamang ang inyong dalá?—anang isang babae sa mg̃a sundalong bagong dating; na hindî napagsi siyasat cung ang sabi niya'y dahil cay Sisa ó sa inahíng manóc na nagpapatuloy ng̃ piniyácpiyác.

—¡Siya ng̃a namán! cailan ma'y mahalagá ang inahíng manóc cay sa sisiw—ang isinagot niyá sa canyá ring tanong, ng̃ makita niyáng hindî umiimic ang mg̃a sundalo.

—¿Saan naroon ang sargento?—ang tanóng na may anyóng samâ ang loob ng̃ isá sa mg̃a guardîa cívil—¿Nagbigay sabi na bâ sa alferez?

Mg̃a kibit ng̃ balícat ang siyáng sa canya'y sagót ng̃ nang̃aroon, sino ma'y walang nagmamalasakit ng̃ camuntî man lamang tungcól sa calagayan ng̃ abáng babáe.

Dalawáng horas ang itinagal doon ni Sisa, sa isáng anyóng halos ay hibáng, nacauncót sa isáng súloc, nacatágo ang ûlo sa mg̃a camay, gusót at gusamót ang buhóc. Natanto ng̃ alférez ang padakip na iyon ng̃ pagcatanhaling tapát, at ang únang guinawâ niyá'y ang huwag paniwalâan ang sumbóng ng̃ cura.

—¡Bah! ¡iya'y mg̃a caul-ulan lamang ng̃ curipot na fraile!—anyá, at ipinag-utos na alpasán ang babae, at sino ma'y huwag ng̃ makialam ng̃ bagay na iyon.

—¡Cung ibig niyáng másumpong ang sa canyá'y nawalâ—ang idinugtong—hing̃in niya sa canyáng San Antonio ó magsacdál cayà siya sa nuncio! ¡Iyan!

Dahil sa mangyaring ito, si Sisa'y pinalayas sa cuartel na halos ipinagtutulacan, sa pagca't aayaw siyang cumílos.

Nang mákita ni Sisang siya'y sumasaguitna ng̃ daan lumacad na siyáng dî alam ang guinágawa, at tumúng̃o sa canyang báhay, nagmámadalî, walang anó mang takip ang úlo at ang tinititiga'y ang maláyong tan-awin. Nagnining̃as ang araw sa taluctóc ng̃ lang̃it at walang anó mang alapaap na nacacucublí sa maningníng niyang cabilugan; bahagyâ na pinagágalaw ng̃ hang̃in ang dáhon ng̃ mg̃a cahoy; hálos tuyô na ang mg̃a daan; waláng mang̃ahas cahi't isang ibon man lamang na iwan ang lilim ng̃ mg̃a sang̃á.

Sa cawacasa'y dumating din si Sisa sa canyang maliit na bahay. Pumásoc siyá roong pipí, hindî umiimic, nilibot ang cabahayan, umalís, nagpalacadlacad sa magcabicabila. Tumacbó, pagcatapos sa bahay ni matandang Tasio, tumáwag sa pintuan; ng̃uni't walâ roon ang matandà. Bumalic sa canyáng báhay ang culang palad at nagpasimulâ ng̃ pagtáwag ng̃ pasigáw: ¡Basilio! ¡Crispín! at maya't maya'y humihinto at nakikinig ng̃ mainam. Inuulit ng̃ aling̃ang̃aw ang canyáng voces: ang matimyas na lagaslas ng̃ tubig sa calapit na ílog, ang música ng̃ mg̃a dahon ng̃ mg̃a cawayan; itó ang tang̃ing mg̃a voces ng̃ pag-iisa. Mulíng tumatawag, umaacyá't sa isáng mataas na lúpa, lumulusong sa isang bang̃in, nananaog sa ilog; nagpapalíng̃apling̃ap ang canyáng mg̃a matáng may anyóng mabang̃is; ang mg̃a matá ring iyo'y manacanacang nag-aalab ng̃ mainam, pagcatapos ay nagdídilim, tulad sa lang̃it cung gabíng sumísigwa: masasabing namímisic ang liwanag ng̃ pag-iísip at malapit ng̃ magdilím.

 
¡Nasirà ang isip ni Sisa! ¡Higuít ang calungcutan ng̃ canyang hinibíc-hibíc cay sa capanglaw-panglawang náririnig na mg̃a daíng cung gabíng ng̃itng̃it ng̃ dilím at umaatung̃al ang lacás ng̃ unós!

Mulíng pumanhíc sa canyáng maliit na báhay, naupô sa baníg na caniláng hinig-án ng̃ nagdaang gabí, itinungháy ang mg̃a matá at nakita niyá ang capirasong napunit sa bárò ni Basilio sa dúlo ng̃ isáng cawayan ng̃ dingding, na na sa tabí ng̃ bang̃in. Nagtinding, kinuha ang pilas na damit na iyon at pinagmasdan sa ínit ng̃ áraw: may mg̃a bahid, na dugò.

Datapwa't marahil hindî nakita ni Sisa ang gayong mg̃a bahid, sa pagca't nanaog at ipinagpatuloy ang pagsisiyasat sa pílas, sa guitnâ ng̃ nacasusunog na ínit ng̃ araw, na canyáng itinataas, at sa pagca't tila mandin ang ting̃in niya'y madilím na lahát, tinitigan niyá ng̃ paharap ang araw ng̃ dilát na dilát.

Nagpatúloy rin siya ng̃ pagpapalacadlacad sa magcabicabilá, na sumísigaw ó umaatung̃al ng̃ cacaibang tunóg; marahil siya'y catatacutan cung sa canya'y may macarinig; may isáng tínig ang canyáng voces na hindî caraniwang manggaling sa lalamunan ng̃ táo. Sa boong gabí, pagca umaatung̃al ang unós, at lumilipad ang hang̃in ng̃ calaguimlaguim na catulinan, at ipinagtatabuyan ng̃ canyáng hindî nakikitang mg̃a pacpac ang isáng hucbóng mg̃a aninong sa canyá'y humahagad, cung sacali't cayo'y na sa isáng báhay na guibâ at nag-íisa, at nacacarinig cayó ng̃ mg̃a cacaibang daing, mg̃a cacaibang buntóng-hining̃áng ipinalálagay ninyóng yaó'y ang hilahis ng̃ hihip ng̃ hang̃in sa pagtámà sa matataas na mg̃a torre ó siráng mg̃a pader, datapuwa't sa inyó'y pumupuspos ng̃ tacot at sa inyó'y nagpapakilabot na hindî ninyó mapiguilan; talastasin ng̃â ninyóng higuit ang lungcót ng̃ tínig ng̃ ináng iyón, cay sa hindî mapaglírip na mg̃a hibíc sa mg̃a gabíng madilím pagcâ umaatung̃al ang unós.

Sa gayóng calagaya'y inábot si Sisa ng̃ gabí. Pinagcalooban siyá marahil ng̃ Láng̃it ng̃ iláng horas na pagcacatulog, at samantalang siya'y nahihimbing, hinilahihisan ng̃ pacpác ng̃ isang ángel ang namumutlâ niyáng mukhâ, upang macatcát sa canyá ang alaala, na waláng ibáng tinátaglay cung dî pawang capighatîan; marahil hindî cásiyang macáya ng̃ mahinang lacás ng̃ táo ang gayóng caraming mg̃a pagcacasákit, caya't ng̃ magcágayo'y na mag-itan marahil ang Inang-Talagá ng̃ Dios na tagláy ang canyang matimyás na pangpagaang ng̃ hírap, ang pagcalimot; datapuwat sa papaano man, ang catotohana'y ng̃ kinabucasan, si Sisa'y nagpapalacádlácad na nacang̃itî, nag-aawit ó cung hindî nakikipag-usap sa lahát ng̃ mg̃a may búhay na kinapál.

Iba pang pamagat

  • Kasaysayan ng Isang Ina
  • Ang Kasaysayan ng Isang Ina