Noli Me Tangere/Kabanata 12
←Kabanata 11: Mga Hari-Harian ←Paliwanag |
Kabanata 12: Todos Los Santos (Araw Ng Mga Patay) Paliwanag |
Kabanata 13: Mga Banta ng Unos→ Paliwanag→ |
Teksto
Todos Los Santos (Araw Ng Mga Patay) |
Ang Lahat Nang Manga Santo [o 1] Marahil ang bugtóng na bagay na hindî matututulang ikinatatang̃ì ng̃ táo sa mg̃a háyop ay ang paggalang na iniháhandog sa mg̃a namamatay. Sinásaysay ng̃ mg̃a historiador[o 2] na sinasamba at dinídios nilá ang caniláng mg̃a núnò at magugulang; ng̃ayó'y tumbalíc ang nangyayari: ang mg̃a patáy ang nagcacailang̃ang mamintuhô sa mg̃a buháy. Sinasabi rin namáng iniing̃atan ng̃ mg̃a taga Nueva Guinea sa mg̃a caja ang mg̃a but-ó ng̃ caniláng mg̃a patáy at nakikipagsalitaan sa canilá; sa pinacamarami sa mg̃a bayan ng̃ Asia, Africa at América'y hinahayinan ang caniláng mg̃a patáy ng̃ lalong masasaráp niláng mg̃a pagcain, ó ang mg̃a pagcaing minámasarap ng̃ mg̃a patáy ng̃ panahóng silá'y nabubuhay, at nang̃agpípiguing at inaacalà niláng dumádalo sa mg̃a piguíng na itó ang mg̃a patáy. Ipinagtátayô ng̃ mg̃a taga Egipto ng̃ mg̃a palacio ang mg̃a patáy, ang mg̃a musulmán nama'y ipinagpápagawâ, silá ng̃ maliliit na mg̃a capilla, at ibá pa; datapowa't ang bayang maestro sa bagay na itó, at siyáng lalong magalíng ang pagcakilala sa púsò ng̃ tao'y ang bayan ng̃ Dahomey[o 3]. Natátalastas ng̃ mg̃a maiitím na itó, na ang táo'y mapanghigantí, at sa pagca't gayó'y sinasabi niláng upang mabigyang catowâan ang namatáy, walâ ng̃ lalong magalíng cung dî ang patayín sa ibabaw ng̃ pinaglibing̃an sa canyá ang lahát ng̃ canyáng mg̃a caaway; at sa pagcá't ang táo'y malulugdíng macaalam ng̃ mg̃a bagay-bagay, sa taón-tao'y pinadadalhán siyá ng̃ isáng "correo" sa pamamag-itan ng̃ linapláp na balát ng̃ isáng alipin. Tayo'y náiiba sa lahát ng̃ iyán. Bagá man sa nababasa sa mg̃a sulat na nauukit sa mg̃a pinaglibing̃an, halos walâ sino mang naniniwalang nagpapahing̃alay ang mg̃a patáy, at lalò ng̃ hindî pinaniniwalâang sumasapayápà. Ang lalong pinacamagalíng mag-ísip ay nang̃ag-aacalang sinásanag pa ang caniláng mg̃a núnò sa túhod sa Purgatorio, at cung di siyá mápacasamâ (mapasainfierno bagá), masasamahan pa niyá, silá roon sa mahábang panahón. At ang sino mang ibig tumutol sa amin, dalawin niyá ang mg̃a simbahan at ang mg̃a libing̃an sa boong maghapong itó, magmasíd at makikita. Datapowa't yamang tayo'y na sa bayan ng̃ San Diego, dalawin natin ang libing̃an dito. Sa dacong calunuran, sa guitnâ ng̃ mg̃a palaya'y nároroon, hindî ang ciudad, cung dî ang nayon ng̃ mg̃a patáy: ang daan ng̃ pagparoo'y isáng makitid na landás, maalabóc cung panahóng tag-ínit, at mapamámangcàan cung panahóng tag-ulán. Isáng pintûang cahoy, at isáng bácod na ang calahati'y bató at ang calahati'y cawayan ang tila mandin siyáng ikináhihiwalay ng̃ libing̃ang iyón sa bayan ng̃ mg̃a buháy; datapowa't hindî nahihiwalay sa mg̃a cambíng ng̃ cura, at sa iláng baboy ng̃ mg̃a calapít báhay, na pumapasoc at lumálabas doon upang mang̃agsiyasat sa mg̃a libing̃an ó mang̃agcatowâ sa gayóng pag-iisá. Sa guitnâ ng̃ malúang na bacurang iyón may nacatayóng isáng malaking cruz na cahoy na natitiric sa patung̃ang bató. Inihapay ng̃ unós ang canyáng INRI na hoja de lata, at kinatcát ng̃ ulán ang mg̃a letra. Sa paanan ng̃ cruz, túlad sa túnay na Gólgota[o 4], samasamang nábubunton ang mg̃a bung̃ô ng̃ úlo at mg̃a but-ó, na ang waláng malasakit na maglilíbing ay itinatapon doon ang canyáng mg̃a nahuhucay sa mg̃a libing̃an. Diyá'y mang̃aghíhintay silá, ang lalong malapit mangyari, hindî ng̃ pagcabúhay na mag-ulî ng̃ mg̃a patáy, cung dî ang pagdatíng doon ng̃ mg̃a háyop at ng̃ silá'y painitin ng̃ caniláng mg̃a tubíg at linisin ang caniláng malalamig na mg̃a cahubdán.—Námamasdan sa paliguidliguid ang mg̃a bagong hûcay: sa dáco rito'y hupyác ang lúpà, sa dáco roo'y anyóng bundúc-bunducan namán. Sumísibol doo't lumálagô ng̃ máinam ang tarambulo't pandacákì; ang tarumbulo'y ng̃ tundûin ang mg̃a bintî ng̃ canyáng matitiníc na mg̃a búng̃a, at ng̃ dagdág namán ng̃ pandacakì ang canyáng amóy sa amóy ng̃ libing̃an, sacali't itó'y waláng casucatáng amoy. Gayón ma'y nasasabúgan ang lúpà ng̃ iláng maliit na mg̃a bulaclac, na gaya rin namán ng̃ mg̃a bung̃óng iyóng ang Lumikhâ lamang sa canilá ang nacacakilala na: ang ng̃itî ng̃ mg̃a bulaclác na iyó'y maputlâ at ang halimúyac nilá'y ang halimúyac ng̃ mg̃a baunan. Ang damó at ang mg̃a gumagapang na damó'y tumátakip sa mg̃a súloc, umuucyabit sa mg̃a pader at sa mg̃a "nicho"[o 5], na anó pa't dináramtan at pinagáganda ang hubád na capang̃ítan; cung minsa'y pumapasoc sa mg̃a gahác na gawà ng̃ mg̃a lindól, at inililihim sa mg̃a nanonood ang mg̃a cagalanggalang na mg̃a libing̃ang waláng lamán. Sa horas ng̃ pagpasoc namin ay binúgaw ang mg̃a hayop; ang mang̃isang̃isang baboy lamang, hayop na mahirap papaniwalâin, ang siyáng sumisilip ng̃ canyáng maliliit na mg̃a matá, isinusung̃aw ang úlo sa isáng malakíng gúang ng̃ bacod, itinataás ang ng̃usò sa háng̃in at wari'y sinasabi sa isáng babaeng nagdárasal: —Howág mo namáng cacanin lahát, tirhán mo acó nang cauntî, ¿ha? May dalawáng lalaking humuhucay ng̃ isáng baunan sa malapit sa pader na nagbabalang gumúhò: ang isá, na siyáng maglilíbing ay waláng cabahábahálà; iniwawacsi ang mg̃a gulogód at ang mg̃a butó, na gaya na pag-aabsáng ng̃ isáng maghahalamán ng̃ mg̃a bató at mg̃a sang̃áng tuyô; ang isá'y nang̃áng̃aning̃aní, nagpapawis, humíhitit at lumúlurâ mayá't mayâ. —¡Pakinggán mo!—anang humíhitit, sa wícang tagalog.—¿Hindî cayâ magalíng na catá'y humúcay sa ibang lugar? Ito'y bagóng bágo. —Pawang bágo ang lahát ng̃ libíng. —Hindî na acó macatagál. Ang but-óng iyáng iyóng pinutol ay dumúrugò pa ... ¡hm! ¿at ang mg̃a buhóc na iyán? —¡Nacú, napacamaselang ca naman!—ang ipinagwícà sa canyá ng̃ isá—¡Ang icaw ma'y escribiente sa Tribunal! Cung humúcay ca sanang gáya co ng̃ isáng bangcáy na dadalawampong araw pa, sa gabí, ng̃itng̃it ng̃ dilím, umúulan ... namatáy ang farol cong dalá.... Kinilabutan ang casama. —Naalís ang pagcapacò ng̃ cabaong, umaaling̃ásaw ... at mapilitan cang pasanín mo ang cabaong na iyón, at umúulan at camíng dalawá'y cápuwà basâ at.... —¡Kjr!....At ¿bákit mo hinúcay?...! Tiningnan siyá ng̃ maglilíbing ng̃ boong pagtatacá. —¿Bákit?...¿nalalaman co bâ? ¡Ipinag-útos sa áking hucáyin co! —¿Sino ang nag-útos sa iyó? Napaurong ng̃ cauntî ang maglilíbing at pinagmasdán ang canyáng casama, mulâ sa páa hangáng úlo. —¡Abá! ¡tila ca namán castilà! ang mg̃a tanóng díng iyán ang siyáng guinawâ sa akin pagcatapos ng̃ isáng castilà, datapuwa't sa lihim. Ng̃ayó'y sásagutín catá, ng̃ gaya ng̃ pagcásagot co sa castilà: ipinag-útos sa akin ng̃ curang malakí. —¡Ah! at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcáy pagcatápos?—ang ipinagpatúloy na pagtatanóng ng̃ maselang. —¡Diablo! cung dî co lamang icáw nakikilala at natatalastas cung icáw ay "lalaki", sasabihin cung icáw ay túnay ng̃ang castilang civil: cung magtanóng ca'y túlad din sa canyá. Gayón ...ipinag-utos sa akin ng̃ curang malakíng siyá'y ilibíng co sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc, ng̃uni't sa pagcá't totoong mabigát ang cabaong at maláyò ang libing̃an ng̃ mg̃a insíc.... —¡Ayaw! ¡ayaw! ¡ayaw co ng̃ humúcay!—ang isinalabat ng̃ causap na lipós ng̃ pang̃ing̃ilabot, na binitiwan ang pála at umahon sa húcay;—akíng nábaac ang bá-o ng̃ isáng úlo at nang̃ang̃anib acóng bacâ hindî acó patuluguín sa gabíng itó. Humalakhác ang maglilíbing ng̃ canyáng makitang samantalang umaalis ay nagcucruz. Unti-unting napúpunô ang libing̃an ng̃ mg̃a lalaki't mg̃a babáeng páwang nang̃acalucsâ. Ang ibá'y nang̃agháhanap na maluat ng̃ baunan; silá-silá'y nang̃agtatatalo, at sa pagca't hindî mandín silá mang̃agcasundò, silá'y nang̃aghíhiwalay at bawa't isá'y lumúluhod cung saán lalong minamagaling niyá,; ang mg̃a ibá, na may mg̃a "nicho" ang caniláng mg̃a camag-anac, nang̃agsísindi ng̃ malalakíng candilà at nang̃agdárasal ng̃ taimtím; naririnig din namán ang mg̃a buntóng hining̃á at mg̃a hagulhól, na pinacalalabis ó pinipiguil. Naríring̃ig na ang aling̃awng̃aw ng̃ "orápreo, orápresis" at "requiemeternams." Násoc na nacapugay ang isáng matandáng lalaki. Marami ang nang̃agtawá pagcakita sa canyá, ikinunót ang mg̃a kílay ng̃ iláng mg̃a babae. Tila mandín hindî pinúpuna ng̃ matandáng lalaki ang gayóng mg̃a ipinakikita sa canyá, sa pagcá't napatung̃o siyá sa buntón ng̃ mg̃a bung̃ô ng̃ úlo, lumuhód at may hinanap sa loob ng̃ iláng sandalî sa mg̃a but-ó; pagcatapos ay maing̃at na inisaisáng ibinucód ang mg̃a bung̃ô ng̃ úlo, at sa pagca't hindî mandín makita niyá ang canyáng hinahanap, umilíng, lumíng̃ap sa magcabicabilà at nagtanóng sa maglilíbing. —¡Oy!—ang sinabi sa canyá. Tumungháy ang maglilíbing. —¿Nalalaman mo bâ cung saan naroon ang isáng magandáng bungô ng̃ úlo, maputíng tulad sa lamán ng̃ niyóg, waláng caculangculang ang mg̃a ng̃ípin, na inalagáy co sa paanán ng̃ cruz, sa ilalim ng̃ mg̃a dahong iyón? Ikinibít ng̃ maglilibing ang canyáng mg̃a balícat. —¡Masdán mo!—ang idinugtóng ng̃ matandâ, at ipinakita sa canyá, ang isáng pílac na salapî,—walâ aco cung hindî itó, ng̃uni't ibíbigay co sa iyó cung makita mo ang bung̃óng iyón. Pinapagdilidili siyá, ng̃ ningníng ng̃ salapî, tinanáw ang buntunan ng̃ mg̃a, butó, at nagsalitâ: —¿Walâ bâ roon? Cung gayó'y hindî co nalalaman. Ng̃uni't cung ibig ninyó'y bíbigyan co pô cayó ng̃ ibá. —¡Catulad ca ng̃ baunang iyóng hinuhucay!—ang winíca sa canyá ng̃ matandáng lalaking nang̃íng̃inig ang voces;—hindî mo nalalaman ang halagá ng̃ nawawalâ sa iyo. ¿Sino ang ililibing sa húcay na iyán? —¿Nalalaman co bâ cung sino? Isáng patáy ang ilílibing diyan!—ang sagót na nayáyamot ng̃ maglilibing. —¡Tulad sa baunan! ¡tulad sa baunan!—ang inulit ng̃ matandáng lalaking nagtátawa ng̃ malungcot;—hindî mo nalalaman ang iyong hinuhucay at ang iyong nilalamon! ¡Húcay! ¡húcay! Samantala'y natapos ng̃ maglilíbing ang canyáng gawâ; dalawáng nacatimbóng lupang basâ at mapulápulá ang na sa magcabilang tabí ng̃ húcay. Cumúha sa canyáng salacót ng̃ hichó, ng̃umang̃à at pinagmasídmasíd na may anyóng tang̃á ang mg̃a nangyayari sa canyáng paliguid. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Talababaan
|
|