Noli Me Tangere/Kabanata 53
←Kabanata 52: Baraha ng mga Patay at ang mga Anino ←Paliwanag |
Kabanata 53: Makikilala sa Umaga ang Isang Magandang Araw Paliwanag |
Kabanata 54: (Pagbubunyag)→ Paliwanag→ |
Teksto
Makikilala sa Umaga ang Isang Magandang Araw |
Il Buon Di Si Conosce Da Mattina Maagang cumalat sa bayan ang balitang may nakitang mg̃a ilaw sa libing̃an ng̃ gabing nacaraán. May sinasabi ang punò ng̃ V.O.T. (Venerable Orden Tercera) na mg̃a candilang may ilaw at cung paano ang anyô at cung gaano ang caniláng mg̃a lakí, datapuwa't ang hindi matucoy ay ang bilang, ng̃uni't may nabilang siyáng hanggáng dalawampô. Hindi dapat atimín ni hermana Sipa, na caanib sa Cofradía ng̃ Santísimo Rosario, na ang macapagyabáng lamang na nacakita ng̃ biyayà ng̃ Dios na itó'y ang isáng na sa hermandad (capatiran) na caaway; sinabi namán ni hermana Sipa, cahi't hindi malapit doon ang canyáng tinátahanan, na siyá'y nacáring̃ig ng̃ mg̃a daíng at hibíc, at hanggáng sa tila mandín canyáng nakikilala ang tinig ng̃ tang̃ing mg̃a tao, na ng̃ unang panahó'y canyáng naca ..., datapuwa't alang-alang sa pag-ibig sa capuwa taong atas sa binyaga'y hindi lamang canyáng pinatatawad, cung di namán canyáng ipinananalang̃in at inililihim ang caniláng mg̃a pang̃alan, at dahil dito'y pagdaca'y pinapagtitibay na siyá'y santa. Hindi totoong matalas ang taing̃a, ang catotohanan, ni hermana Rufa, ng̃uni't hindi dapat tiisin niyáng naring̃ig ang bagay na iyón ni hermana Sipa't siyá'y hindi, at dahil dito'y nanaguinip siyá at sa canyá'y humarap ang maraming mg̃a caluluwa, hindi lamang ng̃ mg̃a taong patáy na, cung di namán ng̃ mg̃a buhay; hiníhing̃i ng̃ mg̃a caluluwang silá'y bahaguinan ng̃ mg̃a indulgenciang canyáng maliwanag na itinátala't pinacaiing̃atan. Masasabi niyá ang mg̃a pang̃alan sa mg̃a familiang nang̃ang̃ailang̃an, at wala siyáng hiníhing̃i cung di isáng muntíng limós upáng isaclolo sa Papa, sa mg̃a pang̃ang̃ailang̃an nitó. Isáng batang ang hanap-buhay ay mag-alaga ng̃ mg̃a hayop, na nang̃ahás magpatibay na wala siyáng nakita liban na lamang sa isáng ilaw at dalawáng táong nang̃acasalacot, nahirapang lubha upang macaligtás sa mg̃a hampás at mg̃a lait. Nawaláng cabuluháng siyá'y manumpâ, na canyáng casama ang canyáng mg̃a calabaw at silá ang macapagsasabi; —¿Durunong ca pa sa mg̃a celador at sa mg̃a hermana, paracmason, hereje?—ang siyáng caniláng sinasabi sa canyá't siya'y iniirapan nilá. Nanhíc ang cura sa púlpito at inulit ang sermón tungcól sa Purgatorio, at muli na namáng lumabas ang mg̃a pipisohin sa canicaniláng kinatataguan. Ng̃uni't pabayaan natin muna ang mg̃a caluluwang nang̃aghihirap, at pakinggán natin ang salitaan ni don Pilipo at ng̃ matandáng Tasio, na may sakit at nag-íisa sa canyáng maliit na bahay. Malaon nang hindi bumabang̃on sa canyáng kinahihigaan ang filósofo ó ulól, at nararatay dahil sa isáng panghihinang madalî ang paglubhâ. —Ayawán, sa catotohanan, cung marapat co cayóng handugan ng̃ masayáng batì dahil sa pagcátanggáp sa inyó ng̃ inyóng pagbibitiw ng̃ catungculan; ng̃ una, ng̃ hindi pakinggán ng̃ boong cawalánghiyaan ang palagáy ng̃ marami sa mg̃a nang̃agpupulong, sumasacatuwiran cayóng hing̃in ninyó ang pahintulot na macapagbitíw cayó ng̃ inyóng catungculan; ng̃uni't ng̃ayóng cayó'y nakikitalád sa guardia civíl ay hindi magalíng. Sa panahón ng̃ pagbabaca'y dapat cayóng manatili sa inyóng kinalalagyan. —Tunay ng̃a, datapuwa't hindi, pagca naglililo ang general,—ang sagót ni don Filipo;—talastas na po ninyóng kinabucasa'y inalpasan ng̃ gobernadorcillo ang mg̃a sundalong aking nahuli, at nagpacatangguítangguíng gumawa ng̃ cahi't anó pa man. Wala acóng magawa cung walang pahintulot ang aking punò. —Wala ng̃a, cung cayó'y nag-íisa, datapuwa't malakí ang magágawa ninyó cung catulong ninyó ang mg̃a ibá. Dapat sanang sinamantala ninyó ang ganitóng pangyayari upang cayó'y macapagbigáy ulirán sa ibáng mg̃a bayan. Sa ibabaw ng̃ catawátawáng capangyarihan ng̃ gobernadorcillo'y naroon ang catuwiran ng̃ bayan; iyán sana ang pasimula ng̃ isáng magalíng na pagtuturò ay inyóng sinayang na di guinamit. —¿At anó bagá caya ang aking magágawa sa kinacatawán ng̃ mg̃a malíng pananalig? Tingnan po ninyó't nariyan si guinoóng Ibarra, na napilitang makisang-ayon sa mg̃a pananampalataya ng̃ caramihan, ¿inaacalà ba ninyóng siyá'y naniniwalà sa «excomunión»? —Ibá ang inyóng calagayan cay sa canyá; ibig ni guinoóng Ibarrang magtaním, at upang magtaním ay kinacailang̃ang yumucód at tumalima sa cahiling̃an ng̃ catawán; ang catungculan po ninyó'y magpagpág, at upang magpagpág ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ lacás at ning̃as ng̃ loob. Bucod sa rito'y hindi dapat gawín ang pakikitalád laban sa gobernadorcillo; ang marapat sabihi'y: laban sa lumalabis sa paggamit ng̃ lacás, laban sa sumisira ng̃ catahimican ng̃ bayan, laban sa nagcuculang sa canyáng catungculan; at sa ganitó'y hindi ng̃a cayó mag-iisá, palibhasa'y ang bayan ng̃ayó'y hindi na gaya ng̃ nacaraáng dalawampóng taón. —¿Sa acala po caya ninyó?—ang tanóng ni don Filipo. —¿At hindi po ninyó nararamdaman?—ang isinagót ng̃ matandang ga humilig na sa kináhihigan;—¡ah! palibhasa'y hindi pô ninyó nakita ang panahóng nagdaan, hindi ninyó mapagcucurocurò ang bung̃a ng̃ pagparito ng̃ mg̃a tagá Europa, ng̃ mg̃a bagong aclát at ng̃ pagpasá Europa ng̃ mg̃a kinabataan. Pag-isip-isipin ninyó't pagsumagsumaguin: tunay ng̃a't nananatili pa ang Real at Pontificia Universidad ng̃ Santo Tomás, sampô ng̃ canyáng carunungdung̃ang claustro, at pinapagsasanay pa ang iláng mg̃a nag-aaral sa pagtatatág ng̃ mg̃a «distingo» (pagkilala ng̃ caibhán) at bigyán ng̃ panghulíng ningníng ang mg̃a catalasan ng̃ pagmamatuwiran tungcól sa iglesia, ng̃uni't ¿saán pô ninyó makikita ng̃ayón yaóng mg̃a kinabataang mawilihíng sásalicsic ng̃ metafísica, panís ng̃ mg̃a dunong, na sa capapahirap sa pag-iisip ay namamatay sa marayang mg̃a pagbabalacbalac sa isáng suloc ng̃ mg̃a lalawigan, na hindi matapustapos unawain ang mg̃a saguisag ng̃ «ente», hindi macuhang masunduan ang liwanag ng̃ «esencía» (tining) at ng̃ «existencia» (búhay) cataastaasang palaisipang nagpapalimot sa atin ng̃ lalong kinacailang̃ang maalaman: ng̃ nauucol sa ating cabuhayan at sariling calagayan? ¡Tingnán po ninyó ang cabataan ng̃ayón! Sa puspós na casiglahan ng̃ caniláng loob sa pagcákita sa lalong malayong tan-awin, silá'y nang̃ag-aaral ng̃ Historia, Matemáticas, Geografía, Literatura, mg̃a dunong sa Física, mg̃a wicà ng̃ ibá't ibáng lahi, mg̃a bagay na lahát na nang panahón nati'y ating diníring̃ig ng̃ malakíng pang̃ing̃ilabot na parang mg̃a heregía; ang lalong mahiliguín sa calayaan ng̃ isip ng̃ panahón co'y pinapagtitibay na mababang-mababa ang mg̃a dunong na iyán sa mg̃a minana cay Aristóteles at sa mg̃a pátacaran ng̃ «silogismo». Sa cawacasa'y napag-unawa ng̃ taong siyá'y tao; pínabayaan ang pagsisiyasat sa calagayan ng̃ canyáng Dios, ang pakikialam sa hindi matangnán, sa hindi nakita, at ang paglalagdá ng̃ alituntunin sa mg̃a panaguinip ng̃ canyáng panimdim; napagkilala ng̃ taong ang canyáng minana'y ang malawac na daigdíg, na macacaya niyáng pagharian; na sa canyáng pagcapagál sa isáng gáwaing waláng cabuluhá't palalò, tumung̃ó't pinagmasídmasíd ang lahát nang sa canyá'y nacaliliguid. Pagmasdán pô ninyó ng̃ayón cung paano ang pagsílang ng̃ ating mg̃a poeta; binúbucsan sa ating unti unti ng̃ mg̃a Musa ng̃ Naturaleza ang caniláng iniing̃atang mg̃a cayamanan at nagpápasimulâ ng̃ pagng̃iti sa atin upáng tayo'y bigyáng siglá sa pagpapatulò ng̃ pawis. Naghandóg na ng̃ mg̃a unang bung̃a ang mg̃a dunong na nagbúhat sa mg̃a pinagdanasan; culang na lamang ng̃ayón ang lubós na pacabutihin ng̃ panahón. Naaalínsunod ang mg̃a bagong abogado ng̃ayón sa mg̃a bagong balangcás ng̃ Filosofia ng̃ Càtuwirán; nagpápasimulà na ang ilán sa canilá ng̃ pagníngning sa guitna ng̃ carilimáng nacaliliguid sa luclucan ng̃ mg̃a tagapa-unawa ng̃ cagaling̃an, at nahihíwatigan na ang pagbabago ng̃ lacad ng̃ panahón. Pakinggán po ninyó cung paanong manalitâ ng̃ayón ang mg̃a cabataan, dalawing po ninyó ang mg̃a páaralang pinagtuturuan ng̃ mg̃a dunong, at ibá ng̃ mg̃a pang̃alan ang umaaling̃áwng̃aw sa mg̃a pader ng̃ mg̃a claustro, diyán sa loob ng̃ mg̃a pader na iyá'y wala tayong máriring̃ig liban na lamang sa mg̃a ng̃alan ni Santo Tomás, Suarez, Amat, Sánchez at mg̃a ibá pa, na pawang pinacasásamba ng̃ panahóng co. Waláng cabuluháng magsisigáw buhat sa mg̃a púlpito ang mg̃a fraile laban sa tinatawag niláng pagsamâ ng̃ mg̃a ugalì, tulad sa pagsigáw ng̃ mg̃a magtitindá ng̃ isdâ, laban sa cacuriputan ng̃ mg̃a mamimili, na hindi nilá napagkikilalang ang calacal nilá'y bilasâ na't waláng cabuluhán! Waláng cabuluháng ilaganap ng̃ mg̃a convento ang caniláng mahahabang galamáy at mg̃a ugat sa hang̃ád na inisín sa mg̃a bayan ang bagong agos; pumapanaw na ang mg̃a diosdiosan; mangyayaring mapapamayat ng̃ mg̃a ugat ng̃ cahoy ang mg̃a halamang doo'y itinatanim, datapuwa't hindi mangyayaring macaamís ng̃ buhay sa ibáng nang̃abubuhay, na gaya na ng̃a ng̃ mg̃a ibong napaiilangláng sa calang̃itán. Masimbuyó ang pananalitâ ng̃ filósofo; nagníningning ang canyáng mg̃a matá. —Datapuwa't maliit ang bagong sibol; cung mang̃agcáisa ang lahát, ang pagsúlong na totoong napacamahal ang ating pagbili'y mangyayaring caniláng mainís,—ang itinutol ni don Filipo na áayaw maniwala. —Inisin siya, ¿nino? ¿ng̃ tao bagâ, iyáng pandác bang masasactín ang macaíinis sa Pagsulong, sa macapangyarihang anác ng̃ panahón at ng̃ casipagan? ¿Cailán bagá nagawâ niyá ang gayón? Lalò ng̃ itinulac siyá sa paglaganap ng̃ mg̃a nang̃agpupumilít na siyá'y piguílin sa pamamag-itan ng̃ mg̃a pinasasampalatayan, ng̃ bibitayán at ng̃ pinagsusunugang sigâ. E por si muove, (at gayón ma'y gumágalaw), ang sinasabi ni Galileo ng̃ pinipilit siyá ng̃ mg̃a dominicong canyáng sabihing ang lupa'y hindi gumagalaw; ang gayóng salitá'y iniuucol sa pagsulong ng̃ dunong ng̃ tao. Mapipilit ang iláng mg̃a calooban, mapápatay ang iláng mg̃a tao, ng̃uni't itó'y waláng cabuluhán: magpapatuloy ng̃ paglacad sa canyáng landás ang Pagsulong, at sa dugô ng̃ mg̃a mabulagtá'y bubucal ang mg̃a bago't malalacás na mg̃a suwi. Pagmasdán po ninyó ang mg̃a pamahayagan man, cahi't ibiguing magpacátiratira sa cahulihulihan, gayón ma'y humáhacbang ng̃ isá sa pagsulong ng̃ laban sa canyáng calooban; hindi macatacas sa pagtupad sa ganitóng atas ang mg̃a dominico man, caya't caniláng tinutularan ang mg̃a jesuita, na cánilang mg̃a caaway na cailán ma'y hindi macacasundô: gumágawâ silá ng̃ mg̃a casayahan sa caniláng mg̃a claustro, nang̃agtátayô ng̃ mg̃a maliliit na mg̃a teatro, nag-áanyô-anyô ng̃ mg̃a tulâ, sa pagcá't palibhasa'y hindi silâ culang sa catalinuhan, bagá man ang boong isip nilá'y nang̃abubuhay pa silá sa icalabinglimáng siglo, napagkikilala niláng sumasacatuwiran ang mg̃a jesuita, at silá'y makikialam pa sa daratníng panahón ng̃ mg̃a batang bayang caniláng tinuruan. —Ayon, sa sabi ninyó'y ¿caalacbáy ang mg̃a jesuita sa paglacad ng̃ Pagsulong?—ang tanóng na nagtátaca ni don Filipo;—cung gayo'y ¿bakit silá'y minamasamâ ng̃ mg̃a tagá Europa? —Cayó po'y sasagutín co ng̃ catulad ng̃ mg̃a nag-aaral ng̃ tungcól sa Iglesia ng̃ una,—ang isinagót ng̃ filósofo, na mulíng nahigâ at pinapanag-uli ang canyáng pagmumukháng palabiro;—sa tatlóng paraán mangyayaring macaacbay sa Pagsulong: sa dacong unahán, sa dacong taguiliran at sa dacong hulihán; ang mg̃a nang̃ung̃una'y siyáng namamatnugot sa canyá; ang nang̃asa taguilira'y cusang napadadala na lamang, at ang nang̃ahuhuli'y pawang kinácaladcad, at sa mg̃a kinácaladcad na itó nasasama ang mg̃a jesuita. Ang ibig sana nilá'y silá ang macapamatnubay sa Pagsulong, ng̃uni't sa pagcá't nakikita niláng itó'y malacás at ibá ang mg̃a hilig, silá'y nakikisang-ayon, at lalong minamagalíng niláng silá'y makisunod cay sa silá'y tahaki't yapacan, ó mátira caya sa guitna ng̃ marilím na daán. Ng̃ayón po'y tingnán ninyó, tayo rito sa Filipinas ay may mg̃a tatlóng siglo, ang cauntian, ang ating pagcáhuli sa carro ng̃ Pagsulong: bahagya pa lamang nagpápasimula tayo ng̃ pag-alis sa «Edad Media» (476 hanggáng 1453); caya ng̃a ang mg̃a jesuita na nasa Europa'y larawan ng̃ pag-urong, cung pagmasdan dito'y larawan ng̃ Pagsulong; cautang̃an ng̃ Filipinas sa canilá ang bagong umúusbóng na pagdunong, ang mg̃a dunong na catutubò ng̃ daigdíg (Ciencias Naturales), na siyáng cáluluwa ng̃ siglo XIX, na gaya namang cautang̃án sa mg̃a dominico ang Escolasticismo (filosofía ng̃ Edad Media), na namatáy na cahi't anóng pagpipilit na gawín ni León XIII: waláng Papang macabuhay na mag-ulî sa binitay na ng̃ catutubong bait ... Datapuwa't ¿saán náparoon ang ating salitaan?—ang itinanóng na nagbago ng̃ anyô ng̃ pananalita;—¡ah! ang pinag-uusapan nati'y ang casalucuyang calagayan ng̃ Filipinas ... Siyá ng̃a, ng̃ayó'y pumapasoc tayo sa panahón ng̃ pakikitunggalì, malî acó, cayó; nauucol na sa gabí camíng nang̃aunang ipinang̃anác, cami'y paalís na. Ang nagtutunggali ay ang nacaraang panahóng cumacapit at yumayacap na nagtútung̃ayaw sa uugaugâ ng̃ malaking bahay na bató ng̃ mg̃a macapangyarihan, at saca ang panahóng sasapit, na náriring̃ig na buhat sa malayò ang canyáng awit ng̃ pagwawagui, sa mg̃a sinag ng̃ isáng namamanaag ng̃ liwaywáy, tagláy ang Bagong Magandáng Balita na galing sa mg̃a ibáng lupaín ... ¿Sinosino caya ang mang̃atitimbuang at mababaon sa pagcaguhò ng̃ náguiguibang bahay? Tumiguil ng̃ pananalitâ ang matandáng lalaki, at ng̃ makita niyang siyá'y tinititigan ni don Filipong nagninilaynilay, ngumitî at mulíng nagsalitâ: —Halos nahuhulaan co ang iniisip po ninyó. —¿Siyá ng̃a pô ba? —Iniisip po ninyóng magaang na totoóng mangyaring acó'y nagcacamalì,—ang sinabing ng̃uming̃itî ng̃ malungcót;—ng̃ayó'y may lagnát acó at hindi namán acó maipalalagay na hindi namamali cailán man: homo sum et nihil humani a me alienum puto, ani Terencio; ng̃uni't cung manacánaca'y itinutulot ang managuinip, ¿bakit bagá't hindi mananaguinip acó sa mg̃a hulíng sandalî ng̃ buhay? At bucód sa roo'y ¡pawang panaguinip lamang ang aking naguíng buhay! Sumasacatuwiran pô cayó; ¡panaguinip! waláng iniisip ang ating mg̃a kinabataan cung di ang mg̃a sintahan at layaw ng̃ catawan: lalong malaki ang panahóng caniláng ginugugol at ipinagcacapagod sa pagdayà at paglulugsô ng̃ isáng capurihán ng̃ isáng dalaga, cay sa pag-iisip-isip ng̃ icagagaling ng̃ canyáng lupang tinubuan; pinababayaan ng̃ mg̃a babae rito sa atin ang caniláng sariling mg̃a familia, dahil sa pag aalaga ng̃ bahay at familia ng̃ Dios; masisipag lamang ang mg̃a lalaki rito sa atin sa nauucol sa mg̃a vicio at silå'y mg̃a bayani lamang sa paggawâ ng̃ mg̃a cahiyahiyâ; námumulat ang camusmusan sa mg̃a cadilimán at sa mg̃a calumalumaang pinagcaratihang aayaw baguhin; pinalálampas ng̃ mg̃a cabataan ang lalong pinacamagalíng na panahón ng̃ caniláng buhay na waláng anó mang mithîin, at ang mg̃a may gulang na'y waláng guinágawang sucat mamung̃a ng̃ cagaling̃an, waláng capacanán silá cung di magpasamâ sa mg̃a kinabataan sa pamamag-itan ng̃ caniláng masasamáng halimbawang ipinakikita ... Ikinagagalac cong acó'y mamatáy na ... claudite jam rivos, pueri. —¿Ibig pô ba ninyó ang anó mang gamót?—ang itinanóng ni don Filipo, upáng magbago ng̃ salitaang nacapagbigáy dilim sa mukhâ ng̃ may sakít. —Hindî nagcacailang̃an ng̃ mg̃a gamót ang mg̃a mamamatay; cayóng mg̃a mátitira ang nang̃agcacailang̃an. Sabihin pô ninyó cay don Crisóstomo na acó'y dalawin niyá bucas, may sasabihin acó sa canyáng totoong mahahalagá. Sa loob ng̃ iláng araw ay yayao na acó. ¡Sumásacadilimán ang Filipinas! Pagcatapos ng̃ ilàng sandali pang pag-uusapa'y iniwan ni don Filipong namámanglaw at nag-iisip ang bahay ng̃ may sakít. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Ang Mabuting Araw ay Nakikilala sa Umaga
- Mabuting Araw Nakilala sa Umaga
- Ang Umaga
- Ang Pagsilang ng Magandang Umaga