Birhen ng Guadalupe
Ang Birhen ng Guadalupe Pintakasi para sa mga hindi pa naisisilang na sanggol at ng Buhay
Araw ng Kapistahan: Deciembre 8
Madaling-araw ng Sabado, ika-9 ng Disyembre 1531. Mula sa kanyang nayon (Tolpetiac), isang Mehikanong balo ang naglalakad patungo sa kumbento ng mga Misyonerong Pransiskano sa Tlaltelolco upang magsimba at mag-aral ng katesismo. Walang anu-ano’y nakarinig siya ng isang malambing na awit sa burol ng Tepeyac at ng isang tinig na tumawag sa kanya. “Juanito, Juan Diegito,” wika ng tinig, “saan ka paroroon? Ako si Mariang Mahal, laging Birheng Ina ng Diyos na totoo. Hinahangad kong magkaroon ng isang simbahan sa pook na ito bilang tanda ng aking pag-ibig, awa, pagtulong at paglingap. Ipatupad mo ito sa obispo ng Mexico.” Nagpunta si Juan Diego sa lunsod ng Mexico upang isalaysay lahat kay Obispo Juan Zumarraga ang kahilingan ng Birhen, subalit hindi siya pinaniwalaan ng obispo, bagkus ay hinigan siya ng katibayan.
Sa huling pagpapakita sa kanya noong Disyembre 12, inutusan si Juan Diego ng Mahal na Birhen na magtungo sa bundok upang kumha ng mga bulaklak kahit na hindi pa panahon ng mga ito upang sumibol. Pagbalik niya, ang Mahal na Birhen na rin ang nag-ayos ng mga rosas sa kanyang damit o balabal na kung tawagin ay tilma (isang kayo na parang sako ng bigas). “Anak ko,” wika n Mahal na Birhen, “ito ang katibayang dadalhin mo sa obispo. Sa kanya mo lamang ilalahad ang iyong balabal.” Kapagdaka’y nagtungo si Juan sa obispo sa patatlong pagkakataon. Nang makita ng obispo ang kahanga-hangang mga rosas, siya’y biglang nanikluhod, sampu ng kanyang mga kasama, at nasaksihan nila ang isang himala — ang magandang larawan ng Birhen sa tilma ni Juan Diego!
Pagkaraan, sumunod naman ang tiyuhin ni Juan na si Juan Bernardino na pinagpakitaan din ng Mahal na Birhen upang ilathala ang nais na pangalan ng Birhen: “Santa Maria ng Guadalupe Laging Birhen” — Coatalocpia sa wikang Mehikano, na nangangahulugang “nag-iingat sa ahas”.
ARAL:
Pagnilayan natin ang mga katagang ito ng Mahal na Birhen: “Ako ay isang Inang maawain sa iyo at sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa na nagmamahal at nananalig sa akin at humihingi ng aking tulong. Dinidinig ko ang kanilang paghihinagpis at inaaliw sila sa kanilang kalungkutan at pagtitiis.”
Source:
- ↑ Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.