Wikang Sebwano/Mga Pandiwa/Pokus

Tulad ng Wikang Filipino, ang wikang Sebwano ay mayroon ring mga pokus, o trigger, ng mga pandiwa. Isa itong napakahalagang aspekto sa kahit anong wika ng Pilipinas sapagkat hindi ito tulad sa kahit anong wika kung saan ang pagbibigay-pansin ay dinadaan sa impit ng boses, haba ng pagkakasabi ng salita, o sa diin. Sa halip, nakakabit na ito sa pandiwa depende sa pagkakalapi nito.

Ano ang Pokus?

baguhin

Ang pokus ng pandiwa ay nagsasaad kung sino o ano ang simuno o paksa ng isang pangungusap. Sa pamamagitan ng paglalapi, maaaring mabago kung sino ang nais nating bigyang-pansin ng mga kausap natin. Halimbawa, ang mga sumusunod na mga pangungusap ay magkapareho ng kahulugan at aspekto ngunit iba ang pokus.

 
Example
Halimbawa:
Nagbigay ako ng papel kay Carlos; Binigay ko ang papel kay Carlos; Binigyan ko si Carlos ng papel


Mapapansin na ang unang pangungusap ay nasa pokus ng tagaganap, ang pangalawa sa layon, at ang huli sa tagatanggap. Nais nating bigyang-pansin na ang mga salitang ako sa una, ang papel sa pangalawa, at si Carlos sa pangatlong pangungusap. Mapapansin na iba't iba ang mga panlaping ginamit sa pandiwang bigay sa tatlong pangungusap na ito.

Pokus ng Tagaganap

baguhin

Ang pandiwa ay nasa pokus ng tagaganap (actor) kung binibigyang-pansin nito ang aktor, o ang gumagawa ng kilos na sinasaad ng pandiwa. Ang mga pangungusap na ito ay sumasagot sa tanong na Sino/ano ang gumawa?.

 
Example
Halimbawa:
Mohatag akog papel kang Maria; Magbibigay ako ng papel kay Maria


Pokus ng Layon

baguhin

Ang pandiwa ay nasa pokus ng layon (object) kung binibigyang-pansin nito ang layon, o ang gagawan ng kilos ng isang aktor na sinasaad ng pandiwa. Ang mga pangungusap na ito ay sumasagot sa tanong na Sino/ano ang pinaggawan?.

 
Example
Halimbawa:
Hatagon nakog papel kang Maria; Ibibigay ko ang papel kay Maria


Pokus ng Tagatanggap/Benepaktibo

baguhin

Ang pandiwa ay nasa pokus ng tagatanggap (benefactive) kung binibigyang-pansin nito ang tagatanggap, o ang tao, bagay, o lugar na 'di tuwirang naaapektuhan ng kilos na sinasaad ng pandiwa. Ang mga pangungusap na ito ay sumasagot sa tanong na Para kanino/saan ito ginawa?.

 
Example
Halimbawa:
Hatagan kog papel si Maria; Bibigyan ko si Carlos ng papel


Pokus ng Tagagamit

baguhin

Ang pandiwa ay nasa pokus ng tagagamit (instrumental) kung binibigyang-pansin nito ang kasangkapan o gamit na ginamit upang magawa ang kilos na sinasaad ng pandiwa. Ang mga pangungusap na ito ay sumasagot sa tanong na Sa pamamagitan nino/ng ano nagawa?.

 
Example
Halimbawa:
Gipadala ko sa post office ang sulat ni Maria; Napadala ko sa post office ang sulat ni Maria