Noli Me Tangere/Kabanata 62
←Kabanata 61: Pagtakas Hanggang Lawa ←Paliwanag |
Kabanata 62: Nagpaliwanag si Padre Damaso Paliwanag |
Kabanata 63: Nochebuena→ Paliwanag→ |
Teksto
Nagpaliwanag si Padre Damaso |
Pagpapaliwanag ni Pari Damaso Naguíng waláng cabuluháng mátimbon sa ibabaw ng̃ isáng mesa ang mg̃a mahahalagáng handóg sa pagcacasál; cahi't ang mg̃a brillante na nasa caniláng mg̃a estuche na terciopelong azul, ang mg̃a bordado mang pinyá, ang mg̃a pieza man ng̃ sutlâ ay hindi nacaaakit sa mg̃a paning̃ín ni María Clara. Tinítingnan ng̃ dalaga, na hindi nakikita at hindi binabasa ang pamahayagang nagbabalità ng̃ pagcamatáy ni Ibarra, na nalunod sa dagátan. Caguinsagunsa'y naramdaman niyáng dumarapo sa ibabaw ng̃ canyáng mg̃a matá ang dalawáng camay, tinátang̃nan siyá at isáng masayáng tínig, ang cay parì Dámaso, ang sa canya'y nagsásalitâ: —¿Síno acó? ¿síno acó? Lumucsó si María Clara sa canyáng upuan at pinagmasdán siyáng may malakíng tácot. —Tang̃aria, ¿natácot ca ba, há? Hindi mo acó hinihintay, ¿anó? Talastasín mong naparito acóng galing sa mg̃a lalawigan upang humaráp sa iyóng casál. At lumapit na tagláy ang isáng ng̃itì ng̃ ligaya, at inilahad cay María Clara ang camáy at ng̃ hagcán. Lumapit si María Clarang nang̃ang̃atal at ilinapit ng̃ boong paggalang ang camáy na iyón sa canyáng mg̃a labì. —¿Anó ang nangyayari sa iyo, María?—ang tanóng ng̃ franciscano, na nawalan ng̃ masayáng ng̃itî at napuspós ng̃ balísa;—malamíg ang camáy mo, namumutlâ ca ... ¿may sakit ca ba, bunso co? At hinila ni parì Dámaso si María Clara sa canyáng candung̃ang tagláy ang isáng pagliyag na hindi nasasapantaha nino mang canyáng macacaya, tinangnán ang dalawáng camáy ng̃ dalaga, at siyá'y tinanóng sa pamamag-itan ng̃ titig. —Walâ ca na bang catiwalà sa iyóng ináama?—ang itinanóng na ang anyó'y naghíhinananakit mandín;—halá umupô ca rito't saysayin mo sa akin ang mg̃a maliliit na bagay na isinásamà ng̃ iyong loob, gaya ng̃ dating guinagawa mo sa akin ng̃ panahóng icaw ay musmós pa, pagca nacacaibig cang gumawa ng̃ mg̃a muñecang pagkit. Nalalaman mo ng̃ magpacailan man ay minámahal catá ... cailán ma'y hindi catá kinagalitan.... Nawalâ ang magaspáng at bugál-bugál na tinig ni parì Dámaso at ang humalili ay mairog na anyô ng̃ pananalitâ. Nagpasimula si María Clara ng̃ pag-iyác. —¿Tumatang̃is ca ba, anác co? ¿bakit ca ba umíiyac? ¿Nakipagcagalit ca ba cay Linares? Nagtakip ng̃ mg̃a taing̃a si María Clara. —¡Huwág sana ninyó siyáng bangguitín ... ng̃ayón!—ang sigáw ng̃ dalaga. Tiningnán siyá ni parì Dámasong puspós ng̃ pagtatacá. —¿Aayaw ca bang ipagcatiwalà sa akin ang iyong mg̃a lihim? ¿Hindi ba laguing pinagsicapang cong bigyáng catuparan ang bawa't iyong maibigan? Itining̃ala ng̃ dalaga sa canyá ang mg̃a matáng punô ng̃ mg̃a luhà, sandaling siyá'y tinitigan, at muling tumang̃is ng̃ malakíng capaitan. —¡Huwág cang tumang̃is ng̃ ganyán, anác co, sa pagcá't nagbíbigay sákit sa akin ang iyong mg̃a luhà! ¡Saysayín mo sa akin ang iyóng mg̃a ipinagpipighatî; makikita mo cung tunay na minamahal ca ng̃ iyóng ináama! Marahang lumapit sa canyá si María Clara, lumuhód sa canyáng paanán, itining̃alâ sa canyá ang mukháng napapaliguan ng̃ luhà, at saca sinabi sa canyá ng̃ tinig na bahagyâ ng̃ mawatasan: —¿Iniibig po ba ninyó acó? —¡Musmós! —¡Cung gayó'y ... ampunin ninyó ang aking amá at huwág po ninyó acóng ipacasál! At saca sinabi ng̃ dalaga ang hulíng pagkikita nilá ni Ibarra, ng̃uni't iniling̃id niyá ang lihim ng̃ canyáng paguiguing tao. Bahagyâ nang macapaniwalà si parì Dámaso sa canyáng náriring̃ig. —¡Samantalang siyá'y buháy,—ang ipinatuloy ng̃ dalaga,—inacalà cong lumaban, naghíhintay acó, acó'y umaasa! Ibig cong mabúhay upang macáring̃ig acó ng̃ mg̃a balitang tungcól sa canyá ... ¡datapuwa't ng̃ayóng siyá'y pinatáy, walâ na ng̃ang cadahilanan upáng mabuhay acó't magcasákit! Sinabi niyá ang mg̃a salitáng itó ng̃ madálang, mahinà ang tinig, banayad, waláng luhà. —Ng̃uni't tang̃á, ¿hindi ba macalilibong magaling si Linares cay ...? —¡Nang buháy pa siyá'y macapag-aasawa acó ... inaacalà cong magtanan pagcatapos ... waláng hináhang̃ad ang aking amá cung di ang pakikicamag-ánac! Ng̃ayóng patáy na siyá, sino ma'y hindi macatatawag sa aking esposa ... Nang buháy pa siyá'y mangyayaring acó'y magpacasamâ, málalabi sa akin ang sayá ng̃ loob sa pagcaalam na siyá'y buháy pa at marahil maaalaala acó; ng̃ayóng siyá'y patáy na ... ang convento ó ang libing̃an. Palibhasa'y totoong matindí ang pananalita ng̃ dalaga, nawala cay parì Dámaso ang masayáng anyô at naggunamgunam. —¿Lubhâ bang malakí ang pag-ibíg mo sa canyá?—ang itinanóng ng̃ pautál. Hindi umimic si María Clara. Inilung̃ayng̃ay ni parì Dámaso sa canyáng dibdib ang canyáng ulo at hindi umimic. —¡Anác co!—ang biglang sinabi ng̃ tinig na sira;—patawarin mo acó, na hindi co sinasadya'y aking ipinahamac ang iyong caligayahan. Ang mangyayari sa iyo sa hinaharap ang aking iniisip, minimithî co ang iyong caligayahan. ¿Paano ang aking pagpapahintulot na pacasál icaw sa isáng tagá rito, upang icaw ay aking mapanood ná esposang cahabaghabág at ináng culang palad? Hindi co maialís sa iyóng ulo ang iyóng pagsintá, caya't humadláng acó ng̃ boo cong lacás, guinawa co ang lahát ng̃ lihís sa catuwiran, dahil sa iyó, sa iyo lamang dahil. Cung icaw ay naguing asawa niyá, tatang̃is ca pagcatapos, dahil sa calagayang pagca inianác dito ng̃ asawa mo, na laguing nabibing̃it sa lahát ng̃ pag-api't pagpapahirap na waláng calasag sa pagsasanggaláng; cung maguíng iná ca na'y tatang̃isan mo ang casawiang palad ng̃ iyong mg̃a anác; cung silá'y papag-aralin mo't ng̃ dumúnong, inihahandà mo sa canilá ang masacláp na mararating; maguiguing caaway silá ng̃ religión, at cung magcágayo'y makikita mo silá sa pagcabitay ó sa pagcapatapon; cung pabayaan mo namáng mangmáng, makikita mo namáng silá'y tinatampalasan at sumasacaimbihán! ¡Hindi co ng̃a mangyaring maitulot! Dahil dito'y inihahanap catá ng̃ isáng asawang macapaghahandóg sa iyó ng̃ pagca ináng maligaya ng̃ mg̃a anác na macapag-uutos at hindi mapag-uutusan, na macapagpaparusa't hindi magdaralità.... Nalalaman cong mabait ng̃a ang yong catoto buhat sa camusmusán, minámahal co siyá't gayón din ang canyáng amá, datapuwa't pinagtamnán co silá ng̃ gálit, mula ng̃ makita cong silá ang maguiguing dahil ng̃ iyong casawaliang palad, sa pagcá't catá'y minamahal, catá'y pinacasisintá, catá'y iniibig na cawang̃is ng̃ pag-ibig sa isáng anác; waláng umiirog sa akin cung di icaw na ng̃a lamang; napanood co ang iyóng pag-lakí; hindi nacararaan ang isáng oras na hindi catá inaalaala; napapanaguinip co icaw; icaw ang tang̃ing catuwaan co.... At tumang̃is si parì Dámasong tulad sa isáng musmós. —¡Cung gayón, cung acó'y inyóng minámahal, huwag po sanang ipahamac ninyó acó magpacailán man; patáy na siyá, ibig cong mag-monja! Itinuon ng̃ matandâ ang noo sa canyáng camáy. —¡Mag-monja, mag-monja!—ang inulit ulit.—Hindi mo nalalaman, anác co, ang pamumuhay, ang talinghagang nagcúcubli sa loob ng̃ mg̃a pader ng̃ convento, hindi mo nalalaman! Macalilibong iniibig cong mapanood cong icaw ay nagcacasákit sa mundo, cay sa makita co icaw na nacuculong sa convento. Sa mundo'y máriring̃ig ang iyong mg̃a daíng, doo'y wala cung di ang mg̃a pader ... ¡Icaw ay magandá, totoong magandá, hindi ca sumilang sa maliwanag upang icaw ay másoc sa pag-momonja, upang maguing esposa ca ni Cristo! Maniwalà ca sa akin, anác co, kinacatcat na lahát ng̃ panahón; macalilimot ca cung malaon, iibig ca, iibig ca sa asawa mo ... cay Linares. —¡O ang convento ó ... ang camatayan!—ang inulit ni María Clara. —¡Ang convento, ang convento ó ang camatayan!—ang mariing sabi ni parì Dámaso.—María, matanda na acó, hindi na mangyayaring tumagál pa ang aking pagcacaling̃a sa iyo't sa iyóng capanatagan.... Humirang ca ng̃ ibang bagay, humanap ca ng̃ ibáng sisintahin, ibáng binatà, cahi't na sino, datapuwa't huwag lamang ang convento. —¡Ang convento ó ang camatayan! —¡Dios co, Dios co!—ang isinigaw ng̃ sacerdote, na tinacpan ng̃ mg̃a camáy ang ulo;—pinarurusahan mo acó, anóng gagawin! datapuwa't caling̃ain mo ang aking anác na babae!... At lining̃ón ang dalaga: —¿Ibig mong maguing monja? maguiguing monja ca; aayaw acong mamatáy icaw. Hinawacan ni Maria Clara ang canyang dalawáng camay, pinisíl, hinagcán at lumuhod. —¡Ináama co, ináama co!—ang inulit-ulit. Umalis pagcatapos si parì Damasong mapangláw, nacatung̃ó at nagbúbuntong hining̃á. —¡Dios, Dios, tunay ng̃ang nabubuhay ca, yamang acó'y iyóng pinarurusahan! ¡ng̃uni't manghiganti ca sa akin at huwag mong pahirapan ang waláng casalanan, iligtás mo ang aking anác! |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Ang Pagtatapat ni Padre Damaso