Tauhan Buod
Nilalaman

Mga buod

baguhin

Ayon sa tagaloglang.com[1]

Si Crisostomo Ibarra ay isang binatang nag-aral nang ilang taon sa Europa. Siya ay mula sa isang prominenteng angkan sa San Diego.

Sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas, hinandugan siya ng isang piging ni Kapitan Tiyago. Kasamang inimbitahan sa salu-salo ang mga prayle na sina Padre Salvi at Padre Damaso.

Matapos ang piging, dinalaw ng binata ang kanyang kasintahang si Maria Clara, na anak-anakan ni Kapitan Tiago. Sinariwa nilang dalawa ang kanilang pagmamahalan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga liham na ipinadala nila sa isa’t-isa noong si Ibarra’y nasa Europa pa.

Habang papauwi sa kanyang tahanan, nagkuwentuhan sina Ibarra at ang matalik na kaibigan ng kanilang pamilya na si Tinyente Gueverra. Ibinahagi ng tinyente ang malagim na sinapit ng kanyang amang si Don Rafael sa kamay ni Padre Damaso.

May plano si Ibarra na magpatayo ng paaralan sa San Diego. Ngunit siya’y napagbintangang nag-organisa ng rebelyon laban sa simbahan at laban sa Espanya.

Tinugis siya ng guwardya sibil, ngunit nailigtas ni Elias, isang rebelde na tumutuligsa sa mga pang-aapi ng mga dayuhan.

Tinangka nilang tumakas palabas ng lawa ng Bay, ngunit naabutan sila ng mga gwardya sibil.

Upang iligaw ang mga tumutugis, tumaboy si Elias sa bangka. Pinagbabaril siya hanggang sa mapuno ng kulay pula ang tubig sa lawa.

Nagtapos ang kwento sa eksena kung saan humimlay si Elias at sinabing hindi na niya masisilayan pa ang bukang liwayway.

Ayon sa pinoycollection.com[2]

Pagkatapos ng pitong taong pag-aaral sa Europa ay bumalik sa Pilipinas ang binatang si Juan Crisostomo Ibarra. Dahil dito’y naghandog ng piging si Kapitan Tiyago kung saan inanyayahan niya ang ilang kilalang tao sa kanilang lugar.

Sa piging ay hinamak ni Padre Damaso si Ibarra ngunit sa halip na patulan ay magalang na lamang itong nagpaalam sa kadahilanang siya ay may mahalaga pang lalakarin.

Si Ibarra ay may magandang kasintahan, siya si Maria Clara na anak-anakan ni Kapitan Tiyago. Dinalaw ni Ibarra ang dalaga kinabukasan pagkatapos ng piging.

Inalala nila ang kanilang pagmamahalan at maging ang mga lumang liham bago pa mag-aral sa Europa si Ibarra ay muling binasa ni Maria Clara.

Sa daan bago umuwi si Ibarra ay inilahad ni Tinyente Guevarra ang sinapit ng ama ng binata na si Don Rafael Ibarra na noon ay isang taon nang namayapa.

Ayon sa Tinyente, pinaratangan ni Padre Damaso si Don Rafael na isang Erehe at Pilibustero dahil hindi umano ito nagsisimba at nangungumpisal. Nangyari ang lahat ng ito matapos ipagtanggol ni Don Rafael ang isang bata sa kamay ng isang kubrador na aksidenteng nabagok ang ulo kaya namatay.

Dahil sa pangyayaring iyon ay nagkaroon ng imbestigasyon habang nakakulong ang Don. Nagsilabas din ang ilan sa mga lihim na kaaway ni Don Rafael at pinaratangan pa ng kung anu-ano.

Labis na naapektuhan ang kanyang ama sa mga pangyayaring iyon kaya naman habang nakakulong, siya ay nagkasakit at iyon ang naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Di pa nakuntento si Padre Damaso at ipinahukay ang labi ni Don Rafael upang ipalipat sa libingan ng mga Instik. Dahil sa malakas na ulan ng panahong iyon, sa halip na mapalipat ay itinapon n lamang ang bangkay sa lawa.

Imbes na maghiganti, ipinagpatuloy ni Ibarra ang nasimulan ng kanyang ama. Nagpatayo siya ng paaralan sa tulong ni Nol Juan.

Noong babasbasan na ang paaralan ay muntikan ng mapatay si Ibarra kung hindi lamang siya nailigtas ni Elias.

Sa halip na si Ibarra ay ang taong binayaran ng lihim na kaaway ng binata ang siyang namatay.

Muling pinasaringan ni Padre Damaso ang binata. Hindi na sana ito papansinin ni Ibarra ngunit ng kanyang ama na ang hinahamak nito ay ‘di siya nakapagpigil at tinangkang sasaksakin ang pari. Napigilan lamang siya ng kasintahang si Maria Clara.

Dahil sa pangyayaring iyon ay itiniwalag ng Arsobispo sa simbahang katoliko si Ibarra. Sinamantala ni Padre Damaso ang pangyayaring iyon at iniutos sa ama-amahan ni Maria Clara na huwag ituloy ang pagpapakasal ng dalaga kay Ibarra. Sa halip ay kay Linares na isang binatang Kastila umano ipakasal ang dalaga.

Dahil sa tulong ng Kapitan Heneral ay napawalang-bisa ang pagka-eskomulgado ni Ibarra at muli siyang tinanggap sa simbahan.

Ngunit, sa di naasahang pagkakataon ay muli siyang hinuli at ikinulong dahil naparatangan siyang nanguna umano sa pagsalakay sa kuwartel.

Habang ginaganap ang handaan sa bahay ni Kapitan Tiyago para sa kasunduang pagpapakasal nina Linares at Maria Clara ay nakatakas si Ibarra sa tulong ng kanyang kaibigan na si Elias.

Bago tuluyang tumakas ay nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap ng lihim sina Ibarra at Maria. Isinumbat niya sa dalaga ang liham na ginamit ng hukuman laban sa kanya ngunit mariin itong itinanggi ni Maria.

Aniya’y inagaw lang umano sa kanya ang liham ng binata kapalit ng liham ng kanyang ina na nagsasabi na si Padre Damaso ang tunay niyang ama.

Dagdag pa ng dalaga, kaya daw umano siya magpapakasal kay Linares ay para sa dangal ng kanyang ina. Ngunit ang pagmamahal niya kay Ibarra ay di magbabago kailanman.

Pagkatapos nito’y tumakas na si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila sa bangka at tinunton ang Ilog Pasig hanggang makarating sa Lawa ng Bay. Pinahiga ni Elias si Ibarra at tinabunan ng damo.

Ngunit naabutan sila ng tumutugis sa kanila. Naisip ni Elias na iligaw ang mga humahabol sa kanila. Pagkaraan ay lumundag siya sa tubig at inakala ng mga humahabol sa kanila na ang lumundag ay si Ibarra. Pinagbabaril si Elias hanggang sa ang tubig ay magkulay dugo.

Nabatid ni Maria Clara ang diumano’y pagkamatay ni Ibarra. Nalungkot siya at nawalan ng pag-asa kaya hiniling niya kay Padre Damaso na ipasok na lang siya sa kumbento dahil kung hindi ay wawakasan na lamang niya ang kanyang buhay.

Natunton ni Elias ang maalamat na gubat ng mga Ibarra. Dito ay nakita niya si Basilio at ang kanyang walang buhay na ina na si Sisa. Noche Buena na noon samantalang si Elias ay sugatan at hinang-hina.

Bago pa siya nalagutan ng hininga ay nasabi niya na kung hindi man daw niya makita ang bukang-liwayway sa sariling bayan, sa mga mapalad, huwag lamang daw limutin nang ganap ang mga nasawi sa dilim ng gabi. Iyon ang huling mga salitang lumabas sa bibig ni Elias.

Talababaan

baguhin
  1. https://www.tagaloglang.com/noli-me-tangere-buod/
    Ito ay naka-lisensya sa ari-ariang pambayan.
  2. https://www.slideshare.net/pinoycollection/noli-me-tangere-buod-ng-buong-kwento
    Ito ay naka-lisensya sa CC BY 4.0.