Noli Me Tangere/Kabanata 5
←Kabanata 4: Erehe at Filibustero ←Paliwanag |
Kabanata 5: Isang Bituin sa Gabing Madilim Paliwanag |
Kabanata 6: Si Kapitan Tiago→ Paliwanag→ |
Teksto
Isang Bituin sa Gabing Madilim |
Isang Bituin sa Gabing Madilim Nanhíc si Ibarra sa canyáng cuarto, na nasadacong ilog, nagpatihulóg sa isáng sillón, at canyáng pinagmasdán ang boong abót ng̃ ting̃in, na malakí ang natatanaw, salamat sa nacabucás na bintanà. Totoong maliwanag, sa caramihan ng̃ ilaw, ang catapát na báhay sa cabiláng ibayo, at dumárating hanggáng sa canyáng "cuarto" ang mg̃a masasayáng tínig ng̃ mg̃a instrumentong may cuerdas ang caramihan.—Cung hindî totoong guló ang canyáng isip, at cung siyá sana'y maibiguíng macaalam ng̃ mg̃a guinágawâ ng̃ capowâ táo'y marahil ninais niyáng mapanood, sa pamamag-itan ng̃ isáng gemelos[o 1], ang nangyayari sa kinalalagyán ng̃ gayóng caliwanagan; marahil canyáng hinang̃âan ang isá, riyán sa mg̃a cahimáhimaláng napapanood, isá riyán sa mg̃a talinghagang napakikita, na maminsanminsang nátitingnan sa mg̃a malalakíng teatro sa Europa, na sa marahan at caayaayang tínig ng̃ orquesta ay nakikitang sumisilang sa guitnâ ng̃ isáng ulán ng̃ iláw, ng̃ isáng bumúbugsong agos ng̃ mg̃a diamante at guintô, sa isáng cárikitdìkitang mg̃a pamuti, nababalot ng̃ lubháng manipís at nang̃ang̃aninag na gasa ang isáng diosa, ang isáng "silfide"[o 2] na lumalacad na halos hindî sumasayad ang paa sa tinatapacan, naliliguid at inagaapayanan ng̃ maningning na sinag: sa canyáng pagdatíng ay cusang sumisilang ang mg̃a bulaclác, nagbíbigay galác, ang mg̃a sayáw, nang̃apupucaw ang matimyás na tugtugan, at ang mg̃a pulutóng ng̃ mg̃a díablo, mg̃a ninfa[o 3], mg̃a sátiro[o 4], mg̃a génio[o 5], mg̃a zagala[o 6], mg̃a ángel mg̃a pastor ay sumásayaw, guinagalaw ang mg̃a pandereta, nang̃agpapaliguidliguid at inihahandog ng̃ bawa't isá sa paanan ng̃ diosa ang canícaniláng alay. Napanood sana ni Ibarra ang cagandagandahang dalagang timbáng at matowíd ang pang̃ang̃atawán, tagláy ang mainam na pananamít ng̃ mg̃a anác na babae ng̃ Filipinas, na nangguíguitnâ sa nacaliliguid na sarisaring táo na masasayáng cumikilos at nang̃agcucumpasan. Diyá'y may mg̃a insíc, mg̃a castilà, mg̃a filipino mg̃a militar, mg̃a cura, mg̃a matatandáng babae, mg̃a dalaga, mg̃a bagongtao, at ibá pa. Na sa tabí ng̃ diosang iyón si párì Dámaso, at si párì Dámaso'y ng̃umíng̃iting catulad ng̃ isáng nasacaluwalhatîan; si Fr. Sibyla ay nakikipagsalitaan sa canyá, at iniaayos ni Doña Victorina sa canyáng pagcagandagandang buhóc ang isáng tuhog na mg̃a perla at mg̃a brillante, na cumíkislap ng̃ sarisaring kináng ng̃ culay ng̃ bahaghárì. Siyá'y maputî, nápacaputî marahil, ang mg̃a matáng halos laguing sa ibabâ ang ting̃ín ay pawang nang̃agpapakilala ng̃ isáng cálolowang cálinislinisan, at pagcâ siyá'y ng̃umíng̃itî at nátatanyag ang canyáng mapuputî at malilìt na mg̃a ng̃ípin, masasabing ang isáng rosa'y bulaclác lamang ng̃ cahoy, at ang garing ay pang̃il ng̃ gadya[o 7] lamang. Sa pag-itan ng̃ nang̃ang̃aninag na damít na piña at sa paliguid ng̃ canyáng maputî at linalic na líig ay "nang̃agkikisapan," gaya ng̃ sabi ng̃ mg̃a tagalog, ang masasayáng mg̃a matá, ng̃ isáng collar na mg̃a brillante. Isáng lalaki lamang ang tila mandin hindî dumaramdam ng̃ canyáng maningníng na akit: itó'y isáng batà pang franciscano, payát, nanínilaw, putlâin, na tinátanaw na dî cumikilos ang dalaga, buhat sa maláyò, cawáng̃is ng̃ isáng estátua[o 8], na halos hindî humíhing̃á. Datapuwa't hindî nakikita ni Ibarra ang lahát ng̃itó: napapagmasdan ng̃ canyáng mg̃a matá ang ibáng bagay. Nacúculong ang isáng munting luang ng̃ apat na hubád at maruruming pader; sa isá sa mg̃a pader, sa dácong itáas ay may isáng "reja"; sa ibabaw ng̃ maramí at casuclamsuclam na yapacán ay may isáng baníg, at sa ibabaw ng̃ baníg ay isáng matandáng lalaking naghíhing̃alô; ang matandáng lalaking nahihirapan ng̃ paghing̃á ay inililing̃ap sa magcabicabilà ang mg̃a mata at umiiyac na ipinang̃ung̃usap ang isáng pang̃alan; nag-íisa ang matandáng lalaki; manacanacang náriring̃ig ang calansíng ng̃ isáng tanicalâ ó isáng buntóng-hining̃áng naglalampasan sa mg̃a pader ... at pagcatapos, doon sa maláyò'y may isáng masayáng piguíng, hálos ay isáng mahalay na pagcacatowâ; isáng binata'y nagtátawa, ibinubuhos ang álac sa mg̃a bulaclác, sa guitnâ ng̃ mg̃a pagpupuri at sa mg̃a tang̃ing tawanan ng̃ mg̃a ibá. At ¡ang matandáng lalaki'y catulad ng̃ pagmumukhà ng̃a canyáng amá! ¡ang binata'y camukhâ niyá at canyáng pang̃alan ang pang̃alang ipinang̃ung̃usap na casabáy ang tang̃is! Itó ang nakikita ng̃ culang palad sa canyáng harapán. Nang̃amatáy ang mg̃a ílaw ng̃ catapát na báhay, humintô ang músìca at ang caing̃ayan, ng̃uni't náririnig pa ni Ibarra ang cahapishapis na sigáw ng̃ canyáng amá, na hinahanap ang canyáng anác sa canyáng catapusáng horas. Inihihip ng̃ catahimicán ang canyáng hungcag na hining̃a sa Maynilà, at warì mandi'y natutulog ang lahát sa mg̃a bísig ng̃ walâ; náriring̃ig na nakikipaghalínhinan ang talaoc ng̃ manóc sa mg̃a relój ng̃ mg̃a campanario at sa mapangláw na sigáw na "alerta" ng̃ nayáyamot na sundalong bantáy; nagpapasimulâ ng̃ pagsung̃aw ang capirasong bowán; wari ng̃a'y nang̃agpapahing̃aláy na ang lahát; si Ibarra man ay natutulog na ri't marahil ay napagál sa canyáng malulungcot na mg̃a caisipán ó sa paglalacbáy. Ng̃uni't hindî tumutulog, nagpúpuyat, ang batang franciscanong hindî pa nalalaong nakita nating hindî cumikilos at hindî umíimic. Napapatong ang síco sa palababahan ng̃ durung̃awan ng̃ canyáng "celda" at saló ng̃ pálad ng̃ camáy ang putlai't payát na mukhâ, canyáng pinanonood sa maláyò ang isáng bituing numíningning sa madilím na lang̃it. Namutlâ at nawalâ ang bituwin, nawalâ rin ang mg̃a bahagyáng sínag nang nagpápatay na bowán; ng̃uni't hindî cumilos ang fraile sa canyáng kinálalagyan: niyao'y minamásdan niyá, ang malayong abót ng̃ ting̃ing napapawî sa ulap ng̃ umaga sa dacong Bagumbayan, sa dacong dagat na nágugulaylay pa. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Bituin sa Karimlan
- Pangarap sa Gabing Madilim
Baybayin
Talababaan
|
|