Kasalukuyan
Sa isang madilim, gubat[1] na mapanglaw, dawag na matinik ay walang pagitan, halos naghihirap ang kay Pebong silang dumalaw sa loob na lubhang masukal.
Malalaking kahoy — ang inihahandog, pawang dalamhati, kahapisa't lungkot; huni pa ng ibon ay nakalulunos sa lalong matimpi't nagsasayang loob.
Tanang mga baging na namimilipit sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik; may bulo ang bunga't nagbibigay-sakit sa kanino pa mang sumagi't malapit.
Ang mga bulaklak ng natayong kahoy, pinakapamuting nag-ungos sa dahon; pawang kulay luksa[2] at nakikiayon sa nakaliliyong masangsang na amoy.
Karamiha'y Sipres at Higerang kutad na ang lihim niyon ay nakakasindak; ito'y walang bunga't daho'y malalapad na nakadidilim sa loob ng gubat.
Ang mga hayop pang dito'y gumagala, karamiha'y S'yerpe't Basilisko'y madla Hayena't Tigreng ganid na nagsisila ng buhay ng tao't daiging kapuwa.
Ito'y gubat manding sa pinto'y malapit ng Avernong Reyno ni Plutong masungit; ang nasasakupang lupa'y dinidilig ng Ilog Kositong kamandag ang tubig.
Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat, may punong Higerang daho'y kulay-pupas; dito nagagapos ang kahabag-habag,[3] isang pinag-usig ng masamang palad.
Baguntaong basal na ang anyo'y tindig, kahit natatali — kamay, paa't liig, kundi si Narsiso'y tunay na Adonis, mukha'y sumisilang sa gitna ng sakit.
Makinis ang balat at anaki burok, pilikmata't kilay — mistulang balantok; bagong sapong ginto ang kulay ng buhok, sangkap ng katawa'y pawang magkaayos.
|
Orihinal
Sa isang madilím gúbat na mapanglao dauag na matinic, ay ualáng pag-itan, halos naghihirap ang cay Febong silang dumalao sa loob na lubhang masucal.
Malalaquing cahoy ang inihahandóg pauang dalamhati, cahapisa,t, lungcót huni pa n͠g ibon, ay nacalulunos sa lalong matimpi,t, nagsasayáng loob.
Tanáng mga baguing, na namimilipit sa sangá ng cahoy, ay balót n͠g tinic may bulo ang bun͠ga,t, nagbibigay sáquit sa cangino pa máng sumagi,t, málapit.
Ang m͠ga bulaclac n͠g nag tayong cahoy pinaca-pamuting nag ungós sa dahon pauang culay lucsa, at naquiqui ayon sa nacaliliong masangsang na amoy.
Caramiha,i, Ciprés at Higuerang cutád, na ang lilim niyaón ay nacasisindác ito,i, ualang bun͠ga,t, daho,i, malalapad, na nacadidilím sa loob ng gubat.
Ang m͠ga hayop pang dito,i, gumagalâ caramiha,i, Sierpe,t, Baselisco,i, mad-la, Hiena,t, Tigreng ganid nanag sisi sila, ng búhay n͠g tauo,t, daiguíng capoua.
Ito,i, gúbat manding sa pinto,i, malapit n͠g Avernong Reino ni Plutong masun͠git ang nasasacupang lupa,i, dinidilig n͠g ilog Cocitong camandag ang túbig.
Sa may guitnâ nito mapanglao na gubat may punong Higuerang daho,i, culay pupás, dito nagagapos ang cahabag habag isang pinag usig n͠g masamang palad.
Bagong tauong basal, na ang anyo,t, tindig cahit natatalì camay, paá,t, liig cundî si Narciso,i, tunay na Adonis muc-ha,i, sumisilang sa guitnâ n͠g sáquit.
Maquinis ang balát at anaqui buroc pilicmata,t, quilay mistulang balantók bagong sapóng guinto ang cúlay n͠g buhóc sangcáp n͠g cataua,i, pauang magca-ayos.
|