Noli Me Tangere/Kabanata 45
←Kabanata 44: Pagsusuri ng Budhi ←Paliwanag |
Kabanata 45: Mga Inuusig Paliwanag |
Kabanata 46: Sabungan→ Paliwanag→ |
Teksto
Mga Inuusig |
Ang mga Pinag-uusig Tinatanglawan ng̃ isang malamlam na liwanag na inilalaganap ng̃ buwan at umulusot sa malalagong mg̃a sang̃a ng̃ mg̃a cahoy, ang isang lalaking naglalagalag sa cagubatan, na maraha't mahinahon ang lacad. Manacanaca at anaki baga'y ng̃ huwag maligaw, sumusutsot siya ng̃ isang tang̃ing tugtuguin, na ang caraniwa'y sinasagot ng̃ gayon ding sutsot sa dacong malayo. Matamang nakikinig ang lalaki, at ipinagpapatuloy, pagcatapos, ang paglacad na ang tinutunto'y ang malayong huni. Sa cawacasan, ng̃ canyang maraanan ang libolibong mg̃a nacahahadlang cung gabi sa paglalacad sa isang gubat na hindi pa nalalacaran, siya'y dumating sa isang maliit na puang na naliliwanagang ganap ng̃ buwan sa icaapat na bahagui ng̃ canyang paglaki. Matataas na mg̃a malalaking batong buhay, na napuputung̃an ng̃ mg̃a cahoy ang siyang nacababacod sa paliguid, na ano pa't wari isang nababacurang panoorang naguiba; mg̃a cahoy na bagong putol, mg̃a punong naguing uling ang nacapupuno sa guitna, na nang̃ahahalo sa pagkalalaking mg̃a batong buhay, na kinucumutan ng̃ pacaposcapos ng̃ Lumikha ng̃ canyang culubong na mg̃a dahong verde ang culay. Bahagya pa lamang cararating ng̃ lalaking di kilala'y siyáng paglabás namang bigla ng̃ isang lalaki rin sa licuran ng̃ isang malaking bató, lumapit at binunot ang isang revolver. —¿Sino ca?—ang tanong sa wicang tagalog na mabalasic ang tinig, casabay ang pagtataas ng̃ "gatillo" ng̃ canyang sandata. —¿Casama ba ninyo si matandàng Pablo?—ang sagot ng̃ bagong cararating na mahinahon ang tinig, na hindi sinagot ang catanung̃an at hindi nagugulumihanan. —¿Ang capitan ba ang itinatanong mo? Oo, narito. —Cung gayo'y sabihin mong narito si Elías at siya'y hinahanap,—anang lalaki na hindi iba cung di ang talinghagang piloto. —¿Cayo po ba'y si Elías?—ang itinanong ng̃ canyang causap na taglay ang tang̃ing pagpipitagan, at saca lumapit, at gayon ma'y patuloy rin ang paguumang sa canya ng̃ bung̃ang̃a ng̃ revolver;—cung gayo'y ... halícayo. Sumunód sa canyá si Elías. Pumasoc silá sa isáng anyóng yung̃ib na palusóng sa cailaliman ng̃ lupa. Ipinauunawa sa piloto, ng̃ tagapamatnubay na nacacaalam ng̃ daan, cung palusóng, cung cailan dapat yumucód ó gumapang; gayón ma'y hindi nalao't sila'y nang̃agsirating sa isang may anyong salas, na bahagya na naliwanagan ng̃ mg̃a huepe, at ang nang̃aroroo'y labingdalawa ó labing limang lalaking may taglay na mg̃a sandata, marurumi ang mg̃a mukha at cagulatgulat ang mg̃a pananamit, na nacaupo ang mg̃a ibá, ang iba nama'y nacahiga, at nagsasalitaan ng̃ bahagya. Namamasdan ang isang matandang lalaking mapanglaw ang pagmumukha, nacapulupot sa ulo niyá ang isang bigkis na may dugo, nacalagay ang mg̃a sico sa isang batóng guinagawang pinaca mesa, at pinagninilay-nilay ang ilaw na sa gayong caraming usoc na ibinubuga'y bahagya na ang inilalaganap na liwanag: cung hindi sana talastas nating iyo'y isang yung̃ib ng̃ mg̃a tulisan, mawiwica natin, sa pagbasa ng̃ malaking pagng̃ang̃alit sa mukha ng̃ matandang lalaki, na siya ang Torre ng̃ Gútom sa araw na sinusundan ng̃ paglamon ni Ugolino sa canyang mg̃a anac. Umanyong humilig ang nang̃ahihigang mg̃a lalaki ng̃ dumating si Elías at ang namamatnugot sa canya, datapuwa't sa isang hudyat nito'y nang̃agsitahimic at nang̃agcasiya na lamang sa pagmamasid sa piloto, na walang taglay na anó mang sandata. Untiunting luming̃on ang matandang lalaki at ang natagpuan ng̃ canyang mg̃a mata'y ang nacapagpipitagang kiyas ni Elías, na nacapugay na siya'y pinagmamasdang puspós ng̃ calungcutan at pagbibigay halaga. —¿Icao ba?—ang itinanong ng̃ matandang lalaki, na sumaya ng̃ caunti ang mg̃a mata ng̃ makilala ang binata. —¡Sa anóng calagayan aking nasumpung̃an cayo!—ang ibinulong ni Elías sa babahagyang tinig at iguinagalaw ang ulo. Hindi umimic ang matanda at tumung̃ó, humudyát ng̃ isa sa mg̃a tao, nanang̃agsitindig sila't lumayo, na canilang sinulyáp muna't sinucat ng̃ mg̃a mata ang taas at bicas ng̃ pang̃ang̃atawan ng̃ piloto. —¡Tunay ng̃a!—ang sinabi ng̃ matandang lalaki ng̃ silang dalawa'y nagiisa na;—ng̃ cata'y patuluyin sa aking bahay, na may anim na buwan ng̃ayon, aco ang ng̃ panahóng iyo'y nahahabag sa iyo; ng̃ayo'y nagbago ang capalaran, ng̃ayo'y icaw namán ang nahahabag sa akin. Ng̃uni't umupo ca at sabihin mo sa akin cung bakit ca nacarating hang̃ang dito. —May labing limang araw na ng̃ayong ibinalita sa akin ang nangyari sa inyong casacunaan,—ang madalang na isinagot ng̃ binata sa mahinang tinig, na ang ilaw ang siyang tinitingnan;—pagca alam co'y lumacad na agad acó, nagpacabicabila acó sa mg̃a cabunducan, halos dalawang lalawigan ang aking nalibot. —Napilitan acong tumacas at ng̃ huwag magsabog ng̃ dugong walang malay; natatacot humarap ang aking mg̃a caaway at ang canila lamang inilalagay sa aking hirap ay ang ilang mg̃a caawaawa, na walang guinawa sa akin cahit caliitliitang casam-an. Ng̃ macalampas ang sandaling hindi pag-imic na guinamit ni Elías sa pagbasa ng̃ mg̃a caisipang mapapanglaw sa mukha ng̃ matandang lalaki, nagpatuloy ng̃ pananalita ang binata: —Naparito aco't ibig cong ipakiusap sa inyo ang isang bagay. Sa pagca't hindi aco nacasumpong, cahi't aking pinaghanap, ang bahagyang labi man lamang ng̃ mag-anac na may cagagawan ng̃ casawiang palad naming mag-anac, minagaling co ang iwan ang lalawigang aking tinatahanan upang tumung̃o sa dacong timugan at makisama sa mg̃a pulutong ng̃ mg̃a hindi binyagan at nabubuhay ng̃ boong kalayaan: ¿ibig po ba ninyong lisanin ang bagong pinasisimul-an ninyong pamumuhay at sumama sa akin? Lalagay acong tunay na inyong anac, yamang namatay ang anac po ninyo, at kikilalin co cayong ama, yamang wala na acong magugulang? Umiling ang matanda ng̃ paayaw, at nagsalita: —Sa gulang na aking dinating, pagca niyacap ng̃ calooban ang isang pasiyang cakilakilabot, ay dahil sa wala ng̃ sucat pagpaliiran. Isang taong gaya co, na guinamit ang canyang cabataan at ang canyang cagulang̃an sa pagpapagal at ng̃ camtan ang sariling guinhawa at ang sa mg̃a anac sa panahong hinaharap; isang taong nagpacumbaba sa lahat ng̃ mg̃a naguing calooban ng̃ canyang mg̃a puno, na tumupad ng̃ boong pagtatapat sa mabibigat na catungculan, na nagtiis ng̃ lahat upang mamuhay sa catahimican at sa isang catiwasayang mangyayaring camtan; pagca tinalicdan ng̃ ganitong taong pinalamig na ang dugò ng̃ panahon, ang lahat ng̃ canyang pinagdaanan at ang boong pagdaraanan pa, at sumasa mg̃a pampang̃in na ng̃ libing̃an, ay sa pagca't canyang napagkilalang lubos na walang capayapaang masusumpung̃an at ang catiwasiya'y hindi siyang calakilakihang cagaling̃an! ¿Ano't magpapacatira pa sa hindi sariling lupain upang magbuhay dukha? Dating aco'y may dalawang anac na lalaki, isang anac na babae, isang bahay, isang cayamanan; aking dating tinatamo ang pagpipitaga't pagmamahal ng̃ madla; ng̃ayo'y isang cahoy na pinutlan ng̃ mg̃a sang̃a ang aking cawang̃is, lagalag, nagtatago, pinag-uusig sa mg̃a cagubatang tulad sa isang halimaw, ¿at anong dahil at guinawa sa akin ang lahat ng̃ ito? Dahil sa inilugso ng̃ isang lalaki ang capurihan ng̃ aking anac na babae, sa pagca't hining̃i ng̃ mg̃a capatid sa lalaking iyang magsulit siya ng̃ catampalasanang canyang guinawa, at sa pagca't ang lalaking iya'y nang̃ing̃ibabaw sa mg̃a iba sa pamamag-itan ng̃ pamagat na ministro (kinakatawan) ng̃ Dios. Inalintana co, gayon man, ang lahat ng̃ ito, at acong ama, aco, na siniraan ng̃ puri sa aking catandaan, aking ipinatawad ang caalimurahan, ipinagpaumanhin co ang casilacbuhan ng̃ cabataan at ang mg̃a carupucan ng̃ catawang lupa, at sa casiraang iyong hindi na mangyayaring maisauli, ¿ano ang dapat cong gawin cung di ang huwag ng̃ umimic at iligtas ang nalabi? Datapuwa't nang̃anib ang tampalasang baca sa humiguit cumulang na cadalia'y camtán niya ang panghihiganti, caya't ang guinawa'y humanap ng̃ capahamacan ng̃ aking mg̃a anac na lalaki. ¿Nalalaman mo ba cung ano ang canyang guinawa? ¿Hindi? ¿Natatalastas mo bang linubid ang casinung̃a-ling̃ang cunuwa'y linooban ang convento, at sa mg̃a isinacdal ay casama ang isa sa aking mg̃a anac? Hindi nairamay iyóng isá, sa pagca't wala't na sa ibang bayan. ¿Nalalaman mo ba ang mg̃a catacottacot na pahirap na sa canila'y guinawa? Nalalaman mo, sa pagca't nang̃agcacawang̃is ang ganitong mg̃a pahirap sa lahat ng̃ mg̃a bayan. ¡Aking nakita, nakita co ang aking anac na nacabiting ang tali sa canyang sariling buhoc, naring̃ig co ang canyang mg̃a sigaw, aking naring̃ig na aco'y canyang tinatawag, at aco, sa aking caruwagan at palibhasa'y namarati aco sa capayapaan, hindi aco nagcaroon ng̃ catapang̃ang pumatay ó magpacamatay caya! ¿Nalalaman mo bang hindi napatotohanan ang pangloloob na iyon, napaliwanagan ang bintang, at ang naguing parusa'y ilipat sa ibang bayang ang cura, at ang aking anac ay namatay dahil sa mg̃a pahirap na guinawa sa canya? ¡Ang isa, ang nalalabi sa akin, ay hindi duwag na gaya ng̃ canyang ama; at sa catacutan ng̃ tacsil na nagpahirap na ipanghiganti sa canya ang pagcamatay ng̃ canyang capatid, guinamit na dahilan ang cawal-an ng̃ "cedula personal" na nalimutang sandali, piniit ng̃ Guardia Civil, pinahirapan, guinalit at pinasamang totoo ang loob sa casalimura hanggang sa siya'y mapilitang magpacamatay! At aco, aco'y buhay pa pagcatapos ng̃ gayong calakilakihang cahihiyan, datapuwa't cung hindi aco nagcaroon ng̃ tapang-ama sa pag-sasanggalang ng̃ aking mg̃a anac, may natitira pa sa aking isang pusô upang italaga sa isang panghihiganti at manghihiganti aco! Untiunting nang̃agcacatipon ang mg̃a maygalit sa ilalim ng̃ aking pamiminuno, pinararami ang mg̃a cawal co ng̃ aking mg̃a caaway, at sa araw na mapagkilala cong aco'y macapangyarihan na, lulusong aco sa capatagan at tutupukin co sa apoy ang aking panghihiganti at ang aking sariling buhay! ¡At darating ang araw na iyan ó walang Dios! At nagtindig ang matandang lalaki, na nagng̃ing̃itng̃it, at idinagdag, na nagniningning ang paning̃in, malagunlong ang tinig at sinasabunutan ang canyang mahahabang mg̃a buhóc: —¡Sumpain acó, sumpain acó na aking piniguil ang mapanghiganting camay ng̃ aking mg̃a anac; acó ng̃a ang pumatay sa canila! ¡Cung pinabayaan co sanang mamatay ang may sala, cung hindi sana acó lubós nanalig sa justicia ng̃ Dios at sa justicia ng̃ mg̃a tao, ng̃ayon disi'y may mg̃a anac pa acó, marahil sila'y nang̃agtatago, datapuwa't ng̃ayo'y may mg̃a anac naman sana acó, at hindi sila sana nang̃amatay sa capapahirap! ¡Hindi aco ipinang̃anac upáng maguing amá, caya wala acong mg̃a anac ng̃ayón! ¡Sumpain acó, na hindi co natutuhang makilala sa aking catandaan ang lupaing aking kinatatahanan! Datapuwa't matututo acong ipanghiganti co cayó sa pamamag-itan ng̃ apoy, ng̃ dugo at ng̃ aking sariling camatayan! Ang culang palad na amá, sa casilacbuhan ng̃ canyáng pighati, nalabnot ang bigkis ng̃ ulo, at dahil sa gayo'y nabucsan ang sugat sa noo, at doo'y bumalong ang isáng batisang dugo. —Pinagpipitagan co ang inyóng pighati,—ang muling sinabi ni Elías,—at napagwawari co ang inyong panghihiganti; acó nama'y gaya rin ninyo, at gayón man, sa aking pang̃ang̃anib na baca aking masugatan ang waláng malay, lalong minamagaling co pa ang calimutan co ang aking mg̃a casawiang palad. —¡Mangyayari cang macalimot, sa pagca't bata icáw at sa pagca't hindi ca namamatayan ng̃ isa man lamang anac, ng̃ sino mang siyáng iyong catapusáng maaasahan! Ng̃uni't aking ipinang̃ang̃aco sa iyo, hindi co sasactan ang sino mang walang casalanan. Nakikita mo ba ang sugat na ito? Upang huwag cong mapatay ang isang caawaawang cuadrillerong gumaganap ng̃ canyang catungculan, ipinaubaya cong siya ang sumugat sa akin. —Datapuwa't tingnan po ninyó—ani Elías pagca lampas ng̃ sandaling hindi pag-imíc;—tingnan po ninyó cung alin ang cakilakilabot na siga na inyong pagsusugbahan sa ating culang palad na mg̃a bayan. Cung gaganapin ng̃ inyong sariling mg̃a camay ang inyong panghihiganti, gaganti ng̃ catacot tacot ang inyong mg̃a caaway, hindi laban sa inyó at hindi rin laban sa mg̃a taong sandatahan, cung di laban sa bayan, na ang caraniwa'y siyáng isinusumbong, at pagcacagayo'y ¿gaano caraming mg̃a paglabag sa catuwiran ang mangyayari! —¡Mag-aral ang bayang magsanggalang sa sarili, magsanggalang sa sarili ang bawa't isa! —¡Talastas po ninyong iya'y hindi mangyayari! Guinoo, cayó po'y aking nakilala ng̃ ibang panahon, niyóng panahong cayo po'y sumasaligaya, niyao'y pinagcacalooban ninyo acó ng̃ mg̃a paham na aral; maitutulot baga ninyong?... Naghalukipkip ang matanda at wari'y nakikinig. Guinoo,—ang ipinagpatuloy ni Elías, na pinacasusucat na magaling ang canyáng mg̃a wika;—nagca palad acong macagawa ng̃ isang paglilingcod sa isang binatang mayaman, may magandang puso, may caloobang mahál at mithì ang mg̃a icagagaling ng̃ canyang tinubuang bayan. Ang sabihana'y may mg̃a caibigan ang binatang ito sa Madrid, ayawan co, datapuwa't ang masasabi co sa inyo'y siya'y caibigan ng̃ Capitan General. ¿Anó po ang inyong acala cung siya'y ang ating papagdalhin ng̃ mg̃a caraing̃an ng̃ bayan at siya'y pakiusapan nating magmalasakit sa catuwiran ng̃ mg̃a sawing palad? Umiling ang matandang lalaki. —¿Mayaman ang sabi mo? walang iniisip ang mg̃a mayayaman cung hindi ang dagdagan ang canilang mg̃a cayamanan; binubulag sila ng̃ capalaluan at ng̃ caparang̃alanan, at sa pagca't ang caraniwa'y magaling ang canilang calagayan, lalo na cung sila'y may mg̃a caibigang macapangyarihan, sino man sa canila'y hindi nagpapacabagabag sa pagmamalasakit sa mg̃a culang palad. Nalalaman cong lahát, sa pagca't ng̃ una'y aco'y mayaman! —Ng̃uni't ang taong sinasabi co po sa inyo'y hindi cawang̃is ng̃ mg̃a ibá: siya'y isang anác na inalimura dahil sa pag-aala-ala sa canyáng amá; siya'y isang binata, na sa pagca't hindi malalao't magcacaasawa, nag-iisip isip siya ng̃ sa panahong darating, ng̃ isáng magandang casasapitan ng̃ canyáng mg̃a anác. —Cung gayo'y siya'y isang taong magtatamong ligaya; ang catuwiran nating ipinagtatanggol ay hindi ang sa mg̃a taong na sa caligayahan. —¡Datapuwa't iyan ang catuwirang ipinagtatanggol ng̃ mg̃a taong may puso! —¡Hari na ng̃a!—ang muling sinabi ng̃ matandang lalaki at saca naupo,—ipalagay mo ng̃ ang binatang iya'y sumang-ayong siya ang maghatid ng̃ ating caraing̃an hangang sa Capitang General; ipalagay mo ng̃ siya'y macakita sa pang̃ulong bayan ng̃ España ng̃ mg̃a diputadong magsanggalang sa atin, ¿inaacala mo na baga cayang papagtatagumpayin na ang ating catuwiran? —Atin munang ticmang gawin bago tayo gumamit ng̃ isang paraang kinacailang̃ang magsabog ng̃ dugo,—ang isinagót ni Elías,—Dapat na macapagtacá po sa inyó, na acó, na isá rin namang sawing palad, bata at malacás ang catawan, ang siyang makiusap sa inyo, na cayo'y matanda na't mahina, ng̃ mg̃a paraang payapa: at ganito, sa papca't aking napanood ang lubhang maraming cahirapang tayo rin ang may cagagawang gaya rin ng̃ mg̃a cagagawan ng̃ mg̃a malulupit; ang mahina ang siyang nagbabayad. —¿At cung sacaling wala tayong magawang anó man? —May magagawa tayo cahi't cacaunti, maniwala po cayo; hindi ang lahat ng̃ mg̃a nang̃ang̃atungculan sa baya'y hindi marunong cumilala ng̃ catuwiran. At cung wala tayong masundaan, cung aayaw pakinggan ang ating cahing̃ian, cung magpacabing̃i na ang tao sa capighatian ng̃ canyang capuwa, pagnagcagayo'y ¡hahandog po aco sa bawa't inyong ipag-uutos! Niyacap ang binata ng̃ matandang lalaking lipos ng̃ malaking catuwiran. —Tinatanggap co ang iyong panucala, talastas cong gumaganap ca ng̃ iyong pang̃aco. Paririto ca sa aki't cata'y tutulung̃an upang maipanghiganti ang iyong mg̃a magugulang, at aco nama'y tutulung̃an mo upang maipanghiganti co ang aking mg̃a anac, ¡ang aking mg̃a anac na pawang nacacatulad mo! —Samantala'y huwag po ninyong pababayaang mangyari ang ano mang gahasang cagagawan. —Isasalaysay mo ang mg̃a caraing̃an ng̃ bayang pawang talastas mo na, ¿Cailan co malalaman ang casagutan? —Sa loob po ng̃ apat na araw ay mag-utos po cayo ng̃ isang taong makipagkita sa akin sa pasigan ng̃ San Diego, at sasabihin co sa canya ang maguing casagutan sa akin ng̃ taong aking inaasahang.... Cung siya'y sumang-ayo'y canilang kikilalanin ang ating catuwiran, at cung hindi'y aco ang unaunang matitimbuang sa pakikilabang ating gagawin. —Hindi mamamatay si Elias, si Elias ang mamiminuno cung matimbuang si capitang Pablong busog na ang puso sa canyang panghihiganti,—anang matandang lalaki. At siya rin ang sumama sa binata hanggang sa macalabas sa labas. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Ang mga Pinag-uusig
- Ang Pinag-uusig
- Ang mga Abang Pinag-uusig