Noli Me Tangere/Kabanata 43
←Kabanata 42: Mag-asawang De Espadaña ←Paliwanag |
Kabanata 43: Mga Balak Paliwanag |
Kabanata 44: Pagsusuri ng Budhi→ Paliwanag→ |
Teksto
Mga Balak |
Mga Panucala Hindi niya pinansin ang sino man, tuloytuloy siya sa higaan ng̃ may sakit, at saca niya hinawacan ang camay nito: —¡Maria!—ang canyang sinabi ng̃ hindi maulatang pag-irog, at bumalong sa canyang mg̃a mata ang mg̃a luha;—¡Maria, anac co, hindi ca mamamatay! Binucsan ni Maria ang canyang mg̃a mata at tiningnan siya ng̃ tanging pagtataca. Sino man sa mg̃a nacacakilala sa franciscano'y hindi nang̃aghihinala man lamang na siya'y may taglay ng̃ gayong lubhang mg̃a caguiliwguiliw na damdamin; hindi inaacala ng̃ sino mang sa ilalim ng̃ gayong matigas at magaspang na anyo'y may tangkilic na isang puso. Hindi nacapanatili roon si pari Damaso, at umiiyac na parang musmos na lumayo sa dalaga. Tinung̃o niya ang "caida" upang doo'y maibulalas niya ang canyang capighatian, sa lilim ng̃ mg̃a gumagapang na halaman sa durung̃awan ni Maria Clara. —¡Pagcalakilaki ng̃ canyang pag-ibig sa canyáng inaanac!—ang sapantaha ng̃ lahat. Pinagmamasdan siya ni fray Salví na hindi cumikilos at hindi umiimic, at nang̃ang̃agat labi ng̃ bahagya. Ng̃ anyóng natatahimic na si pari Dámaso'y ipinakilala sa canya ni doña Victorina ang binatang si Linares, na sa canyá'y magalang na lumapit. Waláng imic na pinagmasdan siya ni pari Dámaso, mula sa mg̃a paa hangang úlo, inabot ang súlat na sa canya'y iniabot ni Linares, at binasa ang lihim na iyóng anaki'y hindi napag-uunawa ang lamán, sa pagca't tumanóng —¿At sino po ba cayó? —Acó po'y si Alfonso Linares, na inaanac ng̃ inyóng bayáw ...—ang pautál na sinabi ng̃ binata. Lumiyad si pari Dámaso, mulíng minasdan ang binata, sumaya ang mukha at nagtindíg. —¡Aba, icaw palá ang inaanac ni Carlicos!—ang biglang sinabi at siya'y niyacap; halica't ng̃ kita'y mayacap ... may ilang, araw lamang na catatanggap co pa ng̃ canyang sulat ... ¡abá, icaw palá! Hindi catá nakikilala ... mangyari baga, hindi ca pa ipinang̃ang̃anac ng̃ aking lisanin ang lupaing iyón; ¡hindi cata nakilala! At pinacahihigpit ng̃ canyáng matatabang mg̃a bisig ang binata, na namúmula, ayawan cung sa cahihiyan ó sa pagcainís. Tila mandin nalimutan ng̃ lubós ni pari Dámaso ang canyáng pighati. Ng̃ macaraan ang iláng sandali ng̃ pagpapakita ng̃ pagguiliw at pagtatanong sa calagayan ni Carlicos at ni Pepa, tumanóng si pari Dámaso: —¡At ng̃ayon! ¿anó ang ibig ni Carlicos na gawin co sa iyó? —Tila mandin may sinasabi sa sulat na caunting bagay ...,—ang muling sinabi ni Linares ng̃ pautál. —¿Sa sulat? ¿tingnan co? ¡Abá, siya ng̃a! ¡At ang ibig ay ihanap catá ng̃ isáng catungculan at isáng asawa! ¡Hmm! ¡Catungculan ... catungculan, magaang; ¿marunong ca bang bumasa't sumulat? —¡Tinanggáp co ang pagca abogado sa Universidad Central! —¡Carambas! icaw pala'y isang picapleitos (mapang udyóc sa pag-uusapin) datapuwa't wala sa iyong pagmumukha ... tila ca isang mahinhing dalaga, ng̃uni't ¡lalong magaling! Datapuwa't bigyán catá ng̃ isang asawa ... ¡hm! ¡hmm! isang asawa.... —Padre, hindi po acó lubháng nagdadalidali,—ang sinabi ni Linares na nahihiya. Datapuwa't si pari Dámaso'y nagpaparoo't parito sa magcabicabilang dúlo ng̃ caida, na ito ang ibinúbulong:—¡Isang asawa, isáng asawa! Hindi na malungcot at hindi naman masaya ang canyang mukha; ng̃ayo'y nagpapakilala ng̃ malaking cataimtiman at wari'y may iniisip. Pinagmamasdan ni pari Salví ang lahat ng̃ ito mula sa malayo. —¡Hindi co acalaing macapagbibigay sa akin ng̃ malaking capighatian ang bagay na ito!—ang ibinulong ni pari Dámaso ng̃ tinig na tumatang̃is;—datapuwa't sa dalawang casamaa'y dapat piliin ang pinacamaliit. At lumapit cay Linares at saca inilacas ang pananalita: —Halica, bata,—anya:—causapin nata si Santiago. Namutla si Linares at cusang napahila sa sacerdote, na nag-iisipisip sa paglacad. Ng̃ magcagayo'y humalili naman sa pagpaparoo't parito sa caida si pari Salví, na naggugunamgunam ayon sa dati niyang caugalian. Isang tinig na sa canya'y nagbibigay ng̃ magandang araw ang siyang nagpahinto ng̃ canyang capaparoo't parito: tumunghay at ang nakita niya'y si Lucas, na sa canya'y bumati ng̃ boong capacumbabaan. —¿Anó ang ibig mo?—ang tanong ng̃ mg̃a matá ng̃ cura. —Among, ¡aco po ang capatid ng̃ namatay sa caarawan ng̃ fiesta!—ang sagot na cahapishapis ni Lucas. Umudlot si pari Salví. —¿At ano?—ang ibinulong na bahagya na maring̃ig. Nagpupumilit umiyac si Lucas at pinapahid ng̃ panyo ang canyang mg̃a mata. —Among,—ang sinabing nagtutumang̃is,—¿naparoon po aco sa bahay ni don Crisóstomo upang huming̃i ng̃ cabayaran sa búhay ..., ipinagtabuyan muna aco ng̃ sicad, at ang sabi'y aayaw raw siyang magbayad ng̃ ano man, sa pagca't nang̃anib daw siyang mamatay sa sala ng̃ aking guiliw at cahabaghabag na capatid. Nagbalic po acó ó cahapon, ng̃uni't siya'y nacapasa Maynila na, at nag-iwan ng̃ limang daang piso upang ibigay sa akin, parang isang caawang-gawa, at ipinagbiling huwag na raw bumalic aco cailan man! ¡Ah, among, limang daang piso sa aking caawa-awang capatid, limang daang piso, ah! ¡among!... Ng̃ una'y pinakikinggan siya ng̃ cura na nagtataca at inuulinig ang canyang pananalita, saca untiunting nasnaw sa canyang mg̃a labi ang isang lubhang malaking nagpapawalang halaga at pag-alipusta, sa pagcamasid ng̃ gayong daya at paglambang, na cung nakita sana ni Lucas, marahil siya'y tumacas at nagtumacbo ng̃ boong tulin. —¿At ano ang ibig mo ng̃ayon?—ang itinanong na casabay ang sa canya'y pagtalicod. —¡Ay! among, sabihin po ninyo sa akin, alang-alang sa Dios, cung ano caya ang dapat cung gawin; sa tuwi na'y nagbibigay ang among ng̃ mabubuting mg̃a hatol.... —¿Sino ang may sabi sa iyo? Hindi icaw tagarito.... —¡Nakikilala ang among sa boong lalawigan! Lumapit sa canya si pari Salví na nanglilisic ang mg̃a matá sa galit, itinuro sa canya ang lansang̃an at saca sinabi sa gulat na si Lucas: —¡Humayo ca sa iyong bahay at pasalamat ca cay D. Crisostomo na hindi ca ipinabilanggo! ¡Lumayas ca rito! Nalimutan ni Lucas ang canyang pagpapacunwari at bumulong: —Abá ang isip co'y.... —¡Lumayas ca rito!—ang sigaw ni pari Salví na malaki ang galit. —Ibig co po sanang makipagkita cay pari Dámaso.... —May gagawin si pari Dámaso ... ¡lumayas ca rito!—ang muling ipinagutos ng̃ matindi ng̃ cura. Nanaog si Lucas na nagbububulong: —¡Isa pa naman ito ... pagca siya'y hindi nagbayad ng̃ magaling!... Cung sino ang bumayad ng̃ magaling.... Nang̃agsidalo ang lahat, dahil sa malacas na catatalac ng̃ cura, pati ni pari Dámaso, ni capitan Tiago at ni Linares.... —¡Isang walang hiyang hampas-lupa, na naparitong nanghihing̃i ng̃ limos at aayaw magtrabajo!—ang sinabi ni pari Salví, na dinampot ang sombrero at bastón at tinung̃o ang convento. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Mga Balak o Panukala
- Panukala
- Mga Panukala
- Mga Valak o Panulaka