Noli Me Tangere/Kabanata 4
←Kabanata 3: Ang Hapunan ←Paliwanag |
Kabanata 4: Erehe at Filibustero Paliwanag |
Kabanata 5: Isang Bituin sa Gabing Madilim→ Paliwanag→ |
Teksto
Erehe at Filibustero |
Hereje at Filibustero Nag-aalinlang̃an si Ibarra. Ang hang̃in sa gabí, na sa mg̃a buwáng iyó'y caraniwang may calamigán na sa Maynilà, ang siyáng tila mandín pumawì sa canyáng noo ng̃ manipís na úlap na doo'y nagpadilím: nagpugay at huming̃á. Nagdaraan ang mg̃a cocheng tila mg̃a kidlá't, mg̃a calesang páupahang ang lacad ay naghíhing̃alô, mg̃a naglálacad na tagá ibá't ibáng nación. Tagláy iyáng paglacad na hindî nang̃agcacawang̃is ang hacbáng, na siyáng nagpapakilala sa natitilihan ó sa waláng mágawà, tinung̃o ng̃ binatà ang dacong plaza ng̃ Binundóc, na nagpapaling̃ap-ling̃ap sa magcabicabilà na wari'y ibig niyáng cumilala ng̃ anó man. Yao'y ang mg̃a dating daan at mg̃a dating báhay na may mg̃a pintáng putî at azul at mg̃a pader na pinintahán ng̃ putî ó cung dilî caya'y mg̃a anyóng ibig tularan ang batóng "granito" ay masamâ ang pagcacáhuwad; nananatili sa campanario ng̃ simbahan ang canyáng relós na may carátulang cupás na; iyón ding mg̃a tindahan ng̃ insíc na iyóng may marurumíng tabing na násasampay sa mg̃a varillang bacal, na pinagbalibalicucô niyá isáng gabí ang isá sa mg̃a varillang iyón, sa pakikitulad niyá sa masasama ang pagcaturong mg̃a bátà sa Maynilà: sino ma'y waláng nagtowíd niyón. —¡Marahan ang lacad!—ang ibinulóng, at nagtulóy siyá sa daang Sacristía. Ang mg̃a nagbíbili ng̃ sorbete ay nananatili sa pagsigáw ng̃: ¡Sorbeteee! mg̃a huepe rin ang siyáng pang-ilaw ng̃ mg̃a dating nang̃agtítindang insíc at ng̃ mg̃a babaeng nagbíbili ng̃ mg̃a cacanin at mg̃a bung̃ang cahoy. —¡Cahang̃ahang̃à!—ang sinabi niyá—¡itó rin ang insíc na may pitóng taón na, at ang matandáng babae'y ... siyá rin! Masasabing nanaguinip acó ng̃ gabíng itó sa pitóng taóng pagca pa sa Europa!.. at ¡Santo Dios! nananatili rin ang masamang pagcálagay ng̃ bató, na gaya rin ng̃ aking iwan! At naroroon pa ng̃a't nacahiwalay ang bató sa "acera" ng̃ linílicuan ng̃ daang San Jacinto at daang Sacristía. Samantalang pinanonood niyá ang catacatacáng pananatiling itó ng̃ mg̃a báhay at ibá pa sa báyan ng̃ waláng capanatilihán, marahang dumapò sa canyáng balicat ang isáng camáy; tumungháy siyá'y canyáng nakita ang matandáng Teniente na minámasdang siyáng halos nacang̃itî: hindî na tagláy ng̃ militar yaóng mabalasic niyáng pagmumukhâ, at walâ na sa canyá yaóng mg̃a kilay na totoong canyáng ikinatatang̃ì sa ibá. —¡Bagongtao, magpacaing̃at cayó! ¡Mag-aral pô cayó sa inyóng amá—ang sinabi niyá. —Ipatawad pô ninyó; ng̃uni't sa acalà co'y inyóng pinacamahál ang aking amá; ¿maaarì pô bang sabihin ninyó sa akin cung ano ang canyáng kináhinatnan?—ang tanóng ni Ibarra na siyá'y minámasdan. —¿Bakit? ¿hindî pô bâ ninyó nalalaman?—ang tanóng ng̃ militar. —Itinanóng co cay Capitáng Tiago ay sumagót sa aking hindî niyá sasabihin cung dî búcas na. ¿Nalalaman po bâ ninyó, sacalì? —¡Mangyari bagá, na gaya rin namán ng̃ lahát! ¡Namatáy sa bilangguan! Umudlót ng̃ isáng hacbáng ang binatà at tinitigan ang Teniente. —¿Sa bilangguan? ¿sinong namatáy sa bilangguan?—ang itinatanóng. —¡Abá, ang inyó pong amá, na nábibilanggô!—ang sagót ng̃ militar na may cauntíng pangguiguilalás. —Ang aking amá ... sa bilangguan ... ¿napipiít sa bilangguan? ¿Anó pô ang wicà ninyó? ¿Nakilala pô bâ ninyó ang aking amá? ¿Cayó pô ba'y ...? ang itinanóng ng̃ binatà at hinawacan sa brazo ang militar. —Sa acalà co'y hindî acó námamalî; si Don Rafael Ibarra. —¡Siyá ng̃a, Don Rafael Ibarra!—ang marahang ùlit ng̃ binatà. —¡Ang boong ísip co'y inyó pong nalalaman na!—ang ibinulóng ng̃ militar, na puspós ng̃ habág ang anyô ng̃ pagsasalitâ, sa canyáng pagcahiwatig sa nangyayari sa cálolowa ni Ibarra; ang acalà co'y inyóng ...; ng̃uni't tapang̃an ninyó ang inyóng loob! ¡dito'y hindî mangyayaring magtamóng capurihán cung hindî nabibilanggô! —¡Dapat cong acaláing hindî pô cayó nagbíbirô sa akin—ang mulîng sinabi ni Ibarra ng̃ macaraan ang iláng sandalíng hindî siyá umíimic! ¿Masasabi pô bâ ninyó sa akin cung bakit siyá'y nasasabilangguan? Nag-anyóng nag-iisip-isip ang militar. —Ang aking ipinagtátacang totoo'y cung bakit hindî ipinagbigay alam sa inyó ang nangyayari sa inyóng familia. —Sinasabi sa akin sa canyáng hulíng sulat, na may isáng taón na ng̃ayón, na huwág daw acóng maliligalig cung dî niya acó sinusulatan, sa pagcá't marahil ay totoong marami siyang pinakikialamán; ipinagtatagubilin sa aking magpatuloy acó ng̃ pag-aaral ... at ¡benebendicìonan acó! —Cung gayó'y guinawâ niyá ang sulat na iyán sa inyó, bago mamatay; hindî malalao't mag-íisang taón ng̃ siyá'y aming inilibíng sa inyóng bayan. —¿Anóng dadahilana't nábibilanggô ang aking amá? —Sa cadahilanang totoong nacapagbíbigay puri. Ng̃uni't sumama pô cayó sa aki't acó'y paroroon sa cuartel; sasabihin có hang̃gáng tayo'y lumalacad. Cumapit pô cayó sa aking brazo. Hindî nang̃ag-imican sa loob ng̃ sandalî; may anyóng nagdidilidili ang matandâ at wari'y hiníhing̃i sa canyáng "perilla,"[o 1] na hinihimashimas, na magpaalaala sa canyá. —Cawang̃is ng̃ lubós pô ninyóng pagcatalastás—ang ipinasimulâ ng̃ pagsasalitâ—ang amá pô ninyó'y siyáng pang̃ulo ng̃ yaman sa boong lalawigan, at bagá man iniibig siyá't iguinagalang ng̃ marami, ang mg̃a ibá'y pinagtatamnan namán siyá ng̃ masamáng loob, ó kinaíinguitán. Sa casaliwàang palad, camíng mg̃a castilang naparito sa Filipinas ay hindî namin inuugalì ang marapat naming ugalíin: sinasabi co itó, dahil sa isá sa inyóng mg̃a nunong lalaki at gayón din sa caaway ng̃ inyóng amá. Ang waláng licát na paghahalihalilí, ang capang̃itan ng̃ asal ng̃ mg̃a matataas na púnò, ang mg̃a pagtatangkilic sa di marapat, ang camurahan at ang caiclîan ng̃ paglalacbay-bayan, ang siyáng may sála ng̃ lahát; pumaparito ang lalong masasamâ sa Península, at cung may isáng mabaít na máparito, hindî nalalao't pagdaca'y pinasásamâ ng̃ mg̃a tagarito rin. At inyóng talastasíng maraming totoong caaway ang inyóng amá sa mg̃a cura at sa mg̃a castílà. Dito'y sandalíng humintô siyá. —Ng̃ macaraan ang iláng buwán, búhat ng̃ cayó po'y umalís, nagpasimulâ na ang samàan ng̃ loob nilá ni párì Dámaso, na dî co masabi ang tunay na cadahilanan. Biníbigyang casalanan siyá ni párì Dámasong hindî raw siyá nagcucumpisal: ng̃ una'y dating hindî siyá nang̃ung̃umpisal, gayón ma'y magcaìbigan siláng matalic, na marahil natatandaan pa pô ninyó. Bucód sa rito'y totoong dalisay ang capurihán ni Don Rafael, at higuít ang canyáng pagcabanál sa maraming nang̃agcucumpisal at nang̃agpapacumpisal: may tinútunton siyá sa canyáng sariling isáng cahigpithigpitang pagsunód sa atas ng̃ magandáng asal, at madalás sabihin sa akin, pagca násasalitâ niyá ang mg̃a sámàang itó ng̃ loob: "Guinoong Guevara, ¿sinasampalatayanan po bâ ninyóng pinatatawad ng̃ Dios ang isáng mabigát na casalanan, ang isáng cusang pagpatáy sa cápuwâ táo, sa halimbáwà, pagcâ, nasabi na sa isáng sacerdote; na táo rin namáng may catungculang maglihim ng̃ sa canyá'y sinasaysay, at matacot másanag sa infierno, na siyáng tinatawag na pagsisising "atricion"? ¿Bucod sa duwag ay waláng hiyáng pumapanatag? Ibá ang aking sapantahà tungcól sa Dios—ang sinasabi niyá—sa ganáng akin ay hindî nasasawatâ ang isáng casam-an ng̃ casam-an din, at hindî ipinatatawad sa pamamag-itan ng̃ mg̃a waláng cabuluháng pag-iyác at ng̃ mg̃a paglilimós sa Iglesia." At inilálagáy niyá sa akin ang ganitóng halimbáwà:—"Cung aking pinatáy ang isáng amá ng̃ familia, cung dahil sa catampalasanan co'y nabao't nálugamì sa capighatìan ang isáng babae, at ang mg̃a masasayáng musmós ay naguíng mg̃a dukháng ulila, ¿mababayaran co cayâ ang waláng hanggang Catowiran, cung aco'y cusang pabitay, ipagcatiwalà co ang líhim sa isáng mag-iing̃at na howag máhayag, maglimós sa mg̃a cura na siyáng hindî tunay na nang̃agcacailang̃an, bumilí ng̃ "bula de composición," ó tumang̃istang̃is sa gabí at araw? ¿At ang bao at ang mg̃a ulila? Sinasabi sa akin ng̃ aking "conciencia"[o 2] na sa loob ng̃ cáya'y dapat acóng humalili sa táong aking pinatáy, ihandóg co ang aking boong lacás at hanggáng aco'y nabubuhay, sa icágagalíng ng̃ familiang itóng acó ang may gawâ ng̃ pagcapahamac, at gayón man, ¿sino ang macapagbibigay ng̃ capalít ng̃ pagsintá ng̃ amá?"—Ganyán ang pang̃ang̃atuwiran ng̃ inyó pong amá, at ang anó mang guinagawa'y isinasangayong láguì sa mahigpit na palatuntunang itó ng̃ wagás na caasalán, at masasabing cailán ma'y hindî nagbigáy pighatî canino man; baligtád, pinagsisicapan niyáng pawîin, sa pamamag-itan ng̃ magagandáng gawâ, ang mg̃a tang̃ing casawìan sa catuwirang, ayon sa canyá'y guinawâ raw ng̃ canyáng mg̃a nunò. Datapuwa't ipanumbalic natin sa canyáng samaan ng̃ loob sa cura, ang mg̃a pagcacaalit na ito'y lumúlubhà; binábangguit siyá ni párì Dámaso buhat sa púlpito, at cung dî tinutucoy siyá ng̃ boong liwanag ay isáng himalâ, sa pagca't sa caugalian ng̃ paring iyá'y mahihintay ang lahát. Nakikinikinita co nang masamâ ang cahahangganan ng̃ bagay na itó. Muling humìntóng sandali ang matandáng Teniente. —Naglílibot ng̃ panahón iyón ang isáng naguíng sundalo sa artillería, na pinaalís sa hucbó dahil sa malabis na cagaspang̃án ng̃ canyáng ásal at dahil sa camangmang̃ang labis. Sa pagca't kinacailang̃an niyáng mabuhay, at hindi pahintulot sa canyá ang magtrabajo ng̃ mabigát na macasisirà ng̃ aming capurihan[o 3], nagtamó siyá, hindî co alám cung sino ang sa canyá'y nagbigáy, ng̃ catungculang pagca manining̃il ng̃ buwís ng̃ mg̃a carruaje, calesa at ibá pang sasacyán. Hindî tumanggáp ang abâ ng̃ anó mang túrò, at pagdaca'y napagkilala ng̃ mg̃a "indio" ang bagay na itó: sa ganang canilá'y totoong cahimahimalâ, na ang isang castilà'y hindî marunong bumasa't sumulat. Pinaglilibacan ang culang palad, na pinagbabayaran ng̃ cahihiyan ang násising̃il na buwís, at nalalaman niyáng siyá ang hantung̃an ng̃ libác, at ang bagay na itó'y lalong nacáraragdag ng̃ dating masamâ at magaspáng niyang caugalîan. Sadyang ibinibigay sa canyá ang mg̃a sulat ng̃ patumbalíc; nagpapaconwarî siya namáng canyang binabasa, at bago siyá pumifirma cung sáan nakikita niyang waláng sulat, na ang parang kinahig ng̃ manóc na canyáng mg̃a letra'y siyáng larawang tunay ng̃ canyáng cataohan; linálang̃ap niyá ang masasacláp na cairing̃ang iyón, ng̃uni't nacacasing̃il siyá, at sa ganitóng calagayan ng̃ canyang loob ay hindi siyá gumagalang canino man, at sa inyóng ama'y nakipagsagutan ng̃ lubhang mabibigat na mg̃a salitâ. Nangyari isáng araw, na samantalang pinagpipihitpihit niyá ang isáng papel na ibinigáy sa canyá sa isáng tindahan, at ibig niyáng málagay sa tuwíd, nagpasimuláng kinawayán ang canyáng mg̃a casamahan ng̃ isáng batang nanasoc sa escuela, magtawá at itúro siya ng̃ dalirì. Nariring̃ig ng̃ táong iyón ang mg̃a tawanan, at nakikita niyáng nagsásaya ang libác sa mg̃a dî makikibuing mukhâ ng̃ nang̃aroroon; naubos ang canyang pagtitiis, bigláng pumihit at pinasimulâang hinagad ang mg̃a batang nang̃agtacbuhan, at sumísigaw ng̃ "ba," "be," "bi," "bo," "bu." Pinagdimlán ng̃ galit, at sa pagca't hindî siya mang-abot, sa canilá'y inihalibas ang canyáng bastón, tinamaan ang isá sa úlo at nábulagtâ; ng̃ magcagayo'y hinandulong ang nasusubasob at pinagtatadyacán, at alín man sa nang̃agsisipanood na nanglilibac ay hindî nagcaroon ng̃ tapang na mamag-itan. Sa casamaang palad ay nagdaraan doon ang inyóng amá. Napoot sa nangyari, tinacbó ang manining̃il na castilà, hinawacan siyá sa brazo at pinagwicaan siyá ng̃ mabibigát. Ang castilàng marahil ang ting̃ín sa lahát ay mapulá na, ibinuhat ang camáy, ng̃uni't hindî siyá binigyang panahón ng̃ inyong amá, at tagláy iyáng lacás na nagcácanulô ng̃ pagca siyá'y apó ng̃ mg̃a vascongado ... anáng ibá'y sinuntóc daw, anáng ibá namá'y nagcasiyá, na lamang sa pagtutulac sa canyá; datapowa't ang nangyari'y ang tao'y umúgà, napalayô ng̃ iláng hacbáng at natumbáng tumamà, ang úlo sa bató. Matiwasay na ibinang̃on ni Don Rafael ang batang may sugat at canyáng dinalá sa tribunal[o 4]. Sumuca ng̃ dugô ang naguing artillerong iyón at hindî na natauhan, at namatáy pagcaraan ng̃ iláng minuto. Nangyari ang caugalìan, nakialám ang justicia, piniit ang inyóng amá, at ng̃ magcagayo'y nang̃agsilitáw ang mg̃a lihim na caaway. Umulán ang mg̃a paratang, isinumbóng na siyá'y filibustero at hereje: ang maguing "hereje" ay isáng casawîang palad sa lahát ng̃ lugar, lalong lalo na ng̃ panahóng iyóng ang "alcalde"[o 5] sa lalawiga'y isáng taong nagpaparang̃alang siyá'y mapamintacasi, na casama ang canyáng mg̃a alílang nagdárasal ng̃ rosario sa simbahan ng̃ malacás na pananalitâ, marahil ng̃ marinig ng̃ lahat at ng̃ makipagdasal sa canya; datapuwa't ang maguíng filibustero ay lalong masamâ cay sa maguíng "hereje," at masamâ pang lalò cay sa pumatáy ng̃ tatlóng mánining̃il ng̃ buwís na marunong bumasa, sumulat at marunong magtang̃îtangì. Pinabayàan siyá ng̃ lahát, sinamsám ang canyáng mg̃a papel at ang canyáng mg̃a libro. Isinumbóng na siyá'y tumátanggap ng̃ "El Correo de Ultramar" at ng̃ mg̃a periódicong gáling sa Madrid; isinumbóng siya, dahil sa pagpapadalá sa inyó sa Suiza alemana; dahil sa siyá'y násamsaman ng̃ mg̃a sulat at ng̃ larawan ng̃ isáng paring binitay, at ibá pang hindî co maalaman. Kinucunan ng̃ maisumbóng ang lahát ng̃ bágay, sampô ng̃ paggamit ng̃ bárong tagalog, gayóng siyá'y nagmulâ sa dugóng castilà[o 6]. Cung naguing ibá sana ang inyóng amá, marahil pagdaca'y nacawalâ, sa pagcá't may isáng málicong nagsaysáy, na ang ikinamatáy ng̃ culang palad na manining̃il ay mulâ sa isáng "congestión"[o 7]; ng̃uni't ang canyáng cayamanan, ang canyáng pananalig sa catuwiran at ang canyáng galit sa lahát ng̃ hindî naaayon sa cautusán ó sa catuwiran ang sa canyáng nang̃agpahamac. Acó man, sacali't malakí ang aking casuclamán sa pagluhog sa paggawâ ng̃ magalíng nino man, humaráp acó sa Capitán General, sa hinalinhan ng̃ ating Capitán General ng̃ayón; ipinaliwanag co sa canyáng hindî mangyayaring maguíng "filibustero" ang tumatangkilik sa lahát ng̃ castilang dukhâ ó naglalacbay rito, na pinatutuloy sa canyáng bahay at pinacacain at ang sa canyáng mg̃a ugát ay tumátacbo pa ang mapagcandiling dugóng castílà; ¡nawaláng cabuluháng isagót co ang aking úlo, at ang manumpâ acó sa aking carukhâan at sa aking capuriháng militar, at walâ acó ng̃ nasunduan cung dî magpakita sa akin ng̃ masamáng pagtanggáp, pagpakitâan acó ng̃ lalong masamâ sa aking pagpapaalam at ang pamagatán acó ng̃ "chiîlado"[o 8]! Humintô ang matandâ ng̃ pananalità upang magpahing̃á, at ng̃ canyáng mahiwatigan ang hindî pag-imíc ng̃ canyáng casama, na pinakikinggan siyá'y hindî siyá tinítinguan, ay nagpatuloy: —Nakialam acó sa usapín sa cahing̃ian ng̃ inyóng amá. Dumulóg acó sa bantóg na abogadong filipino, ang binatang si A—; ng̃uni't tumangguí sa pagsasanggalang.—"Sa akin ay matatalo"—ang wicà sa akin.—Panggagaling̃an ang pagsasanggaláng co ng̃ isáng bagong sumbong na laban sa canyá at marahil ay laban sa akin. Pumaroon pô cayó cay guinoong M—, na masilacbóng manalumpátì, taga España at lubháng kinaaalang-alang̃anan. "Gayón ng̃a ang aking guinawâ, at ang balitang abogado ang nang̃asiwa sa "causa" na ipinagsanggalang ng̃ boong catalinuhan at caningning̃án. Datapwa't marami ang mg̃a caaway, at ang ilá'y mg̃a líhim at hindî napagkikilala. Saganà ang mg̃a sacsíng sabuát, at ang caniláng mg̃a paratang, na sa ibang lugar ay mawawal-ang cabuluhán sa isáng salitang palibác ó patuyâ ng̃ nagsásanggalang, dito'y tumitibay at tumítigas. Cung nasusunduan ng̃ abogadong mawaláng cabuluhán ang caniláng mg̃a bintáng, sa pagpapakilala ng̃ pagcacalabán-lában ng̃ canicanilang saysáy at ng̃ mg̃a saysáy niláng sarili, pagdaca'y lumálabas ang mg̃a ibáng sumbóng. Isinusumbóng niláng nang̃amcám siyá ng̃ maraming lúpà, hining̃án siyáng magbayad ng̃ mg̃a casiráan at mg̃a caluguiháng nangyari; sinabi niláng siya'y nakikipagcaibigan sa mg̃a tulisán, upang pagpitaganan nilá ang kanyáng mg̃a pananím at ang canyáng mg̃a hayop. Sa cawacasa'y nagulóng totoo ang usapíng iyón, na anó pa't ng̃ maguíng isáng taòn na'y waláng nagcacawatasáng sino man. Napilitang iwan ng̃ "alcade"[o 9] ang canyáng catungculan, hinalinhán siyá ng̃ ibang, ayon sa balita'y, masintahin sa catuwiran, ng̃uni't sa casaliwâang palad, ito'y iláng buwán lamang nanatili roon, at ang napahalili sa canyá'y napacalabis naman ang pagca maibiguín sa mabuting cabayo. Ang mg̃a pagtitiis ng̃ hirap, ang mg̃a samâ ng̃ loob, ang mg̃a pagdarálitâ sa bilangguan, ó ang canyáng pagpipighatî ng̃ canyáng mapanood ang gayóng caraming gumaganti ng̃ catampalasanan sa guinawâ niyá sa caniláng mg̃a cagaling̃an, ang siyáng sumirà sa catibayan ng̃ canyáng catawang bacal, at dinapúan siyá, niyáng sakít na ang libing̃an lamang ang nacagagamot. At ng̃ matatapos na ang lahát, ng̃ malapit ng̃ tamuhín niyá, ang cahatuláng siyá'y waláng casalanan, at hindî catotohanang siyá'y caaway ng̃ Bayang España, at di siyá, ang may sala ng̃ pagcamatáy ng̃ mánining̃il, namatáy sa bilanggúang walâ sino man sa canyáng tabí. Dumatíng acó upang mapanood ang pagcalagót ng̃ canyáng hining̃á. Tumiguil ng̃ pananalitâ ang matandâ; hindi nagsalitâ si Ibarra ng̃ anó man. Samantala'y dumatíng silá sa pintúan ng̃ cuartel. Humintô ang militar, iniabót sa canyá ang camáy at nagsabi: —Binatà, ipagtanóng ninyó cay Capitang Tiago ang mg̃a paliwanag. Ng̃ayó'y ¡magandáng gabí pô! Kinacailang̃an cong tingnán cung may nangyayaring anó man. Waláng imìc na hinigpît na mairog ni Ibarra ang payat na camáy ng̃ Teniente, at hindî cumikibo'y sinundán ng̃ canyáng mg̃a matá itó, hanggáng sa dî na mátanaw. Marahang bumalíc at nacakita siyá ng̃ isáng nagdaraang carruaje; kinawayán niya ang cochero: —¡Sa Fonda ni Lala!—ang sinabing bahagyâ na mawatasan. —Marahil nanggaling itó sa calabozo—ang inisip ng̃ cochero sa canyáng sarili, sacá hinaplit ng̃ látigo ang canyáng mg̃a cabayo. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Erehe at Supersibo
- Erehe at Pilibustero
Baybayin
Talababaan
|
|